Kulugo sa ari: Sanhi, sintomas, at lunas

lead image

Ito ang uri ng STI na kadalasan ay hindi alam ng karamihan, kaya naman kapag nagkaro'n nito ay di magkandamalay sa tamang lunas.

Masakit at nakakahawa, ‘yan ang kulugo sa ari. Sanhi ito ng human papillomavirus (HPV) at kumakalat sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Narito ang sagot sa 6 madalas na tanong tungkol sa sexually transmitted infection (STI) na ito:

1. Bakit nagkakaron ng kulugo sa ari? Saan galing ito?

Ang kulugo ay isang sintomas ng impeksiyon. Kapag ito ay mula sa condylomata acuminate o human papilloma virus (HPV), lilitaw ito sa ari o puwit. Dahil nga ito ay STI, ibig sabihin ay nakuha ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sa pagdikit pa lang nito sa balat ng ari (skin-to-skin genital contact).

Ang kulugo ang senyales na nahawa ka sa taong mayro’ng dalang HPV. Umaabot ng 6 hanggang 12 buwan pagkalipas na mahawa, bago pa ito lumabas o makita.

Maaaring makuha ito sa pamamagitan ng vaginal, oral, o anal sex.

Iba ang strain ng HPV sa ari na nakukuha sa pakikipagtalik, at iba din ang virus na sanhi ng kulugo sa kamay at iba pang bahagi ng katawan. Hindi ito nakakahawa sa pamamagitan ng paghawak (mula ari papunta sa kamay, o kamay papunta sa ari). Iba ang strain ng HPV na sanhi ng kulugo sa ari, sa kulugo sa ibang bahagi ng katawan.

Posible ding magkaron ng HPV, na walang lumalabas na kulugo. Makakaramdam lang ng pananakit, pangangati, at minsan ay pagdurugo, pero walang lumalabas na kulugo.

2. Ano ang mga sintomas ng kulugo sa ari at ng HPV?

kulugo sa ari

Karaniwang lugar kung saan makikita ang kulugo sa ari ng mga lalaki.

Katulad ng kulugo sa ibang bahagi ng katawan, ito ay maliit na bukol na may nana. Masakit lalo na kapag nagagalaw o natatampi, at sobrang kati o di kaya ay mahapdi. May mga kulugong napakaliit din na halos di mo mapansin. Aakalain mo ay taghiyawat lang—iyon pala ay kulugo na.

Sa kababaihan, makikita ang kulugo sa loob ng ari, sa vulva, cervix, o singit, sa paligid o malapit sa puwit, pero dahil sa oral sex, maaaring magkaro’n din ng kulugo sa labi, bibig, dila at lalamunan, bagamat bihira ito.

Ayon sa pagsasaliksik, mas karaniwang nagkakaron ang mga lalaki. Makikita ang kulugo ng mga lalaki sa ari, sa scrotum, tagilitan, singit, o sa puwit. Bihira din pero nagkakaron din ng kulugo sa labi, bibig, dila at lalamunan.

3. Paano gagamutin ang HPV?

Walang lunas o gamot para sa HPV, pero ang kulugo ay maaaring magamot ng doktor. May mga topical cream medication na makakatulong sa pag-impis at pagkawala nito. Pero ang HPV ay mananatili sa sistema ng pasyente. Kaya nga kahit wala ka nang kulugong nakikita, maaari ka paring makahawa sa iba at maipasa ang HPV.

Kapag hindi din madami o malala ang kulugo, nawawala ito ng kusa. Pero tandaan na ang HPV ay nananatili sa katawan kahit pa wala nang kulugo, at maaari pa ring maipasa ang virus sa katalik.

Kailangang kumunsulta agad sa doktor kapag may nakitang kulugo sa ari para malaman ang nararapat na lunas at paggamot para dito.

Kapag malubha at nakakahadlang na sa araw araw na pamumuhay ang kulugo, may ilang treatment ang nirerekumenda ng mga espesyalista. Nariyan ang electrocautery, o pagsunog ng kulugo gamit ang kuryente o electric currents, cryosurgery, o freezing ng kulugo para matanggal, laser treatments, excision, o pagtanggal nito sa pamamagitan ng surgery, at ang pag-iniksiyon ng gamot para matanggal ito.

