6 na rason kung bakit kailangang matulog ng bata sa hiwalay na kuwarto

Maraming factors kung bakit mahirap patulugin si baby lalo na sa gabi at magdamag. Alamin kung paano makatutulong ang paghihiwalay sa kaniya ng kuwarto para ma-achieve ang mahimbing niyang tulog.

Daing mo rin bang mahirap patulugin si baby sa gabi? Nangyayari ito dulot ng marami at iba’t ibang dahilang para maantala ang tulog ni baby sa magdamag, o kaya’y mahirapan siyang kumuha ng tulog sa mas maagang oras pa lamang nang gabi.

Alam ng lahat na napakahalaga ng maayos na tulog para sa pangkalahatang kalusugan ng sanggol hanggang sa paglaki. Kaya malaking concern para sa mga magulang kapag mahirap patulugin si baby, lalo na sa gabi hanggang sa magdamag.

Iniuugnay ang kawalang sapat na oras ng tulog ng bata sa maraming negatibong bunga sa pangkalahatang kondisyon ng kalusugan nito. Nariyan, halimbawa na, ang mabagal nitong paglaki, pagiging bugnutin at iyakin buong araw maging hanggang sa magdamag, kawalang ganang dumede o sobra-sobrang pagdede, hindi normal na mood para sa kaniyang murang edad, at iba pa.

Ngunit batid ba ninyong hindi lamang ang mga tipikal na salik ng hindi maayos na tulog ng baby ang maaaring sanhi ng kaniyang hindi maayos na pagtulog sa gabi, gaya ng mga nakasanayan na nating tukuyin na sanhi. Kabilang dito ang ingay ng paligid, maaaring gutom, masakit ang tiyan o ang iba pang bahagi ng maliit nitong katawan, nakagat ng insekto, gusto lamang na nakapangko o karga, gustong magbabad ng pagdede sa ina, at iba pa.

Maliban sa mga nabanggit, isang malaking factor na dapat bigyang-pansin ng mga magulang, batay na rin sa mga bunga ng pananaliksik ng iba’t ibang grupo ng mga eksperto, ang lugar at environment ng kuwarto kung saan natutulog si baby.

Ayon sa mga eksperto, pinakamainam para sa bata at sa pagkakaroon niya ng mahimbing na tulog gabi-gabi ang matulog sa isang hiwalay na kuwarto. Iyan at ang mga sagot sa tanong na “Bakit?” ang ating sunod pang tatalakayin.

Mahirap patulugin si baby: Baka kailangan nang ihiwalay ng kuwarto

Bed-sharing ba ang sleeping practice ninyo sa bahay? Iyong magkakatabing matulog sina papshie, momshie, at baby?

Sa ganitong lagay, napupuna ba ninyong habang lumilipas at kada buwang nadaragdag sa edad ni baby, nag-iiba ang pattern ng tulog niya? Napapansin n’yo bang tila humihirap na yata siyang patulugin, o kung nakatutulog ma’y maaaring pagising-gising naman sa bawat lumilipas na magdamag? Kung ganito ang gabi-gabi ninyong setup, malamang na hindi lang sakit ng ulo ang inaabot ninyo pagbangon nang umaga kundi extended headache pati dahil sa buong araw ding apektado ang mood ni baby dulot ng hindi magandang kalidad ng tulog sa nagdaang gabi.

May sagot ang mga eksperto riyan: ihiwalay nang kuwarto sa pagtulog ang inyong baby!

Bunga ng mga pananaliksik na isinagawa sa Amerika⁠—kaugnay ng tumataas na bilang ng kaso ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) o iyong biglaang pagkamatay ng mga sanggol (mula sa edad 6 na buwan pababa) nang walang malinaw na natutukoy na dahilan⁠—ang rekomendasyong ibinaba ng American Academy of Pediatrics o AAP.

Mahigpit ang rekomendasyon ng AAP na dapat hiwalay na ng kuwarto ang batang hindi bababa sa edad na isang (1) taong gulang tuwing matutulog sa gabi. Bagama’t patuloy itong kinukuwestiyon ng ilang eksperto sa parehong disiplina.

Ayon sa mga kumukuwestiyon, kung pagbabatayan ang mga ibinunga ng imbestigasyon at experiment sa ilan daang participants ng pag-aaral, lumalabas na ang mga sinuring 4-month old at 9-month old baby ay mas mahimbing at mahaba ang tulog nang nakahiwalay sa sariling kuwarto. Kumpara ito sa kaso ng mga baby sa parehong mga edad na natutulog kapiling ang magulang sa iisang kuwarto, nakahiwalay man ng kama o hindi.

