Honey: Alamin ang panganib na dulot nito sa mga baby

Bagamat healthy para sa ating mga matatanda, ang honey ay mapanganib naman para sa mga baby dahil sa honey botulism na maaring maidulot nito.

Kilala ang honey sa napakarami nitong health benefits ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami maari itong magdulot ng isang mapanganib na sakit sa mga baby dahil sa honey botulism.

A baby enjoying his first meal.

Image from pixabay

Honey botulism

Ang honey ay kilala bilang isang mabisang gamot laban sa ubo at iba pang sakit. Sinasabing mahusay rin itong magpagaling ng sugat dahil sa natural na antibacterial at anti-flammatory properties nito. Inilalagay din ito sa mga produkto ng pampaganda dahil sa magandang epekto nito sa ating balat. Kaya naman tinawag itong “liquid gold” dahil sa nakaparaming health benefits na maaring maidulot nito. Ngunit kaakibat ng magagandang epekto ng honey sa ating kalusugan ay isang nakakatakot na sakit na maaring makuha ng mga baby sa pagkain nito. Ito ay ang honey botulism.

Ang botulism o botulism poisoning ay isang uri ng seryosong sakit na idinudulot ng isang bacteria na kung tawagin ay clostridium botulinum. Ang bacteriang ito ay naglalabas ng isang nakakamatay na toxin na kung tawagin ay botulinum na dumadami sa mga lugar na mababa ang level ng oxygen tulad ng ating tiyan. Ang mga botulinum toxins ay kayang patigilin ang maayos na takbo ng ating nervous system na maaring magdulot ng respiratory at muscular paralysis. Ang bacteriang ito ay karaniwang nakikita sa raw honey o pulot pukyutan.

Bagamat ligtas ang pagkain ng honey sa mga bata at matatanda, hindi naman ito ipinapayong ipakain para sa mga baby. Dahil ito sa bacteria na tinataglay nito na maaring magdulot ng honey botulism o mas kilala sa tawag na infant botulism.

Ang infant botulism ay ang uri ng botulism na nararanasan ng mga sanggol isang taong gulang pababa. Ito ay nangyayari kapag sila ay nakakain ng kahit anumang pagkain na nagtataglay ng clostridium bacteria tulad ng honey. Ito ay sa kadahilanang hindi pa kaya ng mahinang digestive system ng isang sanggol ang mabilis na pagdami ng bacteriang tinataglay nito.

FDA warning tungkol sa honey botulism

Taong 1976 ng unang maitala ang kaso ng infant botulism sa California. Matapos nga ng mga pagsusuri napag-alamang ang bacteriang nagdudulot nito ay nanggagaling sa honey na pangunahing inilalagay na pampalasa sa pagkain ng mga baby na nagsisimula pa lamang matutong kumain. Ayon sa mga siyentipiko, ang clostridium botulinum bacteria ay klase ng bacteria na naninirahan sa ating kapaligiran tulad ng lupa. Nakukuha daw ito ng mga bubuyog at naisasama kapag sila ay gumagawa ng honey na nagiging dahilan para macontaminate ito ng naturang bacteria.

Kamakailan nga lamang ay naglabas ng safety alert warning ang Food and Drug Administration o FDA ukol sa panganib ng pagpapakain ng honey sa isang sanggol. Dahil ito sa naitalang kaso ng apat na sanggol na isinugod sa ospital sa Texas, USA dahil sa infant botulism matapos makasipsip ng pacifier na may lamang honey sa loob nito.

Sintomas ng honey botulism

Samantala ang sintomas ng botulism sa mga baby ay maaring lumabas tatlo hanggang tamlumpong araw matapos ang patuloy at paulit-ulit na pagkain ng honey. Ilan nga sa sintomas ng infant botulism na kailangan ninyong bantayan sa isang sanggol ay ang sumusunod:

  • Constipation o hirap sa pagdumi
  • Matamlay na itsura ng sanggol
  • Walang ganang kumain o mahinang pagdede
  • Mahinang pag-iyak
  • Mahinang pag-galaw
  • Hindi maipikit na pilikmata
  • Hirap sa paglunok
  • Paglalaway
  • Paghina ng muscles sa katawan
  • Hirap sa paghinga

Kung hindi maagapan, ang mga palatandaan ng infant botulism ay maaring lumala at mauwi ito sa pagkaparalisa ng katawan ng isang sanggol. Maari rin itong makapagdulot ng kamatayan ng isang baby dahil sa kahirapan sa paghinga.

Kaya dapat mas maging maingat sa pagpapakain sa mga baby at mas maiging magtanong muna sa mga doktor kung ano ang mas makakabuti.

Isang paraan para maiwasan ang botulism sa mga babies, ay ang hindi pagpapakain o pagpapainom ng mga bawal sa sanggol tulad ng honey at corn syrup na nagtataglay din ng bacteria na nagdudulot nito. Dapat ding iwasang pakainin ng mga processed at canned foods ang mga sanggol hanggat hindi pa sila nakakatungtong ng isang taong gulang na kung saan ang digestive system nila ay may kalakasan na.

Ngunit maliban sa pagkain, kailangan din nating panatilihing malinis ang ating kapaligiran na maari ring pamahayan ng naturang bacteria. Ang Clostridium botulinum ay hindi lamang nabubuhay sa honey o sa kahit ano mang canned goods. Maari din itong mabuhay sa alikabok, hangin o sa lupa. Kaya dapat ding ingatang ma-expose ang mga sanggol sa mga construction o agricultural sites na may mataas na tyansang ma-contaminate o magtaglay ng lupa at hanging may botilum bacteria.

Marami pang klaseng bacteria o mikrobyo ang mapanganib hindi lamang sa ating baby ngunit pati narin sa atin. Kaya mas mabuting panatilihing malinis ang ating kapaligiran at iwasang pakainin o painumin ang mga bawal sa sanggol tulad ng honey.

 

Sources:

Medical Daily, AAFP, WHO, The Guardian, CFS, Today, Mayo Clinic

Photo:

https://pixabay.com/en/baby-eating-firsts-food-child-2423896/

Basahin: 6-buwang gulang na baby, namatay matapos pakainin ng honey

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!