November 18, 2018 – araw ng Linggo nun. Normal na araw ng pagbubuntis ko, wala namang senyales pa na malapit na ako manganak. Rest day ng mister ko at nakaugalian na talaga namin kapag libreng araw nya mamasyal kasabay na rin ng paglalakad, ehersisyo narin para sa akin.
Araw-araw naman naming ginagawa ang paglalakad kaya hindi ko talaga feel na yun na ‘yong araw na manganganak ako. Huling check-up ko pa sa OB ko hindi pa naman open cervix ko, kahit ika-39 weeks ko na nun.
Bandang tanghali nun, biglang may pumatak mula sa pwerta ko. Naalala ko ang sabi ng OB ko na, kapag may tubig na lumabas sa’kin kahit konti ay magpunta na ako sa ospital. Marami daw kasing case na nagli-leak ang panubigan ng hindi nila nalalaman.
Malapit lang naman ang ospital sa amin, bukod doon kung saang ospital ako manganganak ay doon din nagtatrabaho ang mister ko kaya nagpunta na kami agad. 1 PM nung chineck ako sa ER, lalaki ang nag IE sa akin at hindi pa niya agad nakilala ang mister ko, nagulat sya kasi pinayagan pumasok. Hahaha.
Siguro dahil nakapambahay lang siya kaya hindi agad nakilala, pero naitsurahan ng doktor kaya natawa na lang ito at sinabihang mag-ready na kasi 1cm na ako. Wala pa doon ang OB ko kaya tinawagan at tinext muna siya, saka nila hinanap ang record ko. Saka sinabihan ang mister ko na dadalhin na ako sa delivery room.
Imo-monitor daw ang heartbeat ni baby at ang contraction ko. Hiniga ako at sinuotan ng aparato sa tiyan, ang tagal kong nakahiga at nag-aantay. Naisip ko non, matagal pa ang 1cm at wala pa ako napi-feel na kahit anong sakit o hilab. Kaya naiisip kong pauuwiin pa ako, nai-imagine ko pa na magmemeryenda ako ng paborito kong bananacue.Hahahaha.
Hindi ko alam, pinauwi nila ang mister ko at pinakuha ng gamit ng bata. Halos 2 oras na akong nakahiga lang, malikot naman si baby sa tiyan ko at binibilang din ang movement niya. Kada gagalaw, may pipindutin ako button at magre-record sa machine tapos magpi-print ng marka sa papel na hindi ko alam, Hahaha.
3 pm wala pa rin ang OB ko pero lumapit ang isang lalaking nurse sa akin, sabi daw ng OB ko need na ako i-admit, isuswero na niya ako dahil possible daw na nagli-leak ang water bag ko kaya need ko na manganak tutal 39 weeks na rin naman na daw ako.
Sinabi ko kung na-inform ba ang mister ko, nasabihan naman na daw nila. Nagpaalam na ang nurse na lalaki sa akin, tutusukin na niya ako sa kamay ng para sa dextrose pagkatapos ay i-injectan ng pampahilab, INDUCE LABOUR na daw ako.
4 pm niya ako tinurukan ng pampahilab at in-explain niya ang mangyayari sa akin. After 30 mins daw, unti-unti na akong makakaramdam ng pain kaya hangga’t maaari, panatilihin ko daw ang sarili kong kalmado para hindi ako mapapagod kapag push time na.
Nagpaalam pa ako kung pwedeng tumayo, sagot niya, mag-side lying position daw ako kung gusto ko. Pinaalam ko din kung pwede pumasok mamaya mister ko, sagot ng nurse ipapaalam daw nila muna. Tinanong ko din kung pwede akong uminom ng tubig, hindi na daw pwede. Nakakaloka, tuyot na tuyot na ang lalamunan ko, paano naman ako iire ng nanunuyot ang lalamunan. Huhu.
Ilang minuto nanlabo na ang paningin ko, hindi ko alam kung isa sa epekto ng pampahilab na itinurok pero malinaw ang mata ko kaya sure ako na lumabo talaga nung time na ‘yon ang paningin ko.
Unti-unti ko na rin napi-feel ang hilab pero kaya pa, hapon na-IE ulit ako 3 cm na daw ako, hanggang 6:30 pm, na-feel ko ang pagputok ng panubigan ko. Nakakaloka kasi ang dami at feeling ko nakakahiya kasi tumatagas pero sabi huwag ko daw intindihin nasa delivery room daw ako.
‘Pag I.E sa akin mga 8 pm, nasa 6 cm na daw ako, medyo umaangat na ang pwet ko sa sakit. Hindi pa din dumadating ang OB ko ng panahon na ‘yon. Pinayagan na nila pumasok saglit ang asawa ko, hawak-hawak lang niya ang kamay ko kada hihilab pinipilipit ko ang kamay niya.
Wala siyang reklamo, habang bumubulong lang ako sa kanya ng “love, love, love, love,” bulong lang as in bulong. Nung time na masakit na talaga mas pinipili kong kumalma, huminga ng malalim at tawagin lang ang asawa ko sa malambing na tono.
