16 na bagay na dapat malaman ng mga bagong panganak na nanay

lead image

Tulad ng pagbubuntis, kinakailangan parin ng ibayong pag-iingat at tamang pag-aalaga sa kalusugan ng bagong panganak na babae. Dahil kung mapabayaan, ito ay maaring magdulot ng iba’t-ibang problemang pangkalusugan na maaring maging banta sa kapakanan ng isang ina at ng kaniyang anak.

Maliban sa siyam na buwan na pagdadala ng isang sanggol sa kaniyang sinapupunan, kinakailangan paring magpatuloy ang maayos na pangangalaga sa kalusugan ng isang babae kahit siya ay makapanganak na. Dahil ito sa bagong responsibilidad na kailangan niyang gampanan at sa pagbabago sa kaniyang katawan na kailangan niya ring paghandaan. Ngunit paano nga ba ang tamang pag-aalaga sa kalusugan ng bagong panganak na babae? Ano-ano ba ang mga pagbabagong dapat niyang asahan at ano ang dapat niyang paghandaan pagtapos manganak? Narito ang ilang dapat na malaman.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2018/12/baby 1866621 960 720.jpg 16 na bagay na dapat malaman ng mga bagong panganak na nanay

1. Labis na pagkapagod.

Isa sa pangkaraniwan nararamdaman ng isang bagong panganak na babae ilang araw o linggo pagkatapos manganak ay ang labis na pagkapagod. Dahil ito sa nawala niyang lakas sa panganganak at sa pagbibigay aruga ng bagong silang niyang sanggol kada tatlong oras.

Kaya naman ipinapayong matulog o magpahinga ang bagong panganak na babae kapag natutulog din ang kaniyang sanggol o bago pa man unahin ang iba pang gawain. Sa ganitong paraan, mas nabibigyan ng pagkakataon ang kaniyang katawan na maka-recover mula sa panganganak at mas mabigyan pa ng sapat na lakas para maalagaan ang kaniyang sanggol.

2. Pananakit sa tiyan.

Normal sa isang babae ang makaranas ng pananakit ng tiyan pagkatapos manganak. Isa itong palatandaan na bumabalik na sa dati ang kaniyang tiyan matapos mabanat at magbigay ng sapat na espasyo para sa kaniyang baby. Mas mapapansin na sumusumpong ang pananakit na ito madalas kapag nagpapasuso.

Isang paraan para maibsan ang sakit ay ang paglalagay ng mainit na towel o boteng may mainit na tubig sa tiyan. Ang tagal naman ng pananakit ng tiyan ay nakadepende sa tagal ng recovery ng isang babae. Ngunit mas tumatagal ito sa mga babaeng hindi dumaan sa normal delivery o nanganak sa pamamagitan ng Caesarian section.

3. Pananakit sa pagitan ng puwet at vagina.

Maliban sa pananakit ng tiyan makakaranas rin ng pananakit sa pagitan ng vagina at butas ng puwet o perineum ang isang bagong panganak na babae. Dahil ito sa pagkakabanat at pressure habang palabas ang sanggol sa puwerta ng kaniyang ina. Nakakaragdag din ng pananakit ang pagkakaroon ng episiotomy o ang hiwa sa vaginal opening ng babae na ginawa upang tulangan siya sa panganganak.

Para maibasan ang pananakit at mapabilis ang paggaling ng hiwa, ang pag-upo sa unan o sa batyang may maligamgam na tubig ay makakatulong.

4. Hindi agad babalik ang buwanang dalaw o regla.

Ang buwanang dalaw o regla ng isang babae ay bumabalik ilang linggo o buwan matapos manganak. At tinatayang mas matagal ang muling pagkakaroon nito sa babaeng nagpapasuso.

Mapapansin rin na mas magiging malakas kumpara sa dati ang regla ng isang bagong panganak na babae at mas makakapagdulot ng pananakit sa puson o cramps. Ngunit kahit pa man hindi pa bumabalik ang buwanang dalaw ng isang babae, hindi nangangahulugan ito na hindi pa siya maaring mabuntis ulit. Kaya ipinapayo ng mga doktor na maging maingat sa pakikipagtalik para sa maayos na pagplaplano ng pamilya.

5. Kailangang gumamit ng birth control method.

Upang maiwasan ang maagang pagkabuntis ulit agad, kinakailangang gumamit ang isang babae ng birth control method. Ito ay nagsisilbing proteksyon niya lalo pa’t inirerekomenda ng mga doktor ang 12 hanggang 18 buwan na gap para mabuntis ulit.

