Lahat tayo ay may kaniya-kaniyang karanasan sa ating panganganak. May mga nanay na sobrang bilis lumabas si baby, ang iba ay sobrang tagal ng pag-labor. Ang iba naman ay nai-emergency CS o kaya naman ay alam na agad nila na magiging-CS mama sila.
May mga pagkakataong akala mo, okay na lahat, ‘yon pala ay makararanas ka talaga nang hindi mo inaasahan.
Simula nang malaman naming mag-asawa na kami ay magkakaanak, sobra-sobra ang aming galak. Ngunit nang ako ay humantong sa aking ika-40 weeks o Full-term na si baby sa aking tiyan noong ika-25 ng Hulyo taong 2019 ay nakaramdam ako ng pananakit.
Hindi pumutok ang aking panubigan ngunit ramdam kong ako ay nagle-labor na, kaya minabuti na namin agad na pumunta sa Ospital sa Las Piñas kung saan ako manganganak. Ngunit nang ako ay ma-IE ay nasa 2cm pa lang daw at kami ay pinauwi na muna.
Napagpasyahan namin sana na mag-rent na lang sa pinakamalapit at pinakamurang hotel o motel dahil kami ay taga-Muntinlupa pa. Ngunit kalaunan ay nagbago ang aming pasya dahil magiging dagdag lamang ito sa aming gastusin, kaya minabuti na lang muna naming umuwi.
Nang kami ay makauwi, panay ang lakad ko at ang pag-eehersisyo ng naka-squat. Panay din ang aking dasal na sana ay maging okay kami ni Baby. Nang bandang hapon ng ika-26 ng Hulyo ay nakakaya ko pa ang paghilab ng aking tiyan ngunit pagsapit ng hating-gabi ay halos sunod-sunod na ang paghilab at hindi na ako makatulog. Mabuti at nakapag-book kami agad ng sasakyan at nang ako ay ma-IE nasa 4cm o 5cm pa lamang daw ako.
Napagpasyahan naming huwag nang umuwi kahit nasa 4cm o 5cm pa lamang at natatawa ang OB ko dahil parang hindi pa raw ako manganganak sapagkat ako ay nakakatawa pa raw at maayos pa ang aking paglalakad. Pinayuhan din ako na huwag magpa-IE nang magpa-IE dahil ito raw ay nakakaimpeksyon sa pwerta. Bumalik na lamang daw kami ng mga alas-dos ng hapon.
Maya’t maya ako nakakaramdam ng pag-hilab at paidlip-idlip na lang ako. Tanghali ng ika-27 ng Hulyo, nagawa ko pang kumain at nang nakausap naming mag-asawa ang aking biyenan ay parang ako raw ay hindi pa manganganak dahil nagagawa ko pa raw kumain ngunit kaunti lang naman iyon.
Dakong alas-dos ng hapon ay bumalik kami sa Emergency Room ngunit walang OB. Kaya nagpatuloy na lang ako sa aking paglalakad. Mga alas kwatro o alas singko na ng hapon nang magkaroon ng OB, pagka-IE sakin ay nasa 7cm na raw ako, balik daw ulit kami ng alas-siyete ng gabi.
Patuloy pa rin ang paghilab na tipong ‘di ko na kaya ngunit kapag ako ay naglalakad ay nawawala ang sakit. Manas na rin ang aking dalawang binti at sa tuwing ako ay maglalakad ay pahinto-hinto na ako.
Pagbalik namin ng alas-siyete ng gabi, ang dami na naming manganganak, inuna nang ma-IE ang mga full term na, nang ako na ang na-IE ay 10cm na raw ako kaya pinahiga na ako sa kama at kinabitan na ako ng suwero at iniakyat na ako sa delivery room.
Pagkarating namin sa delivery room, na-IE na naman ako at ang sabi ay 7cm pa lang daw ako. Pero tinurukan na ako ng pangpa-wiwi, pang-induce at pinutok na rin nila ang aking panubigan at lagi lang daw ako mahiga nang patagilid sa bandang kaliwa.
Nilipat nila ako sa labor room, sabi ng isang OB na huwag daw ako umire kasi baka bigla raw lumabas si baby nang walang sasalo, siya ‘yong OB na gusto akong mai-CS na dahil full-term na at medyo malaki rin si baby, siya ay 3.7 kilos base sa aking latest ultrasound.
Ang sabi naman ng isang OB na gustong mai-normal delivery ko si Baby ay kapag nakaramdam ako ng paghilab, umire lang daw ako. Nalito ako sa kanilang dalawa pero mas sinunod ko siya kesa sa naunang nagsabi sa akin.
Kumpleto at may tagging ang mga gamit ni Baby kaya tuwang-tuwa ang mga nurse at panay ang pasasalamat sa akin sa tuwing ako ay iche-check at kapag iche-check din ang heartbeat ni baby. Ipinagmamalaki rin nila ako sa mga OB dahil hindi ko raw sila pinahirapan pa at sabi pa nila, ganun din daw ang gawin ko kapag ako ay manganganak ulit. Sige lang ang aking naisagot.
Dakong alas diyes o alas onse y medya ng gabi nang ako ay ilipat ulit ng delivery room, pagka-IE sa akin ay 7cm to 8cm pa rin daw ako. Nagtatalo na ang tatlong mga OB kung isi-CS na ba ako o maghihintay pa hanggang madaling-araw, ngunit pinagsuot na ako ng lab gown at ako ay maisi-CS na raw.
Handa na akong mai-CS noong mga oras na iyon, ngunit nang may naunang nanganak sa akin, pinanood ko siya kung paano manganak. Maingay siya ngunit smooth lang ang paglabas ng kanyang baby, panay din ang pag-ire ko sa tuwing humihilab ang aking tiyan at nakatagilid pa rin pakaliwa ang aking pwesto sa paghiga.
Pagkatapos nilang paanakin ung isang nanay ay sinilip ng isang OB ang aking pwerta at ang ulo raw ng aking baby ay nandoon na at handa nang lumabas. Dahil unang experience ko ito, hindi ako marunong umire, ngunit tahimik lang ako at hindi nasigaw para hindi ako mapagod agad.
Napagpasyahan na nang mga OB na tulungan ako. ‘Pag humilab daw, sabihin ko sa kanya para maitulak ang tiyan ko. Kailangan daw kasi sabay kami. ‘Yong naunang OB na gusto ako mai-CS ay hindi niya pa rin mailabas si baby. Mayroong bumubulong pa sa akin na kailangang kayanin kong mainormal dahil baka maapektuhan na raw ang baga ni baby at baka maidala siya sa NICU.
Nakipagpalit ang OB sa isang mas malaki sa kanya. At nang nagsabi siya na kalabitin ko raw siya pag humilab na para sabay daw kami ay laking pasasalamat ko dahil lumabas na sa wakas ang aming bouncing baby girl. 3.3 kilos lamang daw siya. Mapisngi raw pala kaya medyo mahirap mailabas. Ramdam na ramdam ko pa ang bawat paggupit ng OB na naka-pwesto sa aking pwerta habang tinutulungan akong mailabas si baby.
Tinanong nila ako kung allergic daw ba ako sa mga gamot at hindi ang aking nasambit. Nagsagawa sila ng skin test sa akin at tinurukan ako ng pangpa-groggy. Nang ako ay tatahiin na, nararamdaman kong patapos na si OB, tinanong pa siya ng isang OB kung kaya ba niya at oo ang kanyang naisagot.
Ngunit, maya-maya nang naramdaman kong patapos na siya sa pagtahi sa akin ay nakita niyang mayroon pang bahagi na hindi naisama sa kanyang pagtahi. Ipinaalam niya sa akin ito at dahil ako ay wala na sa wisyo ay “po?” na lamang ang aking nasambit sa kanya.
Kaya tinastas niya ulit at tinahi ulit ang aking pwerta. Panay ang galaw ko dahil kahit ako ay groggy na ay ramdam na ramdam ko pa rin ang sakit. Tanong ng isang OB “Masakit ba? Tulog ka lang Mommy.” Muntik ko nang masungitan ang OB at masabing “Hindi lang po masakit, kundi masakit na masakit!” Ngunit, tango na lamang ang aking naging tugon.
Nang matapos akong tahiin ay nilipat ulit ako sa labor room at matulog daw muna ako. Hindi ako makatulog dahil ako ay nag-aalala sa aking baby, mabuti na lamang at ipinuwesto ako malapit sa pintuan kung saan tanaw ko siya kung nasaan siya.
Mga alas dos ng madaling-araw ay ginising na ako at tinanong kung ako ba ay okay na at ibibigay na raw nila ang aming anak. Maaari ko na rin daw siyang padedein. Nilipat na rin kami sa Ward kung saan libre ang pag=stay, ngunit puno sa ward na iyon at bawal ang bantay.
Dalawang nanay kasama ang kanya-kanyang sanggol sa isang kama, ngunit sabi sa akin ng kasama kong Nanay sa kama, ay may palabas na raw doon sa kwartong iyon, doon daw ang pwesto namin.
Subalit nang ako ay tanungin noong ako ay nasa labor room pa lamang, ang sabi ko sa Philhealth ward kami. Mayroong bayad ‘pag nag-extend ng stay. Nakita rin ng asawa ko na dalawa kami sa isang bed. Dali-dali kaming nag-usap mag-asawa na lilipat kami ng Philhealth Ward. Naging mabilis naman ang proseso at nakalipat kami agad nang matiwasay.
At ito na nga, ngayon ay tatlong taong gulang na ang aming anak at naging napakasaya ng aming pamilya.