Kung may lugar lang para sa mga pinakamakulit na bata isasama ko na ‘yong anak ko.
Hindi ako hands-on mom since working na ako. Gusto ko man na lagi lang akong nandiyan sa tabi niya ay hindi ko magawa dahil gusto ko rin maibigay ang mga pangangailangan ng anak ko. Hindi sapat ang kinikita ng hubby ko.
Ito maari ang dahilan kung bakit lumalaking makulit ang anak ko at matigas ang ulo sa ibang tao—maliban na lamang sa akin.
Ito ngayon ang pinag-aalala ko bilang isang ina.
Ibang-iba ang pinapakita ng anak ko kumpara sa mga sinasabi ng mga nakapaligid sa kaniya, kasama na roon ang asawa ko. Maging siya kasi ay mas madalas na hindi sinusunod ng anak namin.
Ang iniisip ko ay marahil strikto ako pagdating sa aming anak. Hindi rin kasi ako ‘yong nanay na ibinibigay at sinusunod lahat ng gusto ng anak ko. Laging may limitation at lagi kong ‘pinapaliwanag sa kaniya ang mga bagay na puwede at hindi pa puwede.
Hindi ko alam kung tama ito pero kahit noong 3 years old pa lang siya ay pinapaunawa ko na sa kaniya ang mga kaya lamang naming ibigay sa kaniya dahil na rin sa hirap nang buhay.
Pero kahit gano’n ako sa kaniya, iba pa rin talaga ang pagkamakulit ng anak kong ito. Kaliwa’t kanan lagi ang sumbong sa ‘kin ng hubby ko, ng biyanan ko, at ng tita niya sa napakadalas niyang kakulitan. Ako kasi ang panakot nila sa anak ko para lang makinig ito.
Hindi ko na maintindihan minsan ang gagawin ko.
Bagamat hindi man ako hands-on mom sa kaniya, I make sure pa rin sa abot ng aking makakaya gagabayan ko siya. Ituturo kung ano ang tama, pagsasabihan kung mali at ipapakita sa kaniya ang pagmamahal ko araw-araw.
Naiintindahan kong bata pa lang siya at nasa amin pa ring magulang niya kung paano siya lalaking tama.
Sino ba namang ina ang hindi gugustuhin lumaking maging mabuting bata ang kanilang anak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!