Hyperemesis gravidarum: Matinding pagsusuka ng mga buntis

lead image

Ang pagkakaroon ng matinding morning sickness ay nagpapahirap sa pagdadalantao ng mga ina, kabilang na si Duchess of Cambridge Kate Middleton. Narinig mo na ba ang ganitong kondisyon?

Noong December 2012, inanunsyo ng English royal family na nagdadalang-tao ang Duchess of Cambridge na si Kate Middleton. Masayang balita ito! Ngunit may isang hindi gaanong masayang balita: siya ay dumaranas ng hyperemesis gravidarum, o mas kilala bilang matinding morning sickness.

Ano nga ba ang hyperemesis gravidarum? Alamin natin.

Ano ang Hyperemesis gravidarum

Ang hyperemesis gravidarum, na kilala bilang matinding morning sickness, ay isang kondisyon kung saan labis ang pagduduwal o pagsusuka ng isang nagdadalantao.

Ang ibig sabihin ng hyperemesis ay matinding pagsusuka at ang gravidarum naman ay pagbubuntis. Ganoon kasimple ang paliwanag sa katawagang ito.

Naaapektuhan ng kondisyong ito ang isa sa 100 buntis sa mundo. Ang mga nakararanas nito ay halos wala nang laman ang sikmura kapag sinusumpong. Kung minsan, hindi na nakakabangon sa higaan ang mga buntis na may hyperemesis gravidarum.

Karaniwan talagang nangyayari ang pagsusuka o pagduwal sa pagdadalantao ng isang babae. Ngunit ang matinding morning sickness na ito (na hindi lamang tuwing umaga nangyayari) ay kayang pagduwalin ang isang babae ng halos 50 beses sa isang araw!

Ang regular na morning sickness ay nawawala sa ika-14 na linggo ng pagdadalantao. Ang hyperemesis gravidarum ay nagsisimula sa pagitan ng ika-apat hanggang ika-pitong linggo ng pagbubuntis at kadalasang nawawala sa ika-dalawampung linggo. Ngunit sa iba, nagtatagal ito sa buong pagdadalantao ng babae.

Sa mga pinaka-bihirang kaso, kayang magdulot ng panganib sa buhay ng isang ina at kanyang sanggol ang kondisyong ito. Nagdudulot ito ng matinding panghihina at pananamlay sa isang ina.

Paano malalaman kung ikaw ay may hyperemesis gravidarum

Sa normal na morning sickness, ang pagkahilo ay hindi laging nasusundan ng matinding pagsusuka at kadalasang nawawala naman sa ika-12 hanggang ika-14 linggo ng pagdadalantao.

Ngunit sa hyperemesis gravidarum, ang pagkahilo ay laging nasusundan ng matinding pagsusuka at maaaring mangyari sa buong pagdadalantao ng isang babae. Sa kasong ito, maaaring maging dehydrated ang isang ina at laging walang laman ang sikmura.

hyperemesis gravidarum

Ang matinding morning sickness ay nagdudulot ng panghihina at pananamlay sa isang nagdadalantao.

 

Ilan sa mga karaniwang senyales at sintomas ng hyperemesis gravidarum ay ang mga sumusunod:

  • Pag-ayaw sa pagkain
  • Pagbawas ng 5 porsiyento ng timbang bago ang pagdadalantao
  • Madalang na pag-ihi
  • Dehydration
  • Pagkahilo
  • Matinding pagod
  • Mababang blood pressure
  • Mabilis na tibok ng puso o heart rate

Kapag ang matinding pagsusuka ay nangyari pagkatapos ng ika-12 linggo at may kaakibat ng lagnat at pananakit ng katawan, maaaring may kinalaman na ito sa gastric, urinary track infection (UTI), thyroid o diabetes.

Sanhi at mga risk factors ng matinding morning sickness

Ang eksaktong sanhi ng kondisyong ito ay hindi pa rin tiyak ngunit maaaring may kinalaman dito ang pagtaas ng hormone level sa katawan ng isang buntis. Hindi kayang pigilan o agapan ang pagkakaroon ng hyperemesis gravidarum.

Ilan sa mga factors na maaaring makapagdulot ng matinding morning sickness:

  • Unang anak ang ipinagbubuntis
  • Babae ang kasarian ng ipinagbubuntis
  • Kambal o Triplets ang ipinagbubuntis
  • Nasa lahi ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon
  • May history ng pagsusuka kapag gumagamit ng estrogen-based na hormonal contraceptives
  • Madaling mahilo o magkaroon ng migraine
  • Sobra sa timbang o overweight ang isang ina

Komplikasyon

Bibihira ang pagkakaroon ng mga komplikasyon bilang resulta ng pagkakaroon ng matinding morning sickness.

Ang pangunahing inaalala ay ang pagiging sobrang dehydrated ng isang ina dahil nababawasan din nito ang level ng amniotic fluid niya. Ito ay mapanganib sa kalusugan ng fetus dahil malaki ang papel na ginagampanan ng amniotic fluid sa paglaki ng fetus.

Nakakapagpataas din ng tiyansa ng pagkakaroon ng deep vein thrombosis o blood clot sa mga ugat ang dehydration at hindi madalas na pagkilos ng buntis. Ang pagsusuot ng mga compression stockings ay nakakatutulong upang maiwasan ito.

Nakakaapekto rin sa timbang ng baby ang sobrang pagbaba ng timbang ng isang ina habang siya ay nagbubuntis.

Maaaring magdulot din ng pinsala ang sobrang pagsusuka gaya ng pagputok ng ugat sa mata o pagkapunit ng lalamunan ng isang ina. Ang ganitong kondisyon ay nangangailangan ng mabilis na atensyong medikal.

hyperemesis gravidarum

Maaaring bigyan ng mga gamot ang isang nagdadalantao na may hyperemesis gravidarum at pinapayuhang magkaroon ng bed rest.

Lunas

Importante ang pagiging maagap upang mapigilan ang paglala ng nararanasang matinding morning sickness. Ang paglunas ay maaaring makatulong upang mapaginhawa ang mga sintomas.

Isang option ang anti-sickness medication at ligtas itong gamitin sa unang trimester ng pagbubuntis. Gayunman sa ilang sitwasyon, hindi na kayang panatilihin sa sikmura ang gamot dahil sa tindi ng pagsusuka.

Wala ng ibang choice kung hindi ang magpa-admit na sa ospital. Dito ay maaaring ipadaan ang gamot sa pamamagitan ng intravenous fluid (IV) drips upang mapalitan ang nawalang tubig, bitamina at mga minerals sa katawan.

Maaari ka ring bigyan ng tube feeding gaya ng:

  • Nasogastric – feeding tube na idadaan sa ilong patungo sa loob ng tiyan.
  • Percutaneous endoscopic gastronomy – feeding tube na ilalagay sa abdomen patungo sa loob ng tiyan.

Ngayon alam mo na kung anong klaseng morning sickness ang dinaranas ni Duchess Kate na nagpapahirap sa kanyang pagdadalantao. Umaasa kaming siya at ang iba pang mga mommies na may hyperemesis gravidarum ay bubuti rin ang kalagayan paglaon.

 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ A. Cruz

Sources: American Pregnancy.org, Baby Centre

Image source: Dreamstime

BASAHIN: May ibig sabihin ba ang paglilihi sa iba’t ibang pagkain?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Written by

theAsianParent