Hindi madali para sa kahit sinong magulang ang mamatayan ng ana. Lalong-lalo na para sa mga first-time moms na nagkaroon ng stillbirth, o patay na nang ipanganak ang kanilang anak. Ganito ang naging karanasan ng ina na ibinahagi ang kaniyang kuwento sa Facebook. Ayon sa kaniya namatay raw ang kaniyang anak dahil sa kanyang nabutas na panubigan.
Ating alamin ang kaniyang kuwento, at kung paano makakaiwas sa ganitong pangyayari.
Paano siya nagkaroon ng nabutas na panubigan?
Ayon sa inang si Angelica Joy Payne, noong January 16 raw ay malusog pa ang kaniyang dinadalang sanggol. Aniya, sobrang lusog raw ng kaniyang anak at walang kahit anong nakitang problema ang doktor dito.
Matapos ang isang linggo, bumalik raw ulit si Angelica sa doktor. Dahil raw kabuwanan na niya, mas madalas na ang kaniyang pagpunta sa doktor upang masiguradong ligtas ang kaniyang anak. At tulad ng nakaraang linggo, maayos at wala raw problema ang kaniyang baby.
Kaya’t labis na lang ang kaniyang gulat dahil noong sunod na araw ay nagpa-ultrasound siya, at sinabi na wala na raw heartbeat ang kaniyang anak.
“Biglang sinabi sakin na walang heartbeat yung anak ko kasi daw konti nalang yung tubig sa loob na hindi ko matanggap kasi kaka check up ko lang a day before ko magpa ultrasound. Para akong binagsakan ng langit at lupa,” ang sabi ni Angelica sa kaniyang Facebook post.
Dahil dito, agad raw siyang pinapunta sa ER ng doktor. Umaasa pa si Angelica na baka nagkamali lang ng tingin, at baka buhay pa ang kaniyang anak, ngunit nalaman na totoong wala nang buhay ang kaniyang sanggol.
Kinailangan niyang manganak upang mailabas ang sanggol
Kahit hindi pa oras para manganak si Angelica, kinailangan siyang magpa-induce ng labor. Ito ay dahil kailangang mailabas ang kaniyang sanggol dahil baka magkaroon ng komplikasyon kung hayaan lang ito sa loob ng kaniyang sinapupunan.
Hanggang sa huling sandali ay umaasa pa rin si Angelica na baka may posibilidad na mabuhay ang kaniyang anak. Ngunit sa sadyang mapaglaro ang tadhana, at hindi na niya inabutang buhay ang kaniyang anak.
Kuwento ni Angelica, “Lumabas si Dwayne and yung dinadasal ko magka himala nalang sana na umiyak yung anak ko kaso wala na talaga. Di ko na ramdam na nililinisan ako kasi daretso na tingin ko sa anak ko habang umiiyak ako. Umalis pa yung doctor na naglilinis sakin kasi naiiyak daw siya sakin. Pag tapos hilamusan si Dwayne sabi ko “Doc pwede po bang hawakan anak ko kahit sagli lang?” Sabi niya wag na baka mabinat ka pa kakaiyak.”
“Di ko man lang nayakap o nahalikan yung anak ko yun yung masakit,” dagdag niya.
Hindi dapat binabalewala ang mga sintomas na nararamdaman ng ina
Ayon kay Angelica, hinding-hindi raw dapat balewalain ng mga ina ang kanilang mga sintomas na nararamdaman kapag nagbubuntis. Aniya, siya raw ang tipo ng tao na hindi agad nagsasabi kapag may nararamdaman siyang sakit. Kaya’t posible raw na naramdaman na niya ang kaniyang nabutas na panubigan, ngunit hindi niya ito binigyan ng pansin.
Payo ni Angelica, “Sana maging aware yung mga magiging nanay na makakabasa neto. Pag may lumalabas na iniisip niyo na white blood lang kasi konti lang magtanong or better ask your OB.
“Sa mga future dads, pag may nararamdaman partner niyo wag niyo dedmahin mas okay na maging sigurado para din naman sa baby niyo.”
Mahalaga para sa mga ina na maging napakaingat, at huwag balewalain ang mga kakaibang nararamdaman kapag sila ay nagbubuntis. Mahalagang alamin ng mga ina ang kanilang katawan, at huwag mag-atubiling pumunta agad sa doktor kung sakaling mayroon silang hinala.
Basahin: Stillborn risk increases after emergency C-section
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!