Bata nabulag dahil sa kakulangan sa Vitamina A

lead image

Dahil sa kakulangan sa Bitamina A, isang bata ang tuluyang nawala ang paningin sanhi ng vitamin deficiency. Alamin kung paano ito maiiwasan.

Paulit-ulit na sinasabi ng mga duktor ang importansya ng tamang pagkain sa kalusugan ng bata. Kinakailangan kasi nila ng tamang nutrisyon sa kanilang development at paglaki. Mayroon kasing mga masamang epekto kapag nagkukulang ang kinakain ng mga ito. Ito ang masaklap na nangyari sa isang 11-taong bata dahil sa kakulangan sa Bitamina A.

Vitamin deficiency

Ayon sa isang ulat na lumabas kamakailan, isang 11-taong gulang na lalaki ang unti-unting nawala ang kaniyang paningin dahil sa kakulangan sa Bitamina A. Mayroon kasing allergy sa pagkain ang bata na nagiging sanhi ng eczema. Sa kagustuhang ma-control ang allergy nito sa pagkain at ang eczema nito, nag-desisyon ang nanay ng bata na limitahan ang mga kinakain ng kaniyang anak.

Kumakain lang ang bata ng mga pagkain na hindi siya allergic katulad ng baboy, lamb, patatas, mansanas, pipino, at Cheerios (cereals). Dahil sa kakulangan ng ibang masusustansiyang mga pagkain katulad ng mga gulay, lubhang nagkukulang sa sustansya ang pagkain ng bata.

Kinalaunan, dinala ang bata sa isang ospital sa Toronto, Canada. Sa pag-aaral ng mga duktor, napag-alaman nilang naranasan ng bata ang mga sumusunod na sintomas:

  • Unti-unting pagkawala ng paningin
  • Night blindness o hindi na makakita pag-gabi
  • Sensitibo sa ilaw
  • Dry eyes

Ayon sa isa sa mga duktor na tumingin sa bata na si Dr. Dustin Jacobson, lubha daw kasi ang eczema na nararanasan ng bata tuwing may allergic reaction ito sa pagkain.

Karaniwan nang tinatanggal ang ibang mga pagkain na nagiging sanhi ng allergy sa diet ng pasyente—mas lalo na ang mga pagkain na madaling maka-trigger ng allergic reaction tulad ng soy, milk, at peanuts. Ganito naman ang ginawa ng nanay ng bata dahil nga sa lubhang epekto ng mga pagkain sa anak niya. Ngunit sadyang sobrang nalimitahan ang kinakain nito, bukod pa sa mapili ito sa pagkain.

Sa kasamaang palad, huli na nang madala siya sa ospital para matignan. Naging malabo na nang tuluyan ang kaniyang paningin at nakikita na lamang ang mga bagay na 30 cm ang layo mula sa kaniyang mukha—na sa depinisyon ng batas ay legally blind na. Nang lumaon, tuluyan nang nawala ang kaniyang paningin.

kakulangan sa bitamina a

Maaari bang mabalik ang kaniyang paningin?

Matapos ma-diagnose ng maayos ang kaniyang karamdaman, sinimulan ang bata na bigyan ng supplements ng Bitamina A. Binigyan siya ng dalawang mega dose ng Bitamina A ng dalawang araw at saka inulit ito muli matapos ang dalawang linggo. Ang isang mega dose ay naglalaman ng 100 times na suggested na daily intake ng Bitamina A.

Ayon sa duktor, bumuti ang lagay ng paningin ng pasyente ngunit hindi pa alam kung tuluyan na maibabalik ang kaniyang paningin. Dagdag pa niya na may posibilidad na habangbuhay na ang pasyente na may visual impairment.

Sa mga pag-aaral, sinasabing ang paglabo ng mata ay puwedeng ma-correct ngunit sa kaso ng pasyente masyadong matagal bago ito natignan ng mga duktor kaya walang kasiguruhan ang pag-galing nito.

Payo sa mga magulang

Kung mayroon mang aral na makukuha sa insidenteng ito, ito ay ang pagiging strikto na masustansiya dapat ang kinakain ng mga anak. Ang kakulangan ng Bitamina A ay nakaka-apekto sa kalusugan ng mata, balat, at immune responses.

Ilan sa mga pagkain na rich sa Bitamina A ay:

  • Kalabasa
  • Kamote (may balat pa)
  • Dilaw o orange na mga gulay
  • Green leafy vegetables
  • Gatas
  • Keso
  • Liver
  • Itlog

Sources: JAMAGlobal News

Isinalin sa wikang Filipino ni Candice Venturanza mula sa artikulong
https://sg.theasianparent.com/diseases-caused-by-lack-of-vitamin-a/