Mga sintomas ng pulmonya sa baby na dapat bantayan

lead image

Hindi dapat balewalain ang ubong tumatagal nang mahigit sa dalawang araw. Baka ito na ang sintomas ng pulmonya na isa sa nakamamatay na sakit sa mundo.

Ang pulmonya ang isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol sa Pilipinas. Mabuti na lamang at maaari itong agapan at gamutin.

Kaya naman mahalagang malaman ng mga magulang kung paano ito maiiwasan, pati na ang mga sintomas ng pulmonya sa baby upang maiwasan ang anumang kumplikasyon na maaari nitong idulot.

Ano ang pulmonya?

Ang pulmonya ay isang impeksyon sa baga, partikular sa isa o parehong air sacs. Ang mga air sacs na ito ay napupuno ng nana na nagiging sanhi ng mga sumusunod na sintomas: lagnat, hirap sa paghinga at panginginig.

Sintomas ng Pulmonya sa Baby

  • hirap sa pag-hinga
  • lagnat na nasa 38.5C o mas mababa
  • hindi komportableng pakiramdam
  • mga sintomas na kahalintulad sa trangkaso, gaya ng masakit na lalamunan, panginginig at sakit ng ulo
  • tuyo at madalas na pag-ubo
  • mabilis na paghinga na may matinis na tunog
  • pananakit ng tiyan
  • pananakit ng dibdib
  • panginginig
  • pagsusuka
  • uhog na may halong dugo o kaya ay maberde o makalawang ang kulay
  • hirap sa pagkain (sa mga sanggol) o kawalan ng ganang kumain (sa mga bata)

Ang mga sintomas ng pulmonya ay depende sa kung anong bahagi ng baga ang naapektuhan. Ang impeksyon sa may gitna o mababang bahagi ng baga ay maaaring maging sanhi ng hirap sa paghinga; samantalang ang impeksyon naman sa itaas na bahagi ng baga ay maaaring maging sanhi ng pagsusuka, pagkahilo o pananakit ng tiyan.

Mga sanhi

Ang pulmonya ay maaaring sanhi ng fungus, virus o parasitiko.

Sa mga bacteria, ang organismong nagiging sanhi ng pulmonya ay ang streptococcus at mycoplasma (isang magaang na klase ng pulmonya na tinatawag ding “naglalakad na pulmonya”).

Sa mga virus naman, ang influenza at respiratory syncytial virus (RSV) naman ang sanhi.

Para sa mga sanggol na may mahinang immune system, maaaring maging sanhi ng pulmonya ang mga organismong tulad ng pneumocystis jiroveci. Ito ang klase ng organismong nagiging sanhi ng madalas na pag-atake ng pulmonya sa mga taong may HIV. Kaya naman maaaring irekomenda ng doktor ang sumailalim muna sa HIV test.

Paghawa

Ang isang sanggol o bata ay maaaring dapuan ng pulmonya sa pamamagitan ng:

  • paghinga ng hangin na may bacteria na maaaring magdala ng pulmonya*.
  • pagkakaroon ng impeksyon sa itaas na bahagi ng baga tulad ng ubo o trangkaso.
  • pagkakaroon ng komplikasyon na dala ng ibang sakit gaya ng tigdas o bulutong.
  • paglanghap ng gastric juice at pagkain na galing sa tiyan o pagluwal nito papunta sa baga. Madalas itong mangyari tuwing may seizure o stroke.

*Tandaan: Ang ilong ng tao ay maaaring pamugaran ng virus o bacteria na nagdudulot ng pulmonya, kahit na sa isang malusog na tao pa. Kapag ang mga ito ay kumalat sa baga, maaaring magkaroon ng pulmonya. Mas madalas mangyari ito habang o pagkatapos magkaroon ng sipon o iba pang sakit tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD).

Ang pulmonya ay maaaring community-associated (maaaring kumalat sa mga lugar tulad ng eskwelahan) o healthcare-associated (maaaring kumalat sa mga lugar tulad ng ospital). Maraming klase ng paraan ng paggamot ng pulmonya, at para sa lathalang ito, ang pokus ay sa community-associated na pulmonya dahil malaki ang tiyansa ng mga bata na dapuan ng pulmonya sa eskwelahan.

