10 Pinaka-importanteng bagay na hindi maaaring makalimutan sa araw ng panganganak

Narito ang mga pinaka-importanteng bagay na hindi maaaring makalimutan sa araw ng panganganak

Sa dami ng dapat alalahanin at asikasuhin sa araw na pinakahihintay—ang D-day, o delivery day ng iyong sanggol, maaaring makalimutan pa ang mga maliliit, ngunit mahalagang gamit na kakailanganin sa ospital. Kaya’t para sa maging komportable at walang gaanong pag-aalala ang inang kapapanganak pa lamang, mas mabuting maihanda na ang maternity hospital bag tatlong buwan bago pa ang due date.

Narito ang 10 bagay na hindi dapat makalimutang dalhin sa ospital sa araw ng panganganak.

1. Mga personal na gamit ni Mommy, lalo na ang tsinelas, robe, at pantulog

Magdala rin ng isa o dalawang damit na pambuntis, pang-alis at pambahay, tuwalya para sa katawan at mukha, at mga underwear. Kailangan mo ng komportable pero maayos dahil paniguradong may mga bibisita sa ospital. Magdala na rin ng make-up kit na may face powder, lipstick, blush on, at pabango, suklay o hairbrush, kung importante sa iyo na hindi magmukhang maputla kapag may bumisita. Isama na rin ang dalawang pakete ng sanitary napkins at kumot sakaling hindi mo magustuhan ang nasa ospital.

2. Damit ng mag-ina sa pag-uwi

Siyempre pa, mas magandang handa ang ina at sanggol sa mga kukuha ng litrato sa mahalagang araw ng pag-uwi mula sa ospital. Mula ulo hanggang paa: bonnet, damit, medyas at mittens, swaddling blanket, lampin at disposable diapers para sa sanggol, at presentableng damit at komportableng sapatos para sa ina.

3. Camera, cellphone at mga baterya at charger

Ito ang isa sa mga pinakamahalagang araw sa buong buhay ng sanggol at ina, kaya’t hindi maaaring hindi kuhanan ng litrato at video ang lahat ng pangyayari. Siguraduhing naka-charge lahat ng cellphone at baterya ng kamera.

4. Toiletries

Tulad ng sepilyo, toothpaste, sabon, shampoo, conditioner, moisturizer, hand sanitizer, wet wipes, salamin, at iba pang karaniwang ginagamit sa pang-araw araw. Magdala na rin ng para sa buhok, tulad ng headband, pantali, clip o clamp.

photo: All4Kids Facebook page

5. Gamit ng sanggol

> 5 hanggang 7 damit pangsanggol, 2 hanggang 3 damit na mas malaki ng kaunti sa infant size, sakaling malaki ang sanggol
> 2-3 bonnet o takip sa ulo
> 2-3 panyong pang-sanggol
> 2-3 kumot ng sanggol
> disposable diapers (isang pack)
> 3-4 pares ng medyas ng sanggol, o booties
> cotton buds, alcohol (itanong sa pediatrician kung anong klase), baby oil
> pacifier (optional)

6. Delivery Survival Kit

Ito ang tawag ko sa isang di kalakihang bag na naglalaman ng mga gamit na sa tingin ko ay makakatulong sa oras ng paghihintay sa aktuwal na paglabas ng sanggol, o oras ng labor. Depende ito sa gusto o hilig ng ina: mga gadgets tulad ng tablet o MP3 player, unan, kumot, massage oil, libro, magazine, at iba pang gamit na importante sa yo, o makakapag-aliw sa oras ng paghihintay.

7. Wallet na may lamang konting cash at barya

Ipahawak sa asawa o sinumang mapagkakatiwalaan checkbook o credit card para hindi mawala. Pati na ring ang ID at insurance card.

8. Maliit na lalagyan ng paborito mong pagkain o meryenda

Siguradong pagkatapos ng lahat ng hirap, gugustuhin mong bigyan ng reward ang sarili. Bakit hindi magdala ng paborito mong tsokolate, polvoron, cereal, o kahit anong makakain na hindi nasisira agad o napapanis.

9. Mga importanteng dokumento

Dalhin ang kopya ng marriage certificate (kung meron), ID, impormasyon sa health insurance, SSS, Philhealth, at iba pa.

10. Breastfeeding kit

Kung may plano ang ina na magpasuso o mag-breastfeed, kailangang maghanda ng isang kit na naglalaman ng breast pump, nursing bra, nursing cream, nursing pads, nursing pillow, ice pack, 1-2 boteng plastik (pang-reserba para sa gatas ng ina o formula milk, kung kakailanganin). May mga nabibili na ring nursing cover, o telang tatsulok na ginagamit na pantakip tuwing nagpapasuso.

May mga ibang gamit na maaari pang idagdag dito, pero iyon ay depende na rin sa kung ano ang makakapagpanatag ng loob ng pamilya, lalo na ng ina. Lahat ng nasa listahang ito ay ang pinakamahalaga na dalhin, at siguradong makakatulong sa maayos na panahong gugugulin sa ospital ng mag-ina.

ALAMIN: Handa ka na ba sa panganganak?