Gabay sa tamang pag-gamit ng pregnancy test kit

lead image

Paano gumamit ng pregnancy test? Alamin kung paano ito gamitin, mga myth sa pag-gamit nito, at iba pang gabay para malamang kung ika'y nagdadalang-tao.

Sa kabila ng modernong panahon, marami pa ring mga kababaihan na nag-aatubiling gumamit ng home pregnancy test kit para malaman kung sila ba ay nagdadalang-tao o hindi. Paano gumamit ng pregnancy test? Gaano ito ka-epektibo sa pag-detect kung buntis nga ba ang isang babae?

Home pregnancy test

Ang home pregnancy test ay ang pinakamadaling paraan upang malaman kung positibo o negatibo ang hinihinalang pagbubuntis. Malalaman ito pamamagitan ng hormone na kung tawagin ay human chorionic gonadotropin o hCG, na makukuha lamang mula sa ihi ng babaeng buntis.

Bago gumamit ng pregnancy test na mabibili sa drug stores, importanteng basahing mabuti ang mga nakasulat sa pregnancy test kit. Bagamat halos magkakapareho ang pagkakagawa ng mga ganitong produkto, mabuti pa rin na sundin ang steps na sinabi ng manufacturer ng pregnancy test kit.

Minsan ay nagkakaiba ang pregnancy test kits sa paraan ng pagkuha ng ihi, kung gaano katagal dapat mababad sa kit ang ihi, at ang simbolong lumalabas para sa resulta.

Maging pamilyar sa simbolo ng resulta na gamit sa pregnancy test kit para hindi malito kung ikaw ay buntis o hindi.

Mainam na gumamit ng pregnancy test kit pagkagising sa umaga dahil mas mataas ang konsentrasyon ng hCG na nasa ihi.

Paano gumamit ng pregnancy test?

Sa pagsasagawa ng pregnancy test, umupo sa toilet at umihi sa pregnancy test stick o kaya kolektahin muna ito sa isang maliit at malinis na plastic cup depende sa panutong nakalagay sa kit.

Kunin ang gitnang ihi o midstream ng ihi, ibig sabihin ay umihi ka muna nang kaunti bago kunin ang sample ng ihi para sa pregnancy test. Kung kailangang direktang umihi sa pregnancy test stick, siguraduhing sundin ang mungkahing oras ng manufacturer.

Kung kinolekta naman muna ang ihi sa isang plastic cup, gumamit ng dropper para ilagay ang sample ng ihi sa pregnancy test stick. Muli, sunding mabuti ang steps na nakalagay sa pregnancy test kit.

Hintayin ang oras na sinasabi sa pregnancy kit. Kadalasang tumatagal mula isa hanggang limang minuto ang paghihintay bago lumabas ang resulta, depende sa pregnancy test kit na gamit.

Kapag oras na, tingnan ang simbolong lalabas sa result window ng pregnancy test stick. Pagkatapos ay tingnan sa pregnancy test kit ang ibig sabihin ng simbolong lumabas sa resulta para malaman kung buntis o hindi.

Karamihan ng pregnancy test kit ay gumagamit ng mga pulang linya bilang simbolo—isa kung negatibo, dalawa naman kung positibo.

May pagkakataong dalawa linya ang lumalabas ngunit malabo. Maaari pa rin itong ituring na positibo dahil nahantad nito ang mga kemikal na pregnancy test kit sa hCG na nasa sample ng ihi. Maaaring mag-test ulit makalipas ng ilang araw para makumpirma. Mainam rin na kumonsulta sa iyong OB-GYN.

IMG 6568 300x300 Gabay sa tamang pag gamit ng pregnancy test kit

Makikita sa pregnancy test na ito na tila may dalawang linya. Dahil malabo pa ito, mag-test ulit makalipas ang ilang araw para masigurong positibo ang resulta.

Kung negatibo ang resulta, maghintay ng isang linggo. Muling gumamit ng pregnancy test kung hindi pa rin datnan ng regla. Kung sakaling negatibo pa rin, mainam na kumonsulta sa doktor para masiguro ang posibleng dahilan ng hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw.

Tandaan: huwag nang basahin ang pregnancy test matapos ang inirekumindang oras. Habang tumatagal kasi nagkakaroon minsan ng linya dahil sa natuyong ihi. Mas accurate ang resulta kapag tinignan ito sa loob ng ilang minuto matapos kunin ang test.