Mga Panganib

  • Mahinang immune system – mga taong may HIV o AIDS, mga sumasailalim sa chemotherapy at steroid at mga sumailalim sa isang organ transplant.
  • Mga may sakit tulad ng sakit sa puso, asthma at chronic obstructive pulmonary disease (COPD)
  • Edad – ang pulmonya ay madaling dumapo sa mga sanggol, sa mga bata at mga taong nasa edad 65 pataas. Sila ang mga taong may mahinang immune system o may iniindang karamdaman.
  • Pagkaka-ospital – mga taong nasa intensive care unit, lalo na ang mga naka-ventilator.
sintomas ng pulmonya sa baby

Ang mga taong may mahinang immune system, gaya ng mga sanggol, ang kadalasang dinadapuan ng pulmonya. | Image source: File photo

Mga kumplikasyon

  • Hirap sa paghinga – Ang mga malalang kaso ng pulmonya ay maaaring magdulot ng hirap sa pagsagap ng oxygen. Sa mga ganitong kaso, kinakailangang magpa-ospital ng bata at sumailalim sa isang ventilator.
  • Pamamaga ng baga dala ng nana na nasa lung cavity. Tinatanggal ito gamit ang antibiotics, pagpapatuyo o ng operasyon na gumagamit ng mahabang tubo o karayom.
  • Pagkakaroon ng bacteremia o bacteria sa daluyan ng dugo. Ang bacteria na ito ay maaaring kumalat sa baga, at maaaring maging sanhi ng organ failure.
  • Pleural effuision o ang pag-ipon ng likido sa palibot ng baga. Kailangan itong tanggalin agad upang maiwasan ang impeksyon.

Kailan dapat tumawag ng doktor

Isa sa mga sintomas ng pulmonya sa baby at mga bata ay ang lagnat. Itala ang temperatura ng bata sa umaga at sa gabi. Kapag ang lagnat ay umakyat ng higit pa sa 38.9 C (sa mga sanggol na edad anim na buwan pataas at mga bata) o 38 C (sa mga sanggol edad limang buwan pababa), tumawag na ng doktor.

Mga Tests at Diagnosis

Maaari lamang ma-diagnose ng pulmonya kapag nakitaan ng sintomas nito. Isasailalim muna ng doktor sa isang physical examination ang pasyente, kung saan pakikinggan niya ang paghinga ng bata kung mayroon itong paghalak na tunog — isa sa mga sintomas ng pulmonya.

Ang iba pang mga test na maaaring isagawa ay ang mga sumusunod: X-ray sa dibdib, test sa dugo, sputum test (kung saan susuriin ang sputum o ang likidong galing sa baga) at pulse oximetry (kung saan susuriin ang dami ng oxygen sa dugo).

May mga karagdagang mga test na maaaring isagawa sa mga nakatatandang mga pasyente o sa mga pasyenteng may malalang kalagayan tulad ng CT scan sa dibdib at pleural fluid culture (upang madetermina ang klase ng impeksyon na mayroon ang isang pasyente).

Paglunas at Mga Gamot

Maaaring mapatay ang bacteria na sanhi ng pulmonya gamit ang antibiotics na iinumin nang ayon sa iskedyul na nasa reseta ng doktor.

Ang iba pang mga gamot na maaaring makatulong na maibsan ang mga sintomas ng pulmonya ay ang sumusunod:

  • gamot sa ubo na maaaring magpaluwag ng mga likido sa baga
  • antipyretics o mga gamot na maaaring magpababa ng lagnat tulad ng ibuprofen o acetaminophen. Iwasang magbigay ng aspirin dahil maaari itong maging sanhi ng Reye’s syndrome.

Maaaring ma-confine sa ospital ang isang bata kapag siya ay:

  • wala pang dalawang buwan
  • hirap huminga
  • mukhang dehydrated o kulang sa tubig
  • mukhang masyadong masaya
  • mababa ang oxygen level
  • may temperatura na mas mababa kaysa sa kinasanayan.

Mga panlunas na maaaring gawin sa bahay

Kapag ang mga sintomas ng pulmonya ay hindi gaanong malala tulad ng “walking pneumonia,” maaaring makaramdam ng ginhawa ang ilang bata at makapasok pa sa paaralan. Gayunpaman, mas mabuting huwag na munang papasukin sa eskwela ang inyong anak at hayaang makapag-pahinga.

Narito ang mga maaaring gawin sa bahay:

  • Pakainin ng mga pagkaing may sabaw tulad ng nilaga o molo upang mahugasan ang toxin sa katawan.
  • Maglagay ng warm compress sa dibdib ng bata kung ito ay nakakaramdam ng pananakit ng dibdib.
  • Siguraduhin na nasusunod sa oras ng pag-inom ng gamot ang bata.

Paano maiiwasan ang Pulmonya

Mas mababa ang tiyansa na mahawa ang iba pang kasama sa loob ng bahay kapag nabigyan na ng antibiotics ang batang may pulmonya. Gayunpaman, kailangan pa ring gawin ang mga sumusunod:

  • Maghugas ng kamay nang madalas at wasto (sundin ang 20-second rule).
  • Iwasan ang paggamit ng baso, plato, at kubyertos ng batang may pulmonya.
  • Siguraduhing updated ang inyong mga bakuna upang maiwasan ang iba pang impeksyon.
  • Palakasin ang immune system ng bata sa pamamagitan ng sapat na tulog, exercise at tamang pagkain.

 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz

BASAHIN: Inuubo si Baby, alam mo ba ang gagawin?

Like us on Facebook and follow us on Google+ to stay up-to-date on the latest from theAsianparent.com Philippines!

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!