Ayon kay Dr. Henry Chapa ng Texas College of Medicine, ang pagbubuntis ng mababa sa nirekomendang gap ay maaring maging dahilan ng preterm labor, gestational diabetes at hypertension sa susunod na pagbubuntis na maari ring mag-develop sa isang sakit at maging banta sa kalusugan ng bagong panganak na babae.

Habang ayon naman sa Association of Reproductive Health Professionals, ang pagpapasuso ay isang natural na paraan ng birth control method. Dahil ito sa statistika na isa lamang sa 100 na babaeng exclusibong nagpapasuso ang nabubuntis taon-taon. Ito ay dahil sa pagde-delay ng breastfeeding sa ovalulation ng isang babae na hindi parin naman nagbibigay ng matibay na kasiguraduhan na hindi na ito mabubuntis.

6. Magkakaroon ng pagdurugo o pagkakaroon ng mapulang discharge.

Ang pagdurugo o paglabas ng lochia pagtapos manganak ay normal sa isang babae. Isa itong paraan upang tuluyang malinis ang uterus o kaniyang sinapunanan matapos manganak na tumatagal ng ilang linggo. Pinapayuhang gumamit ng sanitary pads at hindi tampons ang mga babaeng nagdurugo pagkatapos manganak upang makaiwas sa impeksyon.

Samantalang ang pagdurugo nang malakas o pagkapuno ng isang pad sa loob lamang ng isang oras ay maaring palantandaan na ng postpartum hemorrhage na kinakailangan ng maagap na atensiyong medikal ng isang doktor. At ang pagkakaroon naman ng kulay dilaw o berdeng discharge na may mabahong amoy ay senyales ng pagkakaroon ng bacterial infection na kailangan ding ipagbigay alam agad sa isang doktor.

7. Pagkaramdam ng kalungkutan o pagka-depress.

Ang pagkaramdam ng kalungkutan o pagka-depress isang linggo o dalawa pagkatapos manganak ay normal lamang. Dahil ito sa hormonal changes na nangyayari sa katawan ng isang babae na nakakaapekto sa chemical balance ng kaniyang utak. Dala na rin ito ng pagkapagod sa pagganap sa bagong niyang tungkulin at obligasyon na tinatawag ring “baby blues.”

Ngunit kung ang isang babaeng bagong panganak ay nakakaranas ng kalungkutan at pagka-depress na mas matagal sa apat na linggo o lagpas pa, maaring nakakaranas na siya na mas seryosong postpartum depression. Mas mabuting tumawag agad ng isang doktor upang mapayuhan ng kung anong dapat gawin bago pa tuluyang lumala ang sitwasyon.

8. Hirap sa pagdumi.

Ang hirap sa pagdumi o constipation ay isa rin sa mga nararanasan ng mga babaeng bagong panganak. Dala ito ng paginom ng mga painkillers o pagturok ng anesthesia habang nanganganak. Ito rin ay dahil sa takot ng ibang babae sa sakit o sa pag-aakalang baka mapunit ang tahi o episiotomy na ginawa sa kaniya.

Ang pag-inum ng maraming tubig at pagkain ng mga pagkain mayaman sa fiber ay makakatulong upang mapaganda at maibsan ang hirap sa pagdumi.

9. Pagkakaroon ng almoranas o hemorrhoids.

Kaugnay sa hirap sa pagdumi, makakaranas rin ng hemorrhoids o almoranas ang isang bagong panganak. Ito ay ang pamamaga ng mga blood vessels o daluyan ng dugo sa rectum ng isang babae dala ng pag-ire habang nanganganak. Ito ay masakit, nagdurugo at minsan ay makati.

Ang pag-upo sa unan at sa batyang may maligamgam na tubig ay makakatulong upang maibsan ang pananakit ng hemorrhoids. Ang pagkain din ng mga pagkaing mayaman sa fiber at pag-inom ng maraming tubig ay makakatulong upang hindi mahirapang dumumi at maiwasan ang sakit.

10. Pagkakaroon ng leaks sa pag-ihi.

Ang pagkakaroon ng leak o ang tila paglabas ng ihi habang tumatawa o umuubo ay normal lamang sa isang babaeng bagong panganak. Kilala ito sa tawag na urinary incontinence na nawawala rin sa paglipas ng panahon tulad ng hemorrhoids at constipation. Dahil ito sa paghina ng pelvic muscles matapos manganak na maaring palakasing muli sa pamamagitan ng kegel exercises.