4. Nakakahawa ang kulugo sa ari at HPV. Paano ito kumakalat sa ibang tao?

Katulad ng una nang nasabi, ito ay STI, kaya maaaring maipasa ang virus at ma-impeksiyon ang katalik sa pamamagitan ng oral, anal at vaginal sex. Naipapasa din ito sa panganganak (mula sa ina, papunta sa sanggol). Malaki ang panganib kung nakikipagtalik sa iba’t ibang partner.

5. Paano maiiwasan ang pagkakaro’n nito?

May mga bakuna na laban sa HPV. Kapag may bakuna, malalabanan ng katawan ang anumang uri ng  HPV. Pero ayon sa Department of Health, hindi na ito epektibo na matanggal ang HPV, kapag na-impeksiyon ang pasyente o mayro’n nang HPV sa sistema.

Sa mga babae, mahalaga ang pagpapa-PAP Smear ng regular para makita kaagad kung may abnormal na kondisyon ang ari at cervix. Sa test kasi na ito makikita kung may HPV sa sistema.

Ayon sa National Advisory Committee on Immunization (NACI) ng Amerika, ang HPV vaccine ay nirerekumenda para sa mga kababaihan at kalalakihan na edad 9 hanggang 26 taong gulang. Binibigay din ito sa mga kababaihang edad 27 hanggang 45 kung hindi pa nila ito nakuga nuong mas bata sila.

Safe sex ang pangunahing paraan para hindi mahawa o makahawa ng HPV, o tuluyang pag-iwas muna lalo na kung may nakikita nang kulugo, o kung nagkaron na nito. Nakakatulong ang paggamit ng condom para maiwasan ang pagkalat ng virus, bagamat hindi nito mapoprotektahan ang buong genital area.

Tandaan, HUWAG nang makipagtalik kung mayro’n nang nakikitang kulugo sa genital area.

Ayon sa Department of Health, mas karaniwan ang panganib sa mga nasa edad 30 pababa, lalo na kung aktibo sa sex, naninigarilyo, at mahina ang immune system.

6. Ano pa ang ibang panganib ng pagkakaro’n ng kulugo sa ari?

Madalas ay wala naman itong malubhang panganib na dala. Ang kulugo at nagagamot at minsan nga ay nawawala ng kaniya, bagamat nanatili nga ang HPV sa sistema. Para sa mga kababaigan, maaari itong maging sanhi ng cancer—cerival at vulva cancer sa mga babar at penile at anal cancer sa mga lalaki— o di kaya ay ang pagbabago sa cells ng cervix, na tinatawag na dysplasia, bagamat bihira ito.

Kaya mahalagang magpatingin kaagad sa doktor para ma-eksamin ang kulugo.

Kung ikaw ay nagkaron ng kulugo sa ari, bago pa nagbuntis, ipaalam ito sa iyong doktor. Malaki ang posibilidad na walang komplikasyon kung nawala naman na ito, pero mas mainam pa rin na ipaalam sa doktor ito. Ganon din kung nagkaron ng kulugo sa ari ang iyong partner o asawa.

Kung may kulugo sa ari habang nagbubuntis, lalong dapat ipagbigay-alam ito sa doktor. Maaaring lumaki, dumami at dumugo ang kulugo sa ari, dahil sa hormonal changes na dala ng pagbubuntis, at may panganib ding makaharang ito sa birth canal o lalabasan ng bata kaya’t maaaring magkaron ng cesarean section (C-section) delivery. Kapag napunta sa sistema ng sanggol ang HPV, maaaring makabara ito sa airway o paghinga niya. Ang rare na kondisyon na ito ay tinatawag na recurrent respiratory papillomatosis. Kaya naman dapat ipaalam agad sa OB GYN ang anumang sintomas ng HPV o pagkakaron ng kulugo sa ari, para mabigyan ng tamang atensiyon ito.

Tandaan: Huwag susubukang tanggalin ang kulugo nang walang doktor. Maliit man o malaki, kailangan ng ekspertong medikal o doktor. Huwag mag-atubiling magpatingin kaagad sa OB GYN o doktor, lalo na kung nararamdaman ang labis na pananakit. Ang gamot para sa kulugo sa ibang bahagi ng katawan ay iba sa lunas para sa kulugo sa ari. Huwag susubok ng anumang home remedy kung may kulugo sa ari.

Sources: Mayo Clinic, CDC, National Center for Biotechnology Information (ncbi.nlm.nih.gov),
Human Papillomavirus (HPV), HPV-Related Disease, and the HPV Vaccine, by Kari P Braaten, MD, MPH and Marc R Laufer, MD

Basahin: STD na nakukuha sa oral sex, hindi basta-basta nagagamot

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!