Breastfeeding mom, na-operahan dahil sa mastitis

lead image

Narito ang karanasan ng isang breastfeeding mom na naoperahan dahil sa napabayaang mastitis.

Mastitis naging dahilan para maoperahan sa suso ang isang breastfeeding mom.

Mastitis experience ng isang ina

Isang breastfeeding mom ang nagbahagi ng kaniyang karanasan sa Facebook tungkol sa mastitis.

Ang akala niyang simpleng pananakit ng kaniyang suso noong una ay hindi niya inakalang mauuwi pala sa isang seryosong kondisyon. Isang kondisyon na hindi niya rin inakalang mangyayari sa kaniya at magiging dahilan para maoperahan siya.

Ayon sa kuwento ni Sam Estabillo, siya ay isa siyang full-time breastfeeding mom.

Buwan ng Marso nang nakaramdam na siya ng pananakit sa kaniyang suso. Ngunit, nilunasan niya ito sa pamamagitan ng hot compress, painkillers at patuloy na pagpapasuso sa kaniyang anak.

Sa pagdaan ng araw ay patuloy parin ang pananakit at paninigas ng kaniyang suso na kahit ang baby niya ay hirap naring makadede sa kaniya. Nakaramdam rin siya na tila namamaga na ang suso niya.

Dahil sa pag-aakalang ang hindi lang nailabas na gatas ang nagdudulot ng sakit ay humingi narin siya ng tulong mula sa kaniyang asawa. Ngunit, hindi parin nawala ang pananakit at mas lumala pa sa pagdaan ng araw.

Dumating ang kalagitnaan ng Abril at hindi na makagalaw o makatayo man lang si Sam sa sakit.

Dito na siya nagdesisyong pumunta sa doktor at magpatingin. Dito niya rin nalaman na ang simpleng breast mastitis lang sana ay naging seryosong infection na dahil napabayaan. At ang tanging paraan nalang para malunasan ito ay ang maoperahan siya.

Mastitis experience ng isang ina

Image from Freepix

From Sam Estabillo’s Facebook post:

“Yung sakin naman hindi na kayang palabasin sa sobrang dami, malakas kasi ako mag gatas. Ang nangyari po ay naging BREAST ABCESS yung BREAST MASTITIS lang sana dahil narin sa nakapag pabaya ako.

“Umasa ako sa mga pain killer which is very wrong kasi unti unti na palang kumakalat yung infection sa breast ko. April 19, 2019 sumakit ulit ng sobrang sakit, kahit pagtayo sa higaan hindi ko na magawa. Pinilit ko kumilos at tumayo para makapag patingin ako, next thing I knew is ooperahan na pala ako. :'( :'( :'(“

Ano ang breast mastitis?

Ang mastitis ay ang pamamaga ng breast tissue na minsan ay sinasabayan ng impeksyon. Ang pamamaga ay nagdudulot ng pamumula, paninigas at pananakit ng suso. Minsan ay makakaranas rin ng lagnat at chills ang nakakaranas nito.

Madalas itong nangyayari sa mga breastfeeding mom pero puwede ring mangyari sa mga hindi nagpapasuso.

Para sa mga breastfeeding mom, ang nagiging dahilan nito ay ang gatas sa suso na nastuck at hindi nailabas. Maaring ito rin ay dahil sa isang bacteria na namamahay sa na-stuck na gatas sa suso ng isang ina.

Ang patuloy na pagpapasuso at pagpapaubos ng gatas sa iyong baby ang pangunahing lunas sa mastitis.

Para sa infection ay ipinapayo rin ng mga doktor na uminom ng antibiotics na ligtas sa iyong anak.

Samantala, ang breast mastitis naman na napabayaan ay maaring mag-develop sa breast abscess. Ito ay isang kumplikasyon na maaring malunasan ng isang operasyon o surgical drainage.

Kaya naman para maiwasan ito ay ipinapayo ng mga eksperto na huwag balewalain ng mga breastfeeding mom ang pananakit ng suso na nararanasan nila.

Dapat nilang ugaliing ipaubos o i-empty ang kanilang suso sa gatas para hindi ito ma-stuck.

Bago pa man ilipat sa kabilang suso si baby, dapat ay siguraduhing na-empty niya na ang naunang suso na dinede niya.

Makakatulong rin ang ang pagpapalit ng posisyon sa pagpapasuso para maayos na makadede sa iyo si baby.

Tandaan din na dapat ay panatilihing malinis ang suso para hindi ito pamahayaan ng bacteria na maaring magdulot ng impeksyon.

Kung makaramdam ng kakaiba sa iyong suso ay agad ding pumunta sa doktor para mabigyan ng medikal na atensyon. Ito ay para mabigyan ka ng kaukulang lunas at para hindi na lumala pa ang iyong kondisyon.

 

Sources: Mayo Clinic

Basahin: Nanay, nangitim ang suso at muntik nang mamatay dahil sa necrotizing mastitis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!