Paano nga ba magkaroon ng sapat na gatas ng ina?

Share this article with other moms

Walang gatas para kay baby? Huwag mag-alala, may paraan para diyan.

Ang isa pangunahing takot ng lahat ng ina ay ang walang maibigay na gatas sa bagong panganak na sanggol, o hindi sapat ang mailabas para sa sustansiyang kailangan ng anak.

Paano kung maganang kumain si baby? Paano kung matuyuan ng gatas si mommy—o maubos ito? Lahat ito ay balidong tanong at takot.

Nangyayari ito sa iba, lalo kung hindi mabibigyan ng sapat na impormasyon ang ina. Nakaka-alarma ito kung ang iyong sanggol ay hindi nadadagdagan ng timbang, o mas malala, bumababa ang timbang.

Narito ang payo ng mga inang masayang nagpapasuso ng kanilang mga baby, na minsan ding naharap sa ganitong takot at problema minsan.

1. Sige lang, magpasuso ka lang

Payo ng OB GYNE ko noon, huwag na huwag sumuko pagdating sa pagpapasuso. Alam ng katawan ng isang ina na kailangan ni baby ng gatas kung ito ay mararamdaman sa pamamagitan ng pagsuso.

"By demand" ika nga ni Dian Calderon-Soliman, nanay nina Tala, 6 na taong gulang at Vujan Luciano 7.5 na buwan.

"The best way to boost breastmilk supply is to breastfeed often," payo ni Nanay Dian. "Kasi the body adjusts to the need of the baby." Kapag tumigil ka, titigil din ang produksiyon ng gatas.

Konti o wala mang lumalabas na gatas, huwag ipagkait ang karanasang ito sa iyong sanggol. Dahil kung wala mang lalabas na gatas, napakaganda pa rin na bonding para sa inyong dalawa ito kahit sandali lang.

Pasusuhin si baby sa tuwing gutom ito, kung gaano katagal niya gusto, lalo sa unang buwan ng kapanaganakan. Ayon kay Heather Oliveros, nagpasuso siya noon sa anak na si Piper ng eksklusibo hanggang ito ay halos 2 taong gulang. "Every 2 hours ‘yon, kaya’t kung malalayo ako sa kaniya ng matagal, gumagamit ako ng breast pump every 2 hours din, para masanay ang katawan ko," dagdag niya.

Ibigay din ang parehong suso sa bawat oras ng pagkain. Kahit madaling araw pa, sadyang gumigising si Heather para magpadede—walang mintis. Sa pangalawang anak na si Hailey, 5 buwang gulang, nakakatulog siya sa gabi dahil tulog din ang sanggol sa gabi. Paggising sa umaga ay punung-puno na siya ng gatas kaya’t masaya nang mag-aalmusal ang anak. Dala din niya ito sa eskwelahan kung san siya nagtuturo, kaya’t napapadede niya ito anumang oras magutom ang anak.

2. Kumain ka din, Mommy

Lahat ng kinakain at iniinom mo ngayon ay may direktang epekto sa iyong sanggol. Kailangan mo ng hindi bababa sa 1,800 calories bawat araw at uminom ng 6 baso ng tubig kung ikaw ay nagpapasuso.

Kung dehydrated ang ina, mahihirapan talagang maglabas ng gatas. Isantabi muna ang pagpapababa ng timbang dahil mahalaga ang mabigyan mo si baby ng sustansiya, payo ni Nanay Heather. Humanap ng mga pagkaing may calcium, para sa buto ninyo ni baby, tulad ng gatas, berdeng gulay, at isda tulad ng salmon at sardinas.

Kumain ng prutas imbis na processed food o meryenda, lalo na ang sagana sa fiber. Subukan ang pagkaing may complex carbs tulad ng brown rice, whole-grain pasta at tinapay at beans. Kumain ng karne at iwasan ang matatabang pagkain, skinless chicken breast, isda, mga produktong may low-fat dairy, at tofu.

Ayon kay nanay Dian, lactation cookies ang nakatulong sa kaniya sa pagpapasuso. "Sabaw din, bukod sa good, old malunggay, at nilalagyan din ng fenugreek," dagdag niya. Eksklusibo ang pagpapasuso niya kay Tala noon mula pagkapanganak hanggang 2.5 taon, ngunit nahirapan siya kay Vujan ngayon kaya’t may alternatibong formula milk.

"Sobrang guilt ko nung mag-introduce ako ng formula. Balik trabaho na kasi ako noon at konti ang napa-pump ko na gatas," kuwento ni Dian.

Kumunsulta sa doktor tungkol sa mga herbal supplements na pampadami ng gatas. Nariyan ang fenugreek, blessed thistle at red raspberry.

3. Subukan mag-pump

Kung hindi sapat ang pagsuso ni baby, gumamit ng breast pump. Dahil nga by demand ang produksiyon ng gatas, nakakatulong itong mag-stimulate ng paglabas ng gatas. Mag-invest sa isang maganda at matibay na pump.

Kapag nasanay ka, magagawa mo ito kahit nasa trabaho ka na, tuwing 15 minuto pagkalipas ng ilang oras. Subukan mo ding mag-pump 5 hanggang 10 minuto pagkatapos magpasuso. Huwag kalimutang mag-pump ng parehong suso sa bawat pagkakataon.

Suhestiyon ni Heather, gumamit ng electric pump. "Less effort, more efficient and convenient compared to manual," paliwanag niya.

4. Relaks lang

Isang dahilan ng hindi maayos na paglabas ng gatas ay ang stress. Napakalaki kasi ng pressure mula sa mga taong nakapaligid sa iyo, at pati na rin ng lipunan, na magpasuso. Tuloy, nalilimutan ring isipin ang emosiyonal at mental na kalusugan ng ina.

Huwag isasantabi ang sarili, mga mommies. Maghanap ng mga bagay na kagigiliwan tulad ng libro, mga babasahin, TV, pelikula, at musika. Isipin mong kapiling mo ang pinaka-importanteng nilalang sa buong mundo—hindi ba’t ang saya non?

Magpahinga at itaas ang dalawang paa at kalimutan ang kahit anong problema, pansamantala. Subukang maglagay ng warm compress sa dibdib at masahehin ito ng magaan lamang. Idlip at tulog din ang katapat, payo ni Heather.

Magpamasahe ng likod sa iyong asawa habang nagpapahinga, dagdag niya. Kapag kulang sa tulog, stressed ka, kaya’t makakaapekto ito sa produksiyon ng gatas mo. Umidlip kapag tulog din si baby para may panhinga ka.

underfeeding in newborn babies

5. Suporta din

Kuwento ni nanay Joanna Trono-Unson, halos 2 buwan bago siya tuluyang nasanay sa pagpapasuso.

"Dawalang buwan ng sakit at pag-iyak dahil namamaga at parang ma kalyo na ang nipples ko," dagdag niya. Pero nandiyan ang kaniyang Mommy para suportahan siya at ipaalala sa kaniya na kaya niya ito, at malalagpasan niya din ang sakit.

"Una naisip ko, Naiintindihan ba niya ang sinasabi niya? Ang sakit sakit na! Pakiramdam ko talaga walang nakakaintindi kung gano kasakit yong nararamdaman ko. Si Louise pa naman, every 30 minutes gustong dumede," kuwento ni Joanna. Pero totoo nga, nalagpasan niya lahat at naibigay niya ang kailangang sustansiya ng anak sa loob ng 3 taon.

Ngayon ay 4 na taong gulang na si Louise. "Importante talaga ang may support system. It encouraged me to press on despite the pain, because it really was worth it to breastfeed my child," dagdag pa niya.

6. Iwasan muna ang pacifier at bote sa unang ilang linggo

Hangga’t maaari, huwag munang gumamit ng pacifier o bote dahil gusto mo munang masanay si baby sa haplos at amoy mo, at sa iyo. Kailangang maramdaman niya na ang lahat ng pangangailangan niya ay si Mommy ang magbibigay. Ang paggamit ng bote ay kapag mas malaki-laki na ang iyong anak. Ikaw muna, bago ang mga alternatibong ito.

7. Ikunsulta sa doktor ang mga gamot na iniinom

Baka kasi nakakaapekto ang isa sa mga ito sa milk supply mo. Ang mga gamot tulad ng antihistamines at decongestants, diuretics, hormonal contraceptives na may estrogen, lalo na ang mga weight-loss medication ay mga uri ng gamot na maaaring nakakaantala sa supply ng iyong gatas.

"Binigyan ako ng OB GYNE ko ng multivitamins na may iron. Mayroon din akong calcium tablets," kuwento ni Heather. Ang Natalac at Moringgana ay nakakatulong din sa milk supply, aniya.

Sabi ni nanay Heather, "Kailangan mong mag-adjust. Nasa lifestyle din kasi. Kung talagang gusto mong maging matagumpay ito, kailangang may dedikasyon at follow through, kahit pa nagtatrabaho ka." Higit na makakatulong kung hihingi ng payo sa doktor at iba pang mga eksperto.

May mga lactation consultant na ngayon ang DOH sa mga ospital. Mag mag-atubiling humingi ng payo o makipagkwentuhan man lang sa mga kapwa ina, kasi ito ang magiging support group mo.

Higit sa lahat, kausapin si mister at isama siya sa problem-solving. Maraming libro at babasahin dito sa theAsianparent Philippines na maaari niyong basahing dalawa para sabay kayong matuto at malaman ang gagawin.

source: “The Pinoy Pregnancy Planner: 40 Weeks to Your Baby’s Birth” ni Mildred N. Pareja, M.D.

BASAHIN: Mga importanteng kaalaman tungkol sa Tandem Breastfeeding

Breastfeeding Increasing Milk Supply