Momo, "pinatay" na ng artist na gumawa sa kaniya

Ayon sa gumawa ng karakter, patay na raw si Momo, at hindi na dapat ikatakot ng mga bata at magulang ang Momo suicide challenge.

Noong nakaraang linggo ay sunod-sunod ang mga naging kuwento tungkol sa Momo suicide challenge na ikinabahala ng mga magulang. Bagama’t maraming mga nagsasabi na hoax lang ito, hindi pa rin maikakaila ang takot at panganib na dala nito para sa mga bata.

At kamakailan lang ay nagbigay ng statement ang artist na gumawa kay Momo. Aniya, “patay” na raw si Momo, at wala nang dapat ikatakot ang mga magulang at mga bata.

Momo suicide challenge, hindi na raw dapat ikabahala

Nagsimula si “Momo” bilang isang sculpture na gawa ng artist na si Keisuke Aiso. Ang orihinal na pangalan nito ay “Mother Bird” na based sa isang ghost story sa Japan. Ang kuwento raw nito ay tungkol sa isang inang namatay habang nanganganak, at naging isang multo na hugis ibon.

Noong 2016 pa nagawa ang sculpture, pero ngayon ay bumalik ulit at nag-viral ang mga larawan nito. At dito nagsimula ang tinatawag na “Momo suicide challenge.”

Pero ayon sa artist na gumawa kay Momo, wala na raw ang kaniyang sculpture. Ito ay dahil hindi naman raw niya ginawa para tumagal ang sculpture. Aniya, tinapon na raw niya ang sculpture dahil nabulok raw ang rubber na ginamit upang gawin ito. Dagdag pa niya, ang natira na lang raw kay Momo ay ang isang mata nito, at plano niya raw itong gamitin para sa isang project.

“Patay” na raw si Momo, at hindi na raw dapat matakot ang mga magulang at mga bata dito.

Sabi pa ni Keisuke na kahit na sinadya nyang maging nakakatakot si Momo, hindi niya ginusto na ito ay maging isang “suicide challenge.”

Bukod dito, nakatanggap rin daw siya ng mga death threats dahil kay Momo, kaya hindi raw siya nagsisisi na wala na ang sculpture.

Nagkaroon ng pagsusunog ng “Momo effigy” sa Pilipinas

 


Sa Pilipinas naman ay nagkaroon ng pagsusunog ng effigy ni Momo na ginawa sa Butuan. Ito raw ay inorganisa ng mga pulis upang maibsan ang takot ng mga bata kay Momo.

Nangyari ang pagsusunog ng effigy sa flag ceremony sa Libertad Elementary School, Butuan City.

Ayon kay CARAGA Regional Director, Police Brigadier General Gilbert Cruz, “Hindi siya totoo at hindi dapat katakutan ng mga bata, kaya sinunog yan sa harapan nila at mismong ang mga estudyante ang sumunog, para ipakita na sila ang nasa upperhand na mawala ang takot nila.”

Ginawa raw nila ito para makita ng mga mag-aaral na nasusunog si Momo at para mawala ang kanilang takot sa kaniya.

Sana nga ay matigil na ang pagkalat ng mga balita tungkol kay Momo upang hindi na matakot ang mga bata at ang mga magulang sa panganib na dala ng Momo suicide challenge.

 

Source: MSN

Basahin: Momo suicide challenge: Fake nga ba?

Written by

Jan Alwyn Batara