317086 10150295335622794 949525608 n Gabay sa tamang pag gamit ng pregnancy test kit

Makikita rito kung gaano nagiging mas malinaw ang pangalawang linya sa bawat araw na nagte-test matapos ang missed period.

Marami pa rin sa mga kababaihan, lalo na ng mga kabataan, ang walang ideya kung paano gumamit ng pregnancy test hanggang ngayon. Dahil dito, may ilang mga maling akala tungkol sa mga at-home pregnancy test ang patuloy pa ring usap-usapan sa mga kababaihan.

Na-interview ng Fox News Health si Dr. Mary Jane Minkin, isang clinical professor of obstetrics and gynecology sa Yale University School of Medicine.

Ayon kay Dr. Minkin, may apat na madalas na misconceptions tungkol sa pregnancy test.

MYTH: Madaling malaman agad kung potisitibo ang pagbunbuntis kung gagamit ng at-home pregnancy test.

Madalas na accurate ang resulta kung gumamit pregnancy test ngunit hindi ito agad-agad na malalaman.

Ayon kay Dr. Minkin, madalas ay umaabot ng limang araw o higit pa para mapunta ang isang fertilized egg sa uterus. Kasunod nito ay ang pag-uumpisa ng produksyon ng hCG, isang uri ng hormone na lumalabas kasunod ng egg fertilization at dumikit sa uterus.

“Kung ikaw ay nakipag-sex at gumamit ng pregnancy test matapos ang ilang araw, maaaring maging negatibo ang resulta nito. Ngunit hindi ibig sabihin na hindi ito tama o hindi ka buntis. Maaaring masyado lang maaga ang paggamit ng pregnancy test.”

Mas mainam na gumamit ng pregnancy test isang linggo matapos ang missed period para mas accurate ang resulta nito.

MYTH: Walang anumang makakaapekto sa resulta ng at-home pregnancy test.

Totoo na ang ehersisyo, pagkain, stress, at lifestyle ay hindi nakaaapekto sa produksyon ng katawan ng hCG kapag implanted na ang isang fertilized egg.

“Pero may ilang fertility treatments ang naglalaman ng hCG, na maaaring madulot ng isang false positive result,” sabi ni Dr. Minkin.

Ang at-home tests ay nagme-measure lamang ng present hormone, hindi ang eksaktong levels ng naturang hormone. Kung umiinom ng fertility medicines, mas mabuti na kumonsulta sa doktor para siguraduhin ang pagbubuntis.

MYTH: Hindi kailangang gumastos nang malaki—maraming mura at natural na paraan para gumamit ng pregnancy test.

Bagamat may ilang mga tinatawag na DIY pregnancy test sa internet, madalas ay hindi naman ito accurate.

“Bukod sa hCG, wala nang iba pang sine-secrete ang ating katawan mula sa ihi na magkapagbibigay ng clue kung ikaw ay nagdadalang-tao,” sabi ni Dr. Minkin. “Kaya kung hindi mine-measure ng test ang hCG, at walang iba pang natural na paraan, wala itong anumang mapapatunayan tungkol sa pagbubuntis.”

Para maging totoo ang resulta, mas mabuti na gumastos nang kaunti kaysa gumamit ng hindi safe na tinawag na “holistic” methods.

MYTH: Sa pamamagitan ng ilang makabagong urine tests, malalaman na rin ang magiging gender ng baby.

Nakasasabik isipin na sa mga unang stage pa lang pagbubuntis ay malalaman na agad ang kasarian ng baby. Ngunit ang paggamit ng urine test ay walang kasiguraduhan na mapre-predict agad ang sex ng baby, isa lamang itong gimmick.

“Walang sex hormones sa ihi” at “pareho lang level ng hCG na mabubuo lalaki man o babae ang magiging anak. Kaya ang paggamit ng urine test ay hindi paraan para malaman ang magiging kasarian ng baby,” sabi ni Dr. Minkin.

Kung talagang nais malaman ang magiging kasarian ng baby, mas mabuti na magpa-ultrasound. Ito lamang ang tiyak na paraan para malaman ang gender ng baby. Ang ultrasound ay madalas na ginagawa mula week 16 hanggang 20 ng pagbubuntis.

 

SOURCE: https://ph.theasianparent.com/biggest-myths-about