11. Pagkaranas ng hot flash o biglaang init ng katawan.

Ang hot flash o ang pagdaloy ng init sa katawan ay normal lang din na maranasan ng isang bagong panganak na babae. Ito ay kadalasang senyales ng menopausal stage ngunit isa rin itong palatandaan ng pagbalik sa normal ng estrogen level ng isang babaeng bagong panaganak. Kadalasan itong nasusundan ng pagpapawis ngunit kung nakakaranas ng pag-init ng katawan na tila isang lagnat na dapat na agad itong ipaalam sa doktor upang maaksyonan.

12. Pananakit ng suso at utong.

Ang pananakit ng suso o utong ay normal lang din lalo na sa mga babaeng nagpapasuso. Dahil kasabay ng mga nutransya na ibinibigay ng gatas ng ina sa kaniyang sanggol ay ang sakripsiyo at sakit na dala ng pagpapasuso. Ngunit kung ang pagpapasuso ay nagdudulot ng sobrang pananakit o pagsusugat sa utong, mabuting humingi ng payo sa isang lactation specialist para sa maganda at komportableng posisyon ng iyong baby habang pinapasuso.

13. Kawalan ng gana sa pakikipag-sex.

Dahil sa pagod at pagbabago sa level ng estrogen sa katawan, ang babaeng bagong panganak ay karaniwan ding nawawalan ng gana sa pakikipag-sex. Upang mapagbigyan ang partner, maaring gumamit ng water-based lubricant o mag-experiment ng ibang posisyon na komportable sa inyong dalawa. Ngunit mahigpit na inirerekomenda ng mga doktor ang pakikipagtalik apat o anim na linggo pagkatapos manganak upang mapabilis ang paghilom ng sugat sa vagina at makaiwas sa impeksyon.

14. Mas matagal ang pag-recover mula sa C-section.

Hindi katulad ng normal delivery ang Caesarean section ay mas nangangailangan ng mas matagal na recovery time para sa mga babae. Dahil ito sa dalawang tahi na kailangang pagalingin na nakaka-apekto sa kalusugan ng bagong panganak.

Una ay ang tahi sa balat o skin at pangalawa ay ang tahi sa muscle o kalamnan. Madalas ang tahi na dulot ng C-section ay gumagaling sa loob ng labing-dalawang linggo. Kaya naman kinakailangan ng doble pag-iingat sa mga babaeng dumaan sa C-section upang hindi mainfect o bumuka ang tahi ng sugat nito.

15. Maari paring makaranas ng komplikasyon.

Hindi porket tapos ka ng manganak ay hindi ka na maaring makaranas ng mga komplikasyon sa pagbubuntis.

Ayon parin kay Dr. Henry Chapa, ang lahat ng nangyayari habang ang isang babae ay nagdadalang-tao ay maari parin niyang maranasan pagtapos niyang manganak tulad ng high blood pressure at gestational diabetes na maaring maging paghabambuhay na sakit.

Kaya naman mas mabuti paring maging maingat sa mga kinakain at sa katawan upang hindi matuloy sa mas malubhang sakit ang mga nasabing komplikasyon. Kaya lubos na importante na bantayan ang kalusugan ng bagong panganak.

16. Huwag madaliin ang pagpapa-payat.

Lahat ng babae gustong bumalik sa dating sexy nilang katawan pagkatapos manganak ngunit hindi ito dapat madaliin. Kinakailangan ng katawan ng isang bagong panganak na babae ng calories at energy para maghilom at maalagaan ang kaniyang anak. Kaya’t dapat kumain ng maayos at maalagaan ng tama ang kalusugan ng bagong panganak na babae.

Isa sa naman sa mabisang paraan ng normal na pagpapayat ay ang pagpapasuso. Samantalang ang pageexercise rin ay makakatulong para maibsan ang ibang problemang pangkalusugan ng bagong panganak na babae tulad ng hemorrhoids, constipation, incontinence at depression ngunit hindi rin ito dapat madaliin. Ang katawan ng bagong panganak ay kusang magiging handa na bumalik sa mga dati nitong ginagawa.

Ang paglalakad at pagswiswimming ay ilan sa mabisa at nirerekomendang paraan ng pag-eexercise para sa mga babaeng bagong panganak.

Ang pagbibigay buhay sa isang sanggol ay isang napaka-kritikal na proseso para sa mga babae. Ang pagbubuntis ay simula pa lamang nito na magpapatuloy hanggang sa mapanganak at habang lumalaki ang magandang biyayang ito. Kaya naman kinakailangang maalagaan ng tama at maayos ang kalusugan ng bagong panganak na babae para kanya ring maibigay ang sapat na pagmamahal at kalinga sa kaniyang anak.

 

Source: Health.com

Photo: Pixabay

Basahin: Mommies, alam niyo ba ang mga bawal sa mga bagong panganak?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!