Isang taong gulang na bata nakunan sa CCTV na sinasaktan ng yaya
Isang bata na naman ang inabuso ng yaya niya at para maiwasan ito na mangyari sa anak mo narito ang mga tips kung paano makakakuha ng kasambahay na magiging tiwala ka.
Isang taong gulang na bata ang nareport na inabuso ng yaya na dapat ay nagbibigay ng maayos na pag-aalaga sa kaniya.
Ang pang-aabuso sa bata ay nakunan sa CCTV na lumabas sa isang report ng TV Patrol kagabi, January 21. Sa video makikita ang pananakit ng yaya sa bata kahit wala naman itong ginagawa.
Inabuso ng yaya
Ayon kay Aby, isang working mom at ina ng baby na inabuso ng yaya, nakilala at nakuha niya di umano ang yaya na nanakit sa kaniyang anak sa isang social media site. Noong una ay kampante siya na naaalagaan ng maayos ng yaya ang kaniyang anak lalo pa’t magiliw ito sa bata kapag nakaharap siya.
Hindi niya akalaing ang yaya pala na pinagkatiwalaan niyang tumingin at mag-alaga sa kaniyang baby ay siya pang mananakit dito. Mabuti na nga lang daw at may CCTV na naka-install sa kanilang kwarto na lingid sa kaalaman ng yaya na pinangalanang si Iya.
Ilan sa nakunang pananakit sa CCTV ay ang biglang pagsampal sa baby na inabuso ng yaya habang ito ay kaniyang pinapakain. Ang pagpalo sa ulo nito, pag-ngudngod sa unan at ang pagsiko sa bunbunan ng baby habang natutulog ito.
Nakuhanan din ang pagpalo ng yaya sa ulo ng baby gamit ang bote ng alcohol at ang pagpaparaos (pag-masturbate) ng yaya sa tabi ng natutulog na bata. Kaya naman nang makita ng nanay ng baby ang naturang video recording sa CCTV ay agad na nagpunta ito sa Violence Against Women and Children Desk ng kanilang barangay upang magsampa ng reklamo.
Sa kanilang paghaharap nga sa barangay, matapos ipa-blotter ng kaniyang amo ay umiiyak na humihingi ng patawad si Iya na kaya lang daw ito nagawa dahil may pinagdadaanan siya. Ngunit para kay Aby ang pananakit na ginawa ni Iya sa kaniyang anak ay hindi katanggap-tanggap lalo pa’t napakabata pa nito at wala naman itong ginagawang kakulitan para masaktan ng kaniyang yaya na makikita sa video.
Nagbigay ng pahayag ang yaya at nagmakaawa na huwag siyang ipakulong. Alam daw niya ang kaniyang pagkakamali at napagbuntunan lang ang bata ng problema niya.
Panoorin ang buong ulat dito:
Tips sa pagkuha ng yaya
Dahil nga sa nangyari ay mas naging malaking tanong para sa mga magulang kung paano kukuha ng isang kasambahay na mapagkakatiwalaan at hindi sasaktan ang kanilang mga anak habang wala sila sa tabi nito.
Kaya naman bilang gabay sa mga magulang, narito ang ilang tips na maaring makatulong sa inyo sa paghahanap o pagkuha ng yaya na mag-aalaga sa anak mo.
- Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation para maturuan at mapaalalahan ang yaya sa mga dapat niyang gawin at sa mga karapatan niya. At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang yaya na mag-aalaga sa isang bata. Ang pagdaan din ng isang yaya sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.
- Kailangan nyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.
- Kung kukuha naman ng yaya ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na yaya sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.
- Mabuti ring kumuha ng yaya na angkop ang edad sa aalagaang bata. Ayon parin sa Maid Provider Incorporated, kung ang aalagaan ay baby pa, mabuting kumuha ng matatanda ng yaya na may higit ng karanasan sa pag-aalaga ng isang baby. Kung ang aalagaan naman ay toddler na, maari ng kumuha ng mga yaya na edad bente anyos pataas na may lakas para matingnan at maalagaan ang mga batang napaka-active sa ganitong edad.
- Mabuti ring kumuha ng isang yaya na may anak na, bagamat sinasabing maaring mahati ang oras nito sa iyong anak at sa mga anak niya. Ngunit mas magiging maganda ito dahil higit na alam niya kung paano mag-alaga ng isang bata sa paraan na ginagawa ng isang magulang.
- Maganda rin na kumuha ng yaya na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya na kung saan madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong kasama sa iyong bahay.
Sensyales na inabuso ng yaya ang isang bata
Para naman agad na maproteksyonan at hindi mabilang sa kaso ng mga batang inabuso ng yaya ang iyong anak, narito naman ang mga senyales ng pang-aabuso sa isang bata.
- Ang isang bata ay may marka o palantaan ng physical abuse gaya ng pasa, sugat at iba pang injury na hindi maipaliwanag o hindi tumutugma sa kwento ng bata at ng kaniyang yaya.
- Ang mga batang nakakaranas din ng physical abuse ay mas alerto o tila laging balisa kapag napapagalitan o may maling nagawa.
- Nagpapakita ng mga gawi ng emotional abuse gaya ng speech problems, hindi pagiging close sa mga magulang, o ang pagiging tarantahin lalo na kung may maling bagay itong nagawa.
- Hindi komportable ang bata kapag nariyan ang kaniyang yaya.
- Mahinang pagkain o pagdede ng isang bata.
Ngunit kung minsan ay hindi natin mapapansin ang mga palatandaang ito lalo na kung tayo ay busy sa trabaho o ibang gawaing bahay. Kaya naman mabuti rin ang paglalagay ng mga CCTV cameras sa loob ng inyong bahay upang matutukan at malaman ang mga insidente kung inabuso ng yaya ang kaniyang alaga.
Pero ang pagkakaroon ng isang mapagkakatiwalaang kasambay ay nagsisimula din sa maayos mong pakikitungo sa kaniya. Maliban sa pagkakaroon ng benepisyo gaya ng SSS, Pag-ibig, at Philhealth, dapat rin ay magkaroon ang iyong kasambay ng day-off o pahinga na kung saan may oras siya sa kaniyang sarili o magpakasaya kasama ang ibang tao gaya ng kaniyang kaibigan o pamilya.
Dapat din ay paswelduhin siya ng tama at nasa oras. At upang matamo ang respeto at pag-aalaga na gusto para sa iyong anak at pamilya, dapat din ay respetuhin mo ang iyong kasambay at ituring itong parte ng iyong pamilya at hindi isang alila na susunod lang sa bawat iutos sa kanila.
- Mister pinapainom ng pampatulog ang misis para abusuhin ang stepdaughter
- Kambal na 6-month old nakuhaang sinasaktan ng kanilang sariling ina
- Vic Sotto sa kahilingan ni Tali na magkaroon ng kapatid: "Ang problema parati namin siyang katabi matulog"
- 10 parenting mistakes kung bakit lumalaking hindi close ang bata sa magulang