Dapat ka bang mag-alala kapag masakit ang iyong batok?

lead image

Madalas kapag masakit ang batok, ay sinasabing sintomas ng high blood ito. Ngunit alam niyo ba na maraming posibleng maging dahilan ang pananakit ng batok?

Ating alamin ang pinagmumulan ng ganitong klaseng sakit, at kung ano ang mainam na remedyo sa pagkakaroon ng masakit na batok.  

Ano ang ibig sabihin kapag masakit ang batok?

Kapag masakit ang batok ay hindi dapat balewalain. Ito ay dahil posibleng sintomas na pala ito ng mas malaking problema na hindi dapat pabayaan. Kaya mahalagang malaman ang dahilan kung bakit masakit ang iyong batok, upang malaman mo kung ano ang dapat gawin para dito.

Pagod o ngalay na muscles sa leeg

Ang isa sa pinakamadalas na dahilan ng pananakit ng batok ay ang pagkakaroon ng pagod o ngalay na mga muscles sa leeg. Karaniwan itong nararanasan ng mga nagtatrabaho sa mga opisina, dahil madalas silang nakaupo sa harap ng computer, at kadalasan hindi maganda ang kanilang pag-upo, o posture. Posible rin na mangyari ito kahit sa mga magulang na nasa bahay lang, lalo na kung hindi nila binabantayan ang kanilang posture.

Heto ang mga palatandaan na ang pananakit ng iyong batok ay dahil sa pagod na muscles:

  • Sumasakit ang iyong leeg kapag ikaw ay nasa harap ng computer, o kaya ay kapag nakaupo.
  • May nararamdaman kang masikip na pakiramdam sa iyong leeg.
  • Nahihirapan kang igalaw ito dahil masakit sa leeg.

Ang pinakasimpleng solusyon sa ganitong uri ng pananakit ay ang pag-ayos ng iyong posture, at ang pag stretch, pagtayo, o paglalakad-lakad. Nakakatulong ang paggalaw upang mabawasan ang strain sa leeg, at para ma-stretch din ang iyong katawan.

Pagkakaroon ng stiff neck

Isa pang dahilan ng pananakit ng batok ay ang pagkakaroon ng stiff neck. Nangyayari ito kapag hindi maganda ang iyong paghiga habang natutulog, o kaya matagal naiwan sa hindi komportableng posisyon ang iyong leeg. Kasama na rin ang stress at anxiety sa mga posibleng sanhi ng stiff neck.

Ang pagkakaroon ng stiff neck ay kadalasang nararanasan pagkagising, at nagiging masakit para sa iyo ang paggalaw ng iyong leeg. 

Madalas ay nawawala din ang stiff neck matapos ang 1-2 araw. Ngunit kung umaabot na ito ng isang linggo na hindi nababawasan ang sakit, mabuting pumunta ka na sa doktor.

Naipit na ugat

Mayroong mga pagkakataon na kaya sumasakit ang iyong batok ay dahil sa naipit na ugat. Ito ay tinatawag na herniated disk, o bone spur. Malalaman mo na naipit na ugat ang sanhi ng sakit dahil kumakalat ang sakit patungo sa iyong balikat. Minsan ay nakakaranas ka rin ng pamamanhid at panghihina na umaabot hanggang sa kamay.

Kapag ganito ang iyong nararanasan, mainam na magpunta sa doktor upang magamot ng maayos.

Sintomas ng high blood

Ang isa pang dahilan ng masakit na batok ay ang pagkakaroon ng high blood. Madalas nararanasan ang ganitong pananakit ng batok kapag kumain ka ng pagkain na matataba o masebo.

Madalas ay may kasama rin itong sakit ng ulo, pagkakaroon ng lightheadedness, at minsan ay pagkahilo. Kapag nararanasan mo ang ganitong mga sintomas, posibleng itong sintomas ng high blood.

Sa mga ganitong kaso, mabuting magpunta ka na sa iyong doktor upang mabigyan ka ng mabuting diagnosis. Kung mayroon kang high blood, mabuting umiwas sa mga matataba at masesebong pagkain, at mag-ehersisyo.

Posible rin na wala kang maranasang sintomas ng high blood, pero meron ka na pala nito. Kaya't mahalaga ang taon taon na checkup at blood test upang malaman mo ang kalagayan ng iyong kalusugan.

Hindi dapat binabalewala ang mga sakit na iyong nararamdaman. Kahit na posibleng pagod lang ito, mahalaga pa rin na alamin mo ang mga sintomas at dahilan sa likod nito. Ito ay upang maalagaan mo ng mas mabuti ang iyong katawan at makaiwas sa mga sakit at karamdaman.

 

Sources: Mayo ClinicWebMD 

Basahin: Anemia: Sanhi, sintomas, at gamot para sa sakit na ito

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!