Parang mas nababawasan ‘yong pain kapag tahimik lang ako. Iniisip ko lang na enjoy-in ‘yong sakit kasi minsan lang naman ‘yon, mamaya lang makikita ko na ang anak ko paulit-ulit sa utak ko.
10 pm nagre-ready na ang mga nurse, 9cm na daw ako pero wala pa ang OB ko. Medyo nag-aalboroto na pakiramdam ko pero wala naman akong magagawa, nakahiga ako, hindi ko masabing natatae na ako at napapaire talaga ako ng hindi sinasadya.
Naririnig ko ang mga nurse, nag-uusap paano daw kung ma-CS ako eh kulang sila. Nakakaloka, nahusgahan agad akong ma-CS.
Naisip ko na lang, “Wala kaming pambayad sa CS, kaya kakayanin kong inormal to” HAHAHAHAHAHA.
Dumating ang OB ko ng 10:30 pm saka sila pumwesto, pinalabas ng OB ang mister ko dahil baka daw mahiya akong umire. Pero hindi ko alam paano niya nasabi na mahihiya ako sa sobrang sakit, ‘di ko na maiisip mahiya pa. Hahahaha.
Nag-start na kaming mag push, count 1 to 10 stop, hinga then push ulit count 1 to 10 na mabagal. Mas nahirapan pa akong huminga nung nilagyan ako ng oxygen kaya tinanggal ko nung walang nakatingin.
After ilang push, saka sinabi ng OB na isang mahabang ire para mailabas na daw ang ulo ni baby, so pag-count niya bago ako umire, ginupit niya na ako. Ramdam na ramdam ko ang paggupit kahit may naiturok na anesthesia sa pwerta ko, pero parang napunit lang na pakiramdam kasi medyo manhid na.
Nagbiro pa ang isang doktor kapag di ko pa daw nilabas, bibiyakin na niya ako. Kaya napa-power push na talaga ako sa takot kong ma-CS. Hahahaha.
Exactly 10:45 pm lumabas ang anak kong si Gonn Matthew Orio Aguelo via Normal Delivery (November 18, 2018).
“Thank you, Lord! Good job, anak!” yan talaga ang lumabas sa bibig ko pagtapos makaraos. Nung pinatong siya sa dibdib ko, saktong pumu-poo siya, kaya nung hahawakan ko siya, nadakma ko ang dumi niya. Hahaha.
Agad na kinuha ng nurse muna ang anak ko tapos pinunasan ang kamay kong puro tae. Hindi ko na na-feel ‘yong pagtahi kahit more kwentuhan more fun sila habang nakabukaka pa ako.
Nung nailabas na ang inunan o placenta, mas naging komportable na pakiramdam ko. Nakatingin lang ako sa direksyon kung nasaan ang anak ko na binibihisan. Nandun din ang asawa ko nakaabang magbuhat at tinutukso ng mga katrabaho niya, umuulan ng Congrats.
After akong tahiin, dinala ako sa recovery area after 2 hours pa daw ako bago dalhin sa ward. Magpahinga daw ako, matulog pero wala sa mood dahil gusto ko makita ang anak ko. Gusto ko uminom ng malamig na malamig na tubig. Gusto ko na kumaen. Hahahaha.
Buti na lang ramdam ng asawa ko ang pagkauhaw ko kaya dali-dali akong dinalhan ng tubig na malamig. Bago umalis ang OB ko, pinuntahan niya ako at sinabihang pwede na ako kumain kapag nasa ward na daw ako.
Hindi na ako makapag-antay non, panay ako selfie at update sa parents ko. Nakita ko rin na may picture ang anak ko sa cellphone, kuha ng asawa ko. Nung nalipat na ako sa ward at sinabay na ang anak ko, sobrang tuwang tuwa na ako at nai-excite na umuwi.
Syempre start na maging padede nanay, pero wala pa ako agad gatas nun kaya pinag-take ako ng Natalac capsule for 3 days. More sabaw din daw dapat at more tubig.
Sobrang hindi ko makakalimutan ‘yong araw na ‘yon, proud ako sa sarili ko na kinaya ko. Hindi ako makapaniwalang kinaya ko yon. Kinaya ko syang ilabas sa laki niyang 3.2 kilos na kahit ob at mga nurse nagtataka saan ko daw nilabas.
Hahaha maliit lang daw akong babae pero ang laki ng baby ko. Sobrang nagpapasalamat ako nun kay Lord, ‘di nya kami pinabayaan. Ganon din ang asawa ko na hindi talaga ako iniwan kahit nalamog ang kamay niya sa akin.
Kakaiba yung pakiramdam pero after, nakakayabang para sa sarili. Iba iba naman ang response ng labour sa mga kababaihan may iba nga walang nararamdaman na nagle-labor na sila, may iba namang grabe talaga ang sakit na nararamdaman siguro depende din sa pain tolerance mo. At talagang lakasan na lang din ng loob.