Mga Tips para sa Pagpapatulog kay Baby

lead image

Hindi lang si baby ang nangangailangan ng sapat na tulog—si Mommy at Daddy rin! Ano nga ba ang dapat gawin para sa madaling pagpapatulog sa baby?

Kung maayos ang tulog ni baby, mapayapa ang buong gabi ng mga magulang—at mas maaliwalas din ang paggising ng lahat kinabukasan. Kaso nga lang, mailap ang tulog na ganito lalo kapag bagong panganak ang sanggol.

Posible pa bang makahanap ng kumpletong tulog ng buong gabi si baby? Walang imposible kung alam ni Mommy at Daddy ang mga epektibong paraan ng pagpapatulog.

1. Swaddle o pagbabalot

Itinuro ito sa akin ng pinsan kong parenting expert at early childhood educator noong manganak ako sa panganay ko. Mula pagkapanganak pa lamang, hanggang mga 4 na buwang gulang, mayrong tinatawag na “startle reflex” ang mga sanggol. Katulad ito ng karaniwang panaginip natin kung saan para kang nahuhulog. Sa mga sanggol, para siyang biglang nabubulat, kaya’t bigla ring nagigising, at umiiyak. Ang sikreto para maiwasan ito ay ang pagbabalot ng maayos at mahigpit kay baby, gamit lang ang kaniyang kumot. Nakakatulong ito na maparamdam sa sanggol na matiwasay siya, parang nung nasa sinapupunan siya, ayon sa librong The Happiest Baby on the Block ni Harvey Karp, MD, isang pediatrician. Epektibo ito para sa mga maliliit pang sanggol, karaniwang yung hindi pa nakakadapa ng mag-isa.

2. Orasan ang tulog sa maghapon, at limitahan ito.

Madalas, hindi nakakatulog ang bata sa gabi kasi tulog siya sa araw. Subukang limitahan ang daytime nap ni baby ng hindi lalagpas sa 2 oras kada pagtulog. Kung sa tingin mo ay kailangan niya pa ng mas mahabang tulog, bigyan ng dagdag na kalahating oras pa. Gawin ito sa umaga o tanghali. Kapag mas malapit na sa oras ng pagtulog sa gabi, iwasan na ang nap, at mag-isip ng mga sleep rituals para maramdaman ng bata na ito na ang oras ng pagtulog.

Kapag mahaba ang oras na gising ang bata, labis naman ang pagod niya at magbubwisit ito, iiyak, at mahihirapang makatulog ulit. Himukin siyang umidlip ng paunti-unti, pero madalas, at kumain o dumede, at makakaulog siya nang kaniya, nang hindi pinipilit.

3. Gumamit ng bedtime ritwal o routine.

Lahat ng bata ay kailangan ng routine, at ang mga magulang ang dapat na magbigay nito. Katulad ng takbo ng bawat araw ni baby—gigising, kakain, maglalaro, kakain, matutulog—kailangan din niya ng routine at ritwal para mahanap ang mailap na tulog sa gabi.

Ang pagpapatulog ay paraan ng maraming magulang na makipag-bonding sa mga anak. Makakatulong sa proseso ng pagpapatulog sa bata ang gawing positibo ang lahat ng bagay na may kinalaman sa tulog.

Kailangang maramdaman ng sanggol na gabi na, at oras na ng isang mahabang pahinga para sa lahat. Kaya iwasang makipaglaro o bigyan siya ng mga aktibong gawain bago matulog, Huwag mong akalain na kapag pinagod ay mas madali siyang makakatulog. Ang magiging problema dito ay ang “over-stimulation” kaya’t mas magiging gising na gising ang diwa niya, imbis na mapagod. Maaaring punasan o paliguan ang bata, para maging presko, bigyan ng baby massage para ma-relax, basahan ng bedtime story o bulungan ng mga malalambing na salita, kantahan ng kantang pampatulog, i-breastfeed. Pagkatapos ay diliman ang kuwarto, maaaring magpatugtog ng musikang pampatulog o kantahan ng malumanay ang baby, i-swaddle siya o suotan ng sleep sack, at ilagay sa kaniyang tulugan.

Anumang ritwal ang maisip, kailangang gawin ito ng ayon sa pagkakasunud-sunod para maisaloob ng bata na ito ang hudyat ng pagtulog niya nang matagal.

4. Huwag tugunan ang bawat imik o ingit.

Nararamdaman ng bata kung nahihikayat siyang gumising sa gabi, sa pamamagitan ng pagmamadali ng magulang sa bawat pagkakataon na umiingit lang naman siya, o umiiyak ng bahagya. Alam din ng bata kung dali daling darating at kakargahin siya ni nanay o tatay sa gabi, kaya’t nawiwili din itong umiyak para magpakarga, kahit sa gitna ng gabi. Pansinin na kadalasan pa nga, magigising at magdadaldal pa ito, pero natutulog ding muli. Kapag narinig na umiiyak, hintayin ng saglit, bago tuluyang kargahin at ihele ulit. Minsan ay nakakatulog siyang muli nang walang tulong ni nanay o di kailangang kunin ni tatay. Hindi lahat ng pagkakataon at hindi lahat ng iyak ay karga at hele ang tugon. Pakinggan at alamin din ang klase ng iyak ng bata na nangangailangan ng kaagad na pansin.

5. Ibaba ang sanggol ng inaantok pa lang, pero hindi pa tulog.

Walang masama sa paghele at paghagod para mapatulog ang bata, dahil paraan din ito para mapadama ang haplos ng pagmamahal natin sa anak. Pero tandaan din na importanteng matuto ang bata na matulog nang sarili lang niya—walang tapik o hindi hinehele palagi. Mas mainam at mas madali para sa lahat kung matuto siya ng “independent sleep”. Para nang sa ganon, makakaya din niyang matulog mag-isa kapag nagising siya sa gabi, at hindi umaasa lang sa atensiyon ng magulang.

Ang isang sanggol na bagong panganak ay patuloy na nangangailangan ng gatas kada ilang oras sa araw at gabi.  Sa ikatlong buwan, mas mahaba na ang dating ng gutom nito, na halos 5 hanggang 6 na oras na. Ito ang kailangang samantalahin. Ang proseso ay nangangailangan ng “trial and error”, pero basta’t matiyaga at determinado ang mga magulang na maibalik ang deretsong tulog sa gabi, subukin ang mga stratehiya at makikita din ang routine at paraan na nababagay sa inyong sanggol at pamilya.

 

READ: Educate helpers and relatives about sleep safety to prevent SIDS!

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!