7 tips para gumaling ang sipon

lead image

Para sa mas mabilis na paggaling, narito ang mga paraan kung paano gumaling sa sipon na maaring gawin sa iyong tahanan.

Paano gumaling sa sipon? Iyan ang tanong ng marami sa atin lalo na ngayong napaka-lamig ng panahon.

Bagamat hindi naman ito malalang uri ng sakit, ang pagkakaroon ng sipon ay nakakapagdulot parin ng hirap at iritasyon sa mga taong mayroon nito.

Ano ang sipon?

Ang sipon ay dala ng isang virus na umaatake sa ilong at lalamunan o sa ating upper respiratory tract. Ilan sa sintomas ng sipon ay ang mga sumusunod na maaring maranasan ng pito hanggang sampung araw:

  • Runny o stuffy nose
  • Sore throat
  • Ubo
  • Congestion o hirap sa paghinga
  • Sakit ng ulo o katawan
  • Sneezing o pagbahing
  • Mababang lagnat o sinat

Ayon sa Mayo Clinic ay wala naman talagang gamot para sa sipon ngunit may mga paraang puwedeng gawin para gumaling mula dito at maka-recover ng mabilis.

Paano gumaling sa sipon

Photo: Pexels

7 paraan paano gumaling sa sipon at maka-iwas dito

1. Alagaan ang iyong sarili

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagiging active ay makakatulong para makaiwas sa mga respiratory infections. Dagdag pa rito ang hindi paninigarilyo, hindi madalas na pag-inom ng alak at pagkakaroon ng healthy diet na mga paraan din para makaiwas mula rito.

Ayon naman kau Dr. Peter Barlow, associate professor mula sa Edinburgh Napier University, ang mga activities na nagpapalakas ng ating immune system gaya ng pag-e-exercise, pagkain ng tama at masustansiya ay mga paraan naman para mabilis na gumaling at makarecover mula sa isang sipon.

2. Kumuha ng sapat na tulog

Ang pagkuha ng sapat na tulog ay napakaimportante hindi lamang para gumaling mula sa sipon kundi pati narin sa ating kalusugan sa kabuuan, ayon iyan kay Prof. Aric Parther mula sa University of California, San Francisco. Patunay nga rito ang isang pag-aaral na isinagawa ni Prof. Parther at ng kaniyang mga kasama noong 2013.

Sa pag-aaral na kanilang ginawa ay tinarack nila ang pagtulog at sleep diaries ng 164 na tao matapos ma-exposed sa common cold at ma-quarantine sa isang hotel. Dito napag-alaman nila na ang mga taong nakakuha ng tulog na mababa sa anim na oras ay mas madaling magkasipon kumpara sa mga natutulog ng pitong oras mahigit.

Ang pagtulog o pagpapahinga rin ay isang paraan upang matulungan ang iyong katawan na labanan ang virus na nagdudulot ng sipon.

3. Maghugas ng kamay

Dagdag naman ni Dr.Peter Barlow, mayroong 160 na uri ng rhinovirus na dahilan ng pagkakaroon ng sipon. Isang paraan para makaiwas sa virus na ito ay ang regular na paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon. Ang pag-iwas din sa paghawak sa ilong, mata at kamay na may maduming kamay ay makakatulong rin pati ang paglayo sa mga taong may sakit o nagtataglay nito.

4. Umiwas sa mga bata

Ayon kay Prof. Mieke van Driel, head ng primary care and general practice sa University of Queensland, ang mga bata daw ay nagkakaroon ng sipon ng mas maraming beses sa loob ng isang taon kumpara sa mga matatanda. Ito ay dahil sa mahina pa nilang immune system. At ang mga magulang daw ng mga maliliit na bata ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng sipon kumpara sa mga taong hindi masyadong nakikipaghalubilo sa mga bata.

5. Kung may sakit, umiwas na mahawaan ang iba

Para hindi na mas kumalat ang virus, mas mabuting lumayo muna o umiwas sa ibang tao habang mayroong sipon lalo na kung ito ay sinasabayan ng madalas na pag-ubo at pag-atsing, dagdag iyan na Prof. Van Driel.

6. Gamutin ang sipon sa natural na paraan.

Sa isang pag-aaral na ginawa ni Prof.Van Driel at ng kaniyang mga kasamahan para matukoy kung ano ang mga puwedeng gawin para gumaling mula sa sipon, lumabas na ang mga decongestants, painkillers at anti-histamines ay nakakatulong lang para pagalingin ang sipon sa matatanda.

Samantala, para sa mga bata, mas nakakatulong ang nasal irrigation o ang paggamit ng saline solution para lumuwag ang kanilang paghinga.

Ang paggamit naman ng vitamin C at Echinacea ay lumabas na may mababang tiyansa para magpagaling ng sipon dagdag pa sa ito ay mahal.

Ang pag-inom daw ng hot liquids gaya ng hot tea o lemon na may kaunting honey ay mas makakatulong pa kesa sa pag-inom ng mga over-the-counter na mga gamot. Isang gamot na dapat iwasang inumin pag may sipon ay ang antibiotics na hindi daw makakatulong para gumaling mula rito, ayon parin iyan kay Prof.Van Driel.

Ang pagmumog naman ng maligamgam na tubig na may asin ay makakatulong para gumaling ang sore throat.

Para naman lumuwag ang paghinga, ang paglalagay ng humidier sa kwarto at ang paliligo sa hot shower na nakasara ang pinto upang malanghap ang mainit na singaw ng tubig ay magandang paraan rin.

Ang pag-inom rin ng maraming fluids gaya ng tubig o juice ay makakatulong para lumuwag ang pahinga at makaiwas sa dehydration. Iwasan naman ang mga alcohol, kape at caffeinated sodas na maaring magpalala ng dehydration.

Ipinapayo rin ang madalas na pagsinga ng sipon para mabilis na gumaling mula rito. Ingatan lang na masobrahan ang pagsinga na maaring makapagdulot ng earache o pananakit sa tenga.

Ang pinakamagandang paraan ng pagsinga, ay ang pagdiin ng daliri sa isang nostril habang dahan-dahang sumisinga sa isang butas ng ilong. Importanteng huwag kalimutang maghugas ng kamay matapos suminga upang hindi na kumalat ang virus at makahawa ng iba.

7. Magtiwala sa iyong katawan.

Ayon parin kay Prof.Van Driel, ang immune system ng isang malusog na tao ay kayang labanan ang sipon at iba pang viruses. Kailangaw daw ay magkaroon tayo ng tiwala sa ating katawan na kayang-kayang labanan ang mga virus na ito tulad nalang ng sipon kahit wala tayong ginagawa.

 

Sources: Mayo Clinic, WebMD, The Guardian

Basahin: Mga ligtas na gamot sa ubo at sipon ng buntis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner