Bata, nagdugo ang tainga dahil sa kagat ng ipis
Napuno raw ng dugo ang tainga ng bata, dahil sa kagat ng ipis na sinusubukang tumakas.
Natural na sa mga magulang ang maging maingat pagdating sa kanilang mga anak. Lahat ng mga sakit, sugat, kagat ng ipis o insekto, at kung anu-ano pa ay hindi nila pinapalampas at sinisigurado nilang naaagapan agad ito.
Kaya’t nang magreklamo ang isang 7-anyos na bata ng pananakit ng kaniyang tainga, agad-agad itong sinilip ng kaniyang ina. At laking gulat niya nang makitang nagdurugo ang tainga ng kaniyang anak.
Lalo pa siyang nagulat nang makitang mayroong gumagalaw sa loob ng tainga ng kaniyang anak, na isa palang maliit na ipis na nakapasok dito.
Kagat ng ipis, naging dahilan ng pagdurugo ng tainga
Ayon sa bata, napansin na lang raw niya na mayroong siyang nararamdaman na masakit sa kaniyang tainga. Dahil dito, humingi siya ng tulong sa kaniyang ina, at doon nga nalaman na ipis ang may dahilan ng pananakit.
Hinala ng ina na nakapasok raw ang ipis sa tainga ng bata dahil madalas kumain sa kwarto ang kaniyang mga anak. Baka raw pumasok ito habang natutulog ang kaniyang anak, at nang hindi makalabas ay sinubukan nitong tumakas. Dahil dito, nagkaroon ng kagat ng ipis ang tainga ng bata, na naging dahilan upang ito ay dumugo.
Dahil dito, dinala nila ang bata sa ospital, at sa kabutihang palad ay natanggal naman ng doktor ang ipis. Nilinis raw muna ng doktor ang tainga ng bata, upang matanggal ang natuyong dugo sa loob.
Pagkatapos ay kinuha na ng doktor ang ipis. Sa kabutihang palad ay wala namang naging permanenteng pinsala ang nangyari sa tainga ng bata. Nagkaroon lang ng mga sugat at gasgas ang tainga ng bata dahil sa kagat ng ipis, ngunit bukod dito ay ligtas na siya sa pinsala.
Heto ang Facebook post ng ina tungkol sa nangyari:
Ano ang dapat gawin kapag pinasukan ng insekto ang tainga?
Dahil isang tropical na bansa ang Pilipinas, normal na sa atin ang magkaroon ng mga iba’t-ibang insekto sa paligid. Madaling makaiwas dito basta panatilihin nating malinis ang ating mga tahanan.
Ngunit mayroong ilang mga pagkakataon na talagang pumapasok ang mga insekto sa ating tahanan. Madalas ay hindi naman ito dapat ipag-alala ng mga magulang, ngunit may mga pagkakataon na nakakapasok ang mga insektong ito sa tainga ng mga bata. Minsan nga, pati sa tainga ng mga magulang ay nakakapasok ang mga insektong ito!
Heto ang ilang mga hakbang na dapat gawin ng mga magulang kapag pinasukan ng insekto ang kanilang mga anak:
- Huwag gumamit ng cotton buds, o kaya posporo para tanggalin ang insekto. Posibleng lalong bumaon sa loob ang insekto, at maapektuhan pa nito ang eardrum.
- Kung nakikita mo ang insekto sa tainga ng iyong anak, puwede mong subukan itong tanggalin dahan-dahan gamit ang tweezers.
- Puwede ring itagilid ang ulo ng iyong anak, dahil posibleng mahulog ang insekto mula sa tainga gamit ang gravity.
- Puwede ring gumamit ng baby oil, at ipatak sa tainga ng iyong anak. Sa ganitong paraan, mas mapapadali ang paglabas ng insekto.
- Kung hindi talaga matanggal, mas mabuting pumunta na lamang sa doktor upang sila mismo ang magtanggal ng insekto.
Sources: GMA Network, Mayo Clinic
Basahin: Bata, namaga ang utak at nag kombulsyon dahil sa kagat ng lamok