Kulani sa kilikili: Dapat bang ikabahala?

lead image

Karaniwang paniniwala na kapag may kulani, ibig sabihin ay may sakit o karamdaman ang katawan na maaaring hindi pa natutuklasan. Sintomas daw ito ng bacteria o virus.

Kapag namamaga ang lymph nodes, na karaniwang makakapa sa ilalim ng panga, sa bandang itaas ng leeg, o kaya ay sa singit, at minsan ay sa kulani sa kilikili ang nakakapa.

Resulta daw ito ng pagkakaroon ng bacteria o virus, at nagbabadyang sakit. Ibig sabihin, may impeksiyon sa katawan, na maaaring hindi pa nalalaman kung nasaan. Tinatawag itong lymphadenitis (lim-fad-uh-NIE-tis) ng mga doktor.

Ang kulani, na minsan ay ikinababahala ay mahalaga dahil ito ang unang panlaban ng  katawan sa mga impeksiyon. Ito ay mistulang filter o pansala sa mga virus o bacteria. Sa madaling salita, sa unang senyales ng bacteria o virus sa katawan, hinaharang at kinukulong kaagad ito ng lymph nodes kaya’t namamaga ito, o ang tinatawag na kulani, paliwanag ni Apple Tagatha, RN, isang registered school nurse.

Madalas, warm compress lang ang kailangan para maibsan ang kaunting kirot at pamamaga ng kulani sa kilikili. Ang paggamot sa kulani ay depende sa sanhi, at ang sintomas nito ay depende sa kung nasaan ito sa katawan. 

Mga sintomas ng kulani sa kilikili

Ang lymphatic system ay binubuo ng nasa 600 na lymph nodes, at mga organs at vessels na nasa buong katawan. Karamihan ng lymph nodes ay nasa bandang ulo, leeg, at kili kili, kaya dito din makakapa ang mga namamagang kulani. Kapag namaga ang isa o ilan dito, ibig sabihin ay may karamdaman ang katawan o may virus, tulad ng sipon o common cold.

Ang kulani ay parang buto ng santol, na bahagyang gumagalaw kapag hinipo. May kaunting pananakit din na mararamdaman.

Ang ibang sintomas tulad ng sipon, lagnat, sore throat, minsan ay ubo, isa o mas marami pang namamagang kulani sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pagpapawis sa gabi, ay naglalabasan dahil nga may impeksiyon ang katawan.

Kapag ang kulani ay nasa bandang kili kili,  indikasyon ito na may impeksyon sa kamay,  balikat o sa dibdib. Dapat ipatingin kaagad sa doktor dahil sintomas ito na may malignancy sa suso, sa mga kababaihan.

Mga karaniwang impeksiyon

  • Strep throat/tonsillitis
  • Measles
  • Ear infection
  • Ngipin na may nana (abscessed)
  • Mononucleosis
  • Sugat na naimpeksiyon

Kapag nasa kili kili ito, malaki ang posibilidad na ito ay cyst, o di kaya ay Folliculitis, o impeksiyon na dulot ng pagbunot ng buhok sa kilikili, paliwanag ni Dr. Palarca.

Dapat bang ikabahala ang kulani sa kilikili?

Kapag minor infection lang naman, kusang nawawala o umiimpis ang pamamaga ng kulani, paliwanag ni Carlo Palarca, MD, isang internist.

Kung ang kulani ay patuloy na namamaga, at lumalaki pa, tumagal na ng higit sa 2 linggo hanggang 4 na linggo, hindi na gumagalaw kapag hinahawakan o iniibo, at may kasama nang mataas na lagnat at mabilis na pagbaba ng timbang, dapat nang ikunsulta sa doktor, payo ni Dr. Palarca.

May mga bukol na sintomas ng bacterial infection, tulad ng abscess. Karaniwang nagsisimula ito sa kagat ng insekto, na kapag kinamot at naimpeksiyon, nagiging secondary bacterial infection, o ang tinatawag na pigsa.

Masakit at malubha ang pamamaga ng pigsa, na minsan ay may kasama pang lagnat. Puno ng nana (pus) ang pigsa kaya’t lumalaki ang bukol. Paglaon ay pumuputok ito kapag “hinog” na. Kailangang ipatingin ito sa doktor para mabigyan ng karampatang lunas o paggamot.

Kung hindi nawawala o humuhupa ang pamamaga, maaaring sintomas ito ng mas malubhang impeksiyon tulad ng HIV o mononucleosis, o ilang uri ng immune disorder tulad ng lupus o rheumatoid arthritis.


Mga hindi karaniwang impeksiyon

  • Tuberculosis
  • Ilang sexually transmitted infection, tulad ng syphilis
  • Toxoplasmosis — impeksiyong sanhi ng parasite galing sa dumi ng pusa o pagkain ng karne na hindi nalutong mabuti
  • Cat scratch fever — isang bacterial infection dahil sa kalmot o kagat ng pusa.
  • Human immunodeficiency virus (HIV) — ang virus na sanhi ng  AIDS

Immune system disorders

  • Lupus — isang malubhang inflammatory disease na nakaaapekto sa balat, mga joints, kidney, blood cells, puso at baga
  • Rheumatoid arthritis — isang malubhang inflammatory disease na nakaaapekto sa tissue ng mga litid sa joints (synovium)

Kanser

Ang pinakakinatatakutan na uri ng bukol ay ang bukol na sintomas ng kanser—kung ang kulani sa kilikili ay tumor na pala. Bagama’t maraming ibang sanhi ng kanser tulad ng toxins, radiation, obesity, labis na pag-inom ng alcohol at paninigarilyo, dapat pa ring ipatingin sa doktor ang nakakapang bukol kapag may suspetsa na na hindi lang ito simpleng kulani.

Ilang karaniwang uri ng kanser ay ang mga sumusunod:

  • Lymphoma — mula sa lymphatic system
  • Leukemia — tumutupok sa bone marrow at lymphatic system
  • Iba pang kanser na kumalat na mula sa lymph nodes

Ayon sa mga pagsasaliksik, kapag malaki ang pamamaga at nasa singit ang kulani, maaaring sintomas ito ng sexually transmitted infections at skin infections, at mga impeksiyon na nakakaapekto sa buong katawan tulad ng HIV, leukemia, lymphoma, cervical cancer and at ilan pang uri ng kanser.

Kapag ang impeksiyon na sanhi ng kulani ay hindi nagamot agad, maaaring magkaron ng komplikasyon tulad ng pagkakaron ng nana o abscess, at pagkakaron ng impeksiyon sa dugo (bacteremia). Kapag kumalat ang bacterial infection sa katawan, maaaring maging sepsis ito, na nakamamatay. Antibiotic ang pangunahing gamot para sa impeksiyon.

Para hindi mabahala, magpatingin kaagad sa doktor sa unang senyales ng mga sintomas na nabanggit sa itaas. Tandaan na kapag may kulani, may impeksiyon, Kung nasaan ito, iyon ang dapat alamin, at makakatulong ang doktor para matukoy ito at mabigyan ng tamang lunas, para mapahupa ang pamamaga. Kung ito ay dahil sa mas malubhang karamdaman, mas mabuting nalaman nang maaga kaysa mahuli ang lahat.

Ang sikreto para maiwasan ang anumang komplikasyon ay ang pagkain ng masustansiyang pagkain at balanced diet para maging matibay ang immune system.

 

SOURCES: Carlo Palarca, MD, Apple Tagatha, RN, healthline.com, WebMD, MayoClinic

Basahin: Ano nga ba ang tinatawag na kulani?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!