70-anyos na babae, tinangkang mangidnap ng dalawang bata

lead image

Sa dami ng mga balita ng kidnapping sa buong bansa, hindi dapat balewalain ng mga magulang ang kaligtasan ng mga bata sa ganitong mga krimen.

Kamakailan lamang ay nagkaroon ng ilang mga balita tungkol sa sunod-sunod na kaso ng pangingidnap sa Metro Manila. Kaya't ngayon ay doble ingat ang mga magulang upang masigurado ang kaligtasan ng mga bata.

At kamakailan lang ay naibalita ang isang 70-anyos na lola, na nagtangkang mangidnap ng 2 bata sa magkaibang insidente sa Marikina. Sa kabutihang palad ay walang nadakip na bata ang suspek, at natagpuan agad siya ng lokal na pulis.

Kaligtasan ng mga bata sa Metro Manila, nasa panganib nga ba?

Ayon sa mga ulat, nangyari raw ang isang insidente sa Malvar Street, sa Barangay Jesus Dela Peña sa Marikina. Nasa labas raw ng bahay ang isang bata at kumakain, nang siya ay biglang hinawakan at hinila ng suspek. Sa kabutihang palad, nakita agad ito ng ina ng bata, kaya't napigilan ang tangkang pangingidnap.

Ngunit kahit na nahuli ang suspek sa kaniyang masamang balak, ay sinubukan pa nitong mangidnap ng isa pang bata. Buti na lang at nakatakas ang bata, at tumakbo sa kaniyang ina. Sa pagkakataong ito, humingi na ng tulong ang ina ng bata, at nagsagawa ng paghahanap ang barangay.

Nadakip rin ng mga awtoridad ang suspek na kanilang nalaman ay galing pa sa Bulusan, Sorsogon.

Sinampahan ng kasong Attempted Abduction in relation to RA 7610 ang matanda, at siya ay kasalukuyang nakakulong sa Marikina. 

Mga tips para maprotektahan ang iyong mga anak

Ngayon ay tila sunod-sunod ang mga nababalitaan nating kaso ng kidnapping sa Pilipinas. Kaya't mahalagang gawin ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang kaligtasan ng kanilang mga anak. Heto ang ilan sa mga hakbang na magagawa ng mga magulang:

  • Siguraduhing natatanaw parati ang mga anak, lalo na sa pampublikong lugar.
  • Makakatulong na pagsuotin ng makulay o matingkad na damit ang bata para madali itong makita sa mataong lugar.
  • Huwag pabayaang gumala ang mga anak nang mag-isa. Siguraduhing parati silang may kasamang bantay.
  • Magdala ng pito at gamitin ito para tumawag ng atensyon para humingi ng tulong.
  • Siguraduhing alam ng bata ang mga importanteng impormasyon katulad ng pangalan niya, pangalan ng magulang, address, at numero ng telepono.
  • Kapag nasa labas, turuan silang kumilala ng mga katiwa-tiwalang mga tao na puwede nilang lapitan sakaling sila ay mawala, tulad ng mga pulis at guard.
  • Ituro sa kanila ang lugar na puwede nilang puntahan, tulad ng bahay ng kamag-anak o kaibigan.
  • Kapag nasa mall, ituro sa kanila kung nasaan ang mga information counters.

Heto naman ang tips para sa mga bata:

  • Ituro na hindi masamang sumigaw o humiyaw kapag nararamdaman nila na sila ay nasa panganib.
  • Kailangan malaman nila kung paano tumawag ng pansin at magsalaysay ng pangyayari sa mga nakakatanda sa kanilang paligid.
  • Tulungan silang magkaro'n ng kumpiyansa sa sarili. "Ang batang may kumpiyansa ay ang batang ligtas," ayon kay Ernie Allen ng National Center for Missing and Exploited Children. Sa kanilang pag-aaral, ang mga batang nakakatakas sa tangkang pag kidnap ng bata ay ang mga batang nagsisisigaw at nagsisisipa—mga bagay na hindi nagagawa ng mga mahiyain. Hindi rin daw madaling impluwensiyahan at lokohin ang mga batang may kumpiyansa sa sarili.

 

Source: ABS-CBN NewsInquirer

Basahin: 10-anyos, muntik nang ma-kidnap ng babaeng “humihingi ng tulong”

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!