Sang-ayon dito, nakatutulong kasing maging independent ang baby sa pinakamurang edad pa lamang nitong anim na buwan, bukod pa sa sumusunod na dahilan.

  • nakalilikha ng sariling routine ang baby batay sa sariling body clock
  • naagapan ang tendensiya ng separation anxiety, na mas tumitindi sa bata kapag nasa edad anim na buwan pataas
  • naiiwasang makalikha ng kondisyong may kasasanayan ang batang nakadepende naman sa magulang

Tulad ng paulit-ulit nating natutunghayan sa mga talakayan, layunin ng pagpapatulog nang mahimbing at mahabang oras sa mga bata ang maiiwas sila sa mahina at mabagal na pag-unlad ng cognitive (pag-iisip o pag-alam), psychomotor, pisikal, at socioemotional. Kabilang sa socioemotional development na naaapektuhan ng unhealthy sleeping encounters ang kakayahan sa pagkontrol ng sariling damdamin, mood, pag-uugali, at pagkilos.

Mga rason para ihiwalay ng kuwarto si baby

Bukod sa pangkalahatang kalusugan ni baby ang natitiyak kapag mas mahimbing at mahaba ang tulog niya, sampu ng iba pang mga benepisyo, gayundin ang dami ng mabuting dulot nito para sa inyong mag-asawa at para sa inyong buong pamilya.

  1. Mas marami kayong quality time na mag-asawa

Gets n’yo man agad o hindi ang praktikal na benepisyo ng mahimbing na tulog ni baby sa hiwalay na kuwarto, maniwala kayong malaking bagay ang more quality time na mailalaan ninyong mag-asawa sa isa’t isa sa sariling kuwarto. Nasa sa inyo na lamang kung sa alin-aling activities ninyo ilalaan ang dagdag-oras nang magkasama.

  1. Mas magiging madali para sa iba ang mapatulog si baby kahit wala kayo

Dahil sanay nang matulog mag-isa si baby, at hindi na nakaasa sa presence ninyo o sinoman sa inyong mag-asawa, mas madali na lamang para mapatulog siya ng tagapag-alaga o kamag-anak na pinag-iwan ninnyo sa kaniya.

  1. Mas payapa ang bawat gabi

Iwas ito sa mga awayan ng mag-ina, mag-ama, o ninyong mag-asawa versus kay baby na mahirap patulugin. Gawa na rin ng nakasanayang routine ni baby batay sa sariling body clock, natural lamang sa kaniyang sistema ang konseptong “ang gabi ay oras ng pahinga” (para sa lahat).

  1. Nakikintal sa isip ng batang mahalagang isaalang-alang ang pangangailangan ng ibang family members na makapagpahinga

Dahil nga makamumulatan ni baby na gabi ang oras para sa mahaba at kalidad na pahinga, mas madali rin niyang mauunawaan ang aktuwal at praktikal na pangangailangan ng mga kapamilya niyang makatulog nang maayos gabi-gabi. Kasama na rito ang paglaking may disiplina sa kama pagtuntong ng gabi; wala nang cellphone o anumang gadget, tv, radyo, o anumang sanhi para maudlot ang antok at pagtulog niya sa nakasanayang oras.

  1. Well-rested, ‘ika nga, ang magulang

Kung may mga negatibong epekto sa development ng bata ang pagkakaroon ng hindi magandang kalidad o kakulangan ng sapat na tulog gabi-gabi, siyempre ganito rin sa matatanda.

Tiyak na mas masigla ang sarili sa pagbangon nang susunod na araw kung masarap din ang tulog ng parents.

  1. Mabubuo sa kamalayan ni baby na para sa inyong mag-asawa ang inyong kuwarto

Alam nating pribadong espasyo para sa mga mag-asawa ang pinagsasaluhan nilang kama sa loob ng sariling kuwarto. Ito rin ang kailangang malinaw sa kamalayan ng mga bata habang sila ay nagkakaisip at lumalaki. Sa gayong paraan, hindi sila basta-basta manghihimasok na lamang sa pribadong espasyo ninyong ito, lalo nang walang tiyak na oras kung kalian.

Sa huli, ninanais natin palagi ang magkaroon ng pamilyang well-adjusted ang bawat isang kasapi sa pangangailangan at ikabubuti ng bawat isa. Ang pagsasaalang-alang sa pagkakamit ng magandang kalidad ng tulog ng ating anak, para sa maayos at normal nilang growth and development, ay pagsasaalang-alang din sa equal volume ng benepisyong maidudulot sa mga magulang at iba pang kasapi sa loob ng tahanan.

Basahin: Co-sleeping kasama si baby: Mga magandang naidudulot nito

Sources: Psychology Today, Gateway, NPR

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!