3 paraan kung paano mapagkasundo ang laging nag aaway na mga anak

3 paraan kung paano mapagkasundo ang laging nag aaway na mga anak

Narito ang mga paraan na maaring gawin ng mga magulang para mapagkasundo ang laging nag-aaway na magkapatid.

Laging nag aaway na magkapatid? May mga paraan kung paano masolusyonan iyan ng mga magulang.

Normal sa mga bata ang hindi pagkakaintindihan. Kaya bilang matatanda ay kailangan natin silang gabayan at ipaunawa sa kanila ang mga maaring idulot ng kanilang mga ginagawa.

Tulad nalang ng mga magulang sa magkakapatid na madalas ay nagkakaroon ng away dahil sa maliliit na bagay gaya ng pag-aagawan sa pinaglalaruan o sa pag-gawa ng gawaing bahay. Pero may mga paraan para maisaayos ang mga hindi pagkakaintindihan na ito sa pagitan ng iyong mga anak.

Mga paraan na maaring magturo sa kanila na mas intindihin ang isa’t-isa upang hindi na maulit o maiwasan na ang gusot sa pagitan nilang dalawa.

Narito ang mga tips mula sa isang developmental phsychologist at educator na si Dr. Thomas Lickona kung paano mapagkasundo ng mga magulang ang laging nag aaway na magkapatid.

Mga tips kung paano masosolusyonan ng mga magulang ang laging nag-aaway na magkapatid.

Image from Freepix

Mga paraan para mapagkasundo ang laging nag aaway na magkapatid

1. Magsimula sa mediation.

Bilang isang magulang ay makakatulong ka para maresolba ang conflict o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng iyong anak. Ito ay sa pamamagitan na pagiging mediator para magabayan sila at maintindihan ang nararamdaman ng bawat isa sa kanila.

Tulad nalang kung may hindi sila pagkakaintindihan sa isang bagay na kanilang pinaglalaruan. Maari mong tawagin ang iyong mga anak para sa isang “fairness meeting.”

Ito ay para mapag-usapan at maresolba ang kanilang problema na magiging fair para sa kanilang dalawa.

Hayaan mo ring maipaalam nila sa isa’t-isa kung ano ang kanilang nararamdaman para lalo silang magkaintindihan at makapag-adjust.

Tanungin sila sa kung anong solusyon ang naiisip nila para matugunan ang kanilang problema na magiging fair sa kanilang dalawa.

Sa ganitong paraan ay kasama ang iyong anak sa decision-making process na kung saan iisipin nila na wala kang pinapaboran sa kanilang dalawa at mareresolba pa ang problema nila.

2. Ipaunawa sa kanila ang nararamdaman ng bawat isa sa mga aksyon o bagay na ginagawa nila.

Isa sa mga bagay na dahilan na laging nag aaway na magkapatid ay ang pakikialam ng isa sa gamit ng kapatid niya.

Tulad nalang ng isang batang lalaki sa mga gamit ng kaniyang nakakantandang kapatid na babae. Sa ganitong eksena ay may isang tama at may isang mali. Ngunit tulad nga ng naunang tip ay kailangan mong maging mediator sa pagitan nilang dalawa.

Pagharapin ang iyong mga anak at tanungin ang dahilan kung bakit nagagalit ang isa sa kaniyang kapatid.

Hayaang sabihin ng iyong anak ang kaniyang nararamdaman sa tuwing ginagawa ito ng kapatid para maintindihan ng isa kung bakit nagagalit ang kapatid niya.

Tanungin muli sila sa kung anong solusyon ang nakikita nilang maaring gawin para hindi na makialam ang nakababatang kapatid sa gamit ng ate niya. At ano ang maaring gawin sa kaniya sa oras na hindi niya ito sundin.

Hindi man kasiguraduhan ito na hindi na ulit mauulit ang parehong eksena ngunit natutulungan mo namang maintindihan ng isa sa kanila ang maaring idulot ng kaniyang mga ginagawa. Kinalaunan ay magiging dahilan para maiwasan niyang maulit pa ang mga maling ginagawa niya at magkasundo na sila ng kapatid niya.

3. Magkaroon ng talk-it-out space o lugar sa inyong bahay para mapag-usapan ang problema sa pagitan ng magkapatid.

Para masigurong mahahandle ng magkapatid ang conflicts sa pagitan nilang dalawa sa mga oras na wala ka ay makakatulong ang pagkaroon ng isang lugar sa inyong bahay na kung saan maari nilang mapag-usapan ang problema.

Sa inyong family meeting ay i-propose ang pagkakaroon ng talk-it-out space.

Ipaliwanag sa kanila na gustong mong magkaroon nito sa inyong bahay bilang lugar sa kung saan maari nilang pag-usapan at resolbahin ang problema sa pagitan nilang magkapatid.

I-emphasize na makakatulong ito para mas maging payapa at masaya ang inyong bahay na responsibilidad ng bawat isa at hindi lang ng mga magulang.

Sa inyong talk-it-out space ay maglagay ng isang poster na may mga steps kung paano nila masosolve ang isyu sa pagitan nilang magkapatid.

Ang mga steps o hakbang na ito ay ang sumusunod:

  1. Mag-inhale at exhale ng tatlong beses o kaya naman ay magbilang ng dahan-dahan ng isa hanggang sampu.
  2. Magsimulang mag-usap at bigyan ng tiyansa ang bawat isa na sabihin kung anong tingin niya ang problema at ano ang nararamdaman niya tungkol dito.
  3. Intindihin at ulitin ang sinabi ng kapatid para masigurong nauunawaan mo ang sinasabi niya.
  4. Magsimulang mag-isip ng solusyon sa inyong problema na magiging fair sa inyong dalawa.
  5. Magkasundo sa solusyon na naisip at ipaalam ito kay Mama at Papa.

Sa una ay mahihirapan kang ipaintindi ang ideya ng pagkakaroon ng talk-it-out space sa iyong mga anak.

Pero kailangan mo ng pasensya at hayaan silan unti-unting masanay sa pagreresolba ng kanilang problema sa ganitong paraan.

Sa pagdaan ng panahon ay makakasanayan nila ito at matutunan na alamin at intindihin ang nararamdaman ng kapatid sa bawat bagay na kanilang ginagawa.

Makakatulong rin ito para madevelop ng iyong mga anak ang speaking, listening at problem solving skills na maiapply nila hindi lamang sa loob ng bahay kung hindi pati na sa ibang tao at iba pang pagkakataon.

 

Source: Psychology Today

Basahin: 7 benepisyo ng pagkakaroon ng kapatid na babae

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner