Money smart ba ang iyong anak?

undefined

Paano nga ba tuturuang maging money smart ang ating mga anak at anu-ano ba ang mga importanteng katangian ng mga bata na mahusay humawak ng pera?

Noong mga bata pa ang mga anak ko, hindi ako nagbibigay ng baon na pera. Kasama ko sila sa eskwelahan, at mas gusto kong mag-impake ng baong pagkain kesa bigyan sila ng pera. Hindi ko naisip noon na may kabutihan palang naidudulot ang pagbibigay ng allowance, lalo sa mga bata dahil tinuturuan sila nitong maging money smart.

Nakita kong hirap sila pagdating na ng Pasko at mga okasyon tulad ng birthday, kasi wala naman silang pambili ng regalo, dahil wala silang ipon. Kaya’t kapag binigyan m, kundi gagastos ng malaki, titipirin naman ng sobra. Nung 11 taong gulang ang panganay ko, nawala ang dollars na bigay ng Lola nila, kasi tinago niya at di niya mahanap kung nasan. Hindi nga kasi sanay agad-agad naging money smart ang panganay ko.

Ang pagbibigay ng allowance ay nagtuturo sa mga bata kung paano humawak ng pera. Natututo ang mga batang mag-budget at mag-ipon. Napagtanto ko na hindi matututo ang mga anak kong humawak ng pera kung papanoorin lang nila akong mag-withdraw sa ATM, at dumukot ng dumukot sa pitaka ko kapag lumalabas kami, at sa araw araw. Nang magsimula akong magbigay ng regular allowance, unti-unti silang naging mas responsable pagdating sa kani-kaniyang desisyon sa paggasta ng pera at pagpili ng pagkakagastusan. Habang maliliit pa, natuto silang mag-plano at maglista ng kung ano ang dapat unahing bilhin at kung ano ang kailangan, dahil limitado lang ang perang hawak nila sa nakatakdang panahon.

Narito ang ilang mga tanong na tungkol sa pagbibigay ng allowance—at mga sagot at paliwanag na makakatulong sa pagtuturo ng money skills sa mga bata.

Paano ba gagawing money smart ang iyong anak?

Ano ang tamang edad sa pagbibigay ng allowance?

Ang ibang magulang ay nagsasabing ang mga batang 6 hanggang 8 taong gulang ay handa nang humawak ng pera nila, bagamat maliit na halaga lang. Ang iba ay naghihintay ng hanggang 9 hanggang 10 taong gulang. Sa isang librong isinulat ni Janet Bodnar, senior editor ng Kiplinger’s personal finance magazine sa Washington, D.C., na may pamagat na Dollars and Sense for Kids, punto ng may akda na hindi kailangang pilitin at madaliin ang mga bata. Kailangan ding hintayin ng mga magulang na magpakita ng interes sa paghawak ng pera ang mga bata, o kapag nakikitang handa na silang makakilala o makaintindi ng value o halaga nito.

Magkano dapat ang ibigay?

Yung kaya mo lang, syempre. Tingan ang presyo ng mga bilihin sa canteen ng eskwelahan, at pati sa grocery. Kwentahin ang halaga na kakailanganin ng bata para makabili ng kakainin niya sa bawat araw, at yun ang pagbasehan. Kausapin ang bata at isali siya sa paggawa ng desisyon kung magkano, pagkatapos ipaliwanag sa kaniya ang basehan mo. Pag-usapan niyo din kung anong mga bagay ang dapat ay siya na ang magbabayad, kasama sa allowance na ibibigay sa kaniya. Siya ba ang bibili ng laruang gusto niya? Mga ticket sa sine kasama ang kaibigan niya, school materials para sa mga school projects at kung anu ano pa. Kung kasama ang mga iyon, o ilan dito, kasama yun sa pagkwenta ng allowance niya. Sa panahon ngayon, ang mga mas bata na wala pang 10 taong gulang ay pwede na ang 50 hanggang 100 pesos kada araw.

Ang ibang magulang ay nagbibigay ng extra, kapalit ng paggawa ng mga gawaing bahay. Sa bawat “chore” sa bahay na gagawin ng bata, may kaukulang bayad, na idadagdag sa allowance, lalo kung may gusto siyang mamahaling bagay o laruan, o gusto niyang manuod ng sine kasama ang mga kaibigan. Kailangan lang maging maingat sa usaping ito, dahil dapat ding turuan ang mga bata na tumulong sa mga gawaing bahay nang walang kapalit na pera. Tinuruan ko ang mga anak ko na tumulong sa mga household chores kahit na walang perang kapalit. Mayroon silang kani-kaniyang gawain lalo na kapag weekend, pero kapag kailangan nila ng extrang pera, pinag-uusapan namin ito at binibigyan ko sila ng karagdagang gawain, na hindi nila karaniwang ginagawa.

Bottom line: Huwag gawing masyadong madali, ngunit huwag ding pahirapan ng sobra ang mga bata.

Gaano kadalas ang pagbibigay?

Ibigay ito ng regular, isang araw sa isang linggo, o araw araw bago pumasok kung mas bata. Kapag nasa edad 10 pababa, nagsisimula pa lang sila humawak ng pera kaya’t di pa nila kaya ang malalaking halaga. Baka din mawala nila, kaya’t mabuti nang araw araw ibigay. Kapag nasa edad nasa tween age na, pwede nang simulang bigyan kada linggo.

Siguraduhin lang na matitiis mong hindi bigyan ng extra kapag naubos ng bata ang naibigay nang allowance, nang wala sa panahon. Kailangang matutunan ng bata kung paano pagkasyahin ang perang nasa kamay niya, at wala siyang makukuhang extra. Kapag “pinahiram” kasi siya, ang matututunan niya ay pwede siyang makakuha sa iba, at dito magsisimula ang ugaling pangungutang.

Mag-ipon!

Hindi madaling magturo kung paano mag-ipon para sa magiging pangangailangan sa kinabukasan at maging money smart. May iba’t ibang pagtanggap ang iba’t ibang tao pagdating sa pera, at kani-kaniyang paraan ng paghawak nito. Ganito rin ang mga bata. May mga batang likas na marunong mag-ipon kahit hindi sabihan, may mga kailangan pa ng paalala. Pag-usapan ang iba’t ibang paraan ng pag-iipon at pagtatabi ng pera para may mahuhugot kapag oras ng pangangailangan.

May mga batang hindi talaga marunong mag-ipon, o ayaw lang talaga. Sila ang mga kailangan ng higit na paggabay at dapat maturuan kung paano magtabi at humawak ng pera. Bigyan sila ng incentives. Simulan sa old-school na alkansiya, para makita nila kung paano lumalaki ang pera sa ganitong paraan. Samahan silang pumili ng gusto nilang bilhin sa kalahati ng perang naipon. Ang pagtatabi ng pera para sa mga for short-term goals ay nagtuturo sa kanilang ang lahat ng gusto at kailangan ay makukuha kung maghihintay at magtitiyagang magtabi para dito.

Kung kaya ng budget, tapatan ang halaga ng naipoon nila, bilang incentive. Epektibo ito lalo na kung may gustong bilhin ang anak na mamahalin o malaki ang halaga.

Kapag naranasan ng isang bata na humawak ng pera kahit sa murang edad—ang magkaron ng “kapangyarihan” na pumili ng gusto niyang bilhin, at kasabay nito ay ang maranasan kung paanong maubusan ng pera, o kulangin kaya’t di mabili ang gustong bilhin—maaga pa lang ay natututunan na niyang magkaron ng respeto at pagpapahalaga sa kinikitang pera ng kaniyang mga magulang, at kikitain niyang pera paglaki niya.

 

READ: Paano ba turuan ang iyong anak na maging teen entrepreneur?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!