Mga yakap at halik maaaring makapatay sa bata

lead image

Alamin ang maaaring maidulot ng pag-payag sa mga yakap at halik ng mga tao sa mga sanggol na mahihina pa ang immune system.

Para sa mga magulang, normal na ang pagyakap at paghalik sa ating mga sanggol. Ngunit kung mayroong sakit, mas mabuting iwasan munang halikan o yakapin ang iyong anak. Ito ang naging tugon ng isang ama na nakaranas ng matinding trahedya nang mamatay ang kaniyang anak, dahil raw sa halik at yakap ng ibang tao.

Paano kaya ito nangyari, at anu-ano ang mga hakbang na magagawa ng mga magulang upang hindi ito mangyari sa kanilang anak?

Yakap at halik, paano ikinamatay ng sanggol? 

Sa kwento ng ama, siya raw mismo ay hindi gustong hawakan o yakapin ng ibang tao ang kaniyang sanggol. Ngunit, siya raw ay paulit-ulit pinagsabihan na dapat ay ipag-malaki niya ang anak. Ngayon, siya ay nagsisisi sa kaniyang naging desisyon, at sana raw ay pinanindigan niya ang pagbabawal na hawakan ng iba ang kaniyang anak.

Aniya, "Hayaan niyo lang sila na punahin ka sa hindi pag-papakita sa iyong anak. Huwag niyo nang gayahin ang aking pagkakamali. Ang pinaka-importante ay ang kalusugan ng bata. Ngayon, kapag mayroong gustong yakapin o halikan ang anak ko, tinatanong ko muna sila kung kaya ba nila itong palitan kung sakaling may mangyaring masama dahil sa pagdikit nila dito."

Hindi na nakwento ng ama kung ano ang mismong ikinamatay ng kaniyang anak. Ngunit gayunpaman, kanyang ipinaliwanag na kahit mga simpleng germs at bacteria ay posibleng maging mapanganib sa mga sanggol. Ito ay dahil hindi pa ganap na buo ang immune system ng mga bata, at madali silang dapuan ng iba't-ibang mga sakit.

Maraming netizen ang sumang-ayon sa ama at nagsabing hindi nila pinapahintulutan ang mga tao hawakan ang kanilang mga anak lalo na kung kakatapos lang manigarilyo. Ang kalinisan sa sarili ay napaka-importante para sa kalusugan ng bata.

Hindi na ito bagong pangyayari

Nakakalungkot isipin na hindi ito ang unang pangyayari kung saan may sanggol na namatay dahil sa mga yakap at halik. Ganito rin ang nangyari sa sanggol na si Mariana Sifrit ng Iowa, USA. Nabuhay lamang siya ng 18 na araw, dahil siya ay namatay sa sakit na herpes meningitis.

Si Mariana ay ipinanganak na malusog at walang problema. Siya pa nga ay nakadalo sa kasal ng kaniyang mga magulang. Ngunit 2 oras matapos ang kasal ay bigla siyang isinugod sa ospital. Ayon sa mga doktor, ang bata ay mayroong meningitis HSV-1 na dulot ng herpes virus.

Ang herpes meningitis ay maaaring maipasa sa pakikipag-siping o mula sa ina na mayroon nito papunta sa anak. Ngunit, parehong nag-negatibo ang pagsusuri sa mga magulang ni Mariana. Ibig sabihin, nakuha ito ng bata mula sa isang bisita na mayroon nito.

Sa unang 48 oras ng sanggol sa ospital, anim na beses siyang sinalinan ng dugo. Ngunit, ang mga bato at atay ng bata ay tumigil na sa pag-gana.

Sa sumunod na Lunes, napag-alaman ng kanyang mga magulang na wala nang brain activity ang bata. Dagdag pa dito, ang kanyang baga at puso ay bumibigay na rin. Siya ay namatay kinabukasan.

Paano makakaiwas sa ganitong mga sakit?

Heto ang ilang tips para sa mga magulang upang makaiwas ang kanilang mga sanggol sa ganitong sakit:

  • Huwag halikan ang mga baby, lalo na kung hindi ka sigurado na wala kang herpes simplex na virus.
  • Palaging maghugas ng kamay bago humawak ng mga sanggol.
  • Huwag hayaang lapitan at halikan ng kung sino-sino ang iyong sanggol dahil baka mahawa sila ng iba’t-ibang sakit.
  • Ilayo ang iyong anak sa mga taong mayroong sipon at upo.
  • Kung maaari, limitahan lamang ang exposure ni baby sa mga tao sa unang tatlong buwan ng kaniyang buhay.
  • Para sa mga mag-asawa at sa mga ina, mabuting magpatest sa herpes simplex virus upang masiguradong hindi mahawa si baby.

 

Sources: World of Buzz, Dailymail

Basahin: Herpes simplex virus sa baby, galing daw sa isang halik

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner