Iba't ibang uri ng family planning method at gaano ka-epektibo ang mga ito

Narito rin ang ipinapayong contraceptive method para sa mga babaeng nagpapasuso at may hypertension.

Paano hindi mabuntis? Narito ang mga epektibong paraan na maaaring subukan o ikonsidera ng mga magka-partner ayon sa isang doktor.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Kaalaman patungkol sa family planning
  • Mga uri ng family planning

Mga epektibong paraan kung paano hindi mabuntis

Pagdating sa pagbubuntis, laging ipinapaala ng mga health authority at expert na dapat ito’y planado o napaghandaan ng taong magkarelasyon. Sapagkat ito’y ang simula ng pagkakaroon ng isang napakalaking responsibilidad na kung saan may isang buhay silang dapat pangalagaan at bigyan ng gabay. Kaya payo ng mga eksperto kung hindi pa handa ang isang magkarelasyon o mag-asawa sa responsibilidad na ito, mabuting mag-family planning muna sila. Ganoon din ang mga mag-asawang mayroon ng mga anak at nagnanais na ito’y hindi na masundan pa.

Ano ang family planning?

Paano hindi mabuntis

Image from Pexels

Ayon sa Department of Health, ang family planning ay ang pagkakaroon ng bilang ng mga anak kung kailangan gusto at handa na ang isang pamilya. Tumutukoy ito sa paggamit ng ligtas at epektibong paraan para maiwasan ang hindi inaasahang pagdadalang-tao ng isang babae. Pagkakaroon din ito ng tamang proper birth spacing o ang agwat ng mga edad ng mga anak, na dapat ay tatlo hanggang limang taon ang layo sa isa’t isa na makakabuti hindi lang para sa ina kundi pati na rin sa kaniyang anak at buong pamilya.

Para naman sa OB-Gyne na si Dr. Raul Quillamor, ang family planning ay tumutukoy rin sa pamamaraan kung saan nabibigyan ng impormasyon ang mga babae at lalaki tungkol sa pagbubuntis. Tumutugon din ito sa mga impormasyong kailangan ng mga couple na nagbabalak magbuntis at nakakaranas ng infertility.

May dalawang uri ng family planning method. Ito’y ang natural at modern family planning method na ginagamit ng maraming pamilyang Pilipino.

Natural family planning method

Ang natural family planning ay uri ng birth control method na kung saan hindi gumagamit ng pills o devices upang maiwasan ang pagbubuntis. Tinatawag din itong traditional family planning method na walang naidudulot na side effects sa mga gumagamit nito. Wala ring gastos rito. Bagama’t tumataas ang failure rate nito kung hindi tama ang pagsasagawa o paggamit ng mga naturang paraan.

Ang mga uri ng natural family planning method ay ang sumusunod:

Calendar o Rhythm method

Ang calendar o rhythm method ay natural na pamamaraan upang makaiwas sa hindi inaasahang pagbubuntis. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pag-estima ng fertility ng isang babae o ang pag-iingat at pag-iwas sa pakikipagtalik kung kalian fertile ang isang babae.

Ayon kay Dr. Quillamor, ang calendar method ay mas effective at ipinapayong gamitin ng mga babaeng may regular na regla dahil ang araw sa kalendaryo at bilang ng araw ng menstrual cycle ng isang babae ang susi sa pamamaraan na ito.

Paano hindi mabuntis

Calendar photo created by freepik – www.freepik.com 

Withdrawal method

Dagdag pa ni Dr. Quillamor, mas tumataas ang posibilidad na hindi mabuntis ang isang babae kung sasabayan ang calendar method ng withdrawal method. Subalit dapat ay parehong properly oriented ang couple na gagawa nito.

Sapagkat ang withdrawal method o tinatawag ding coitus interruptus o ang pagtanggal sa penis ng lalaki mula sa vagina bago ang ejaculation. Ito’y para hindi makapasok ang sperm o semilya ng lalaki sa loob ng vagina ng babae.

Ang family planning method na ito ‘y itinuturing na least effective sa lahat ng paraan kung paano hindi mabuntis. Sapagkat nangangailangan ng self-control at tamang timing upang maisagawa ito ng maayos. Mababa rin ang porsiyento ng effectivity nito dahil maaaring maglabas pa rin ng semilya ang isang lalaki bago ang ejaculation o pre-ejaculation. Ito ang paliwanag ni Dr. Quillamor.

“Ang problema sa withdrawal, ito ang pinaka-least effective na family planning method. Kasi minsan sa init ng sexual interaction, nakakalimutan ng lalaki na i-withdraw agad. Kasi may precum, ito ‘yung pinaka-concentrated portion ng seminal fluid na punong-puno ng sperm. Kahit isang patak lang milyon-milyong sperm ang taglay niyan. Kaya mataas ang posibilidad na magbuntis.”

Dagdag pa niya, isa pang problemang dulot nito’y nauunang mag-orgasm ang mga lalaki. Ang resulta nito, maaaring hindi na makapag-orgasm ang kaniyang misis na nagdudulot ng engorgement sa kaniyang uterus. Ito naman ang nagdudulot ng chronic pain na minsan ay inaakalang dulot ng urinary tract infection.

Breastfeeding

Isa pa sa sinasabing natural family planning method ay ang exclusive breastfeeding. Pero ayon kay Dr. Quillamor, para maging effective ito’y may tatlong criteria na dapat masunod ang isang babae:

  • Ang sanggol ay dapat 6 na taong gulang pababa pa lang.
  • Exclusively breastfed dapat si baby.
  • Hindi pa dapat dinadatnan o bumabalik ang regla ng babaeng bagong panganak.

Pero kung hindi nag-i-exclusive breastfeeding ang isang babae, ipinapayong siya ay gumamit ng iba pang contraceptive method matapos ang 6 na linggo ng siya ay makapanganak.

BASAHIN:

32 tips para mapadali ang labor at delivery from Pinoy moms

Birth Control Pills: Ang mga epekto kapag tumigil kang uminom nito

Anu-anong mga gamot ang nakakawala ng bisa ng birth control pills?

Modern family planning method

Paano hindi mabuntis

People photo created by jcomp – www.freepik.com 

Sa tulong ng siyensya at teknolohiya, mayroon ding mga modern family planning method o makabagong paraan kung paano hindi mabuntis. Ang mga ito’y ang sumusunod:

Condom

Isa sa mga modern family planning method na inirerekumendang gamitin ng mga health expert sa mga magkarelasyon, ang paggamit ng condom. Ipinapayong isuot ng mga lalaki sa kanilang ari bago magsimula ang penetration. Ginagawa ito upang mapigilan na mag-travel ang sperm papasok sa vagina na babae na maaaring magsimula ng pagbubuntis.

Ayon kay Dr. Quillamor, maliban sa nakakatulong itong maiwasan ang unplanned pregnancies, napoprotektahan din nito na magkaroon ng sexually transmitted disease ang mga magka-partner na nagtatalik. Pero dapat gamitin ito at i-store ng tama upang masiguro ang effectivity nito.

“Maganda rin and condom it also protects na woman from getting pregnant if properly used. Condom is only the contraceptive method na may protective effect against sexually transmitted disease like gonorrhea HIV and etc.”

“Pero kapag nilalagay sa wallet ang condom isinusuksok sa bulsa sa likod, mauupan magkakaron ng friction, ito ay masisira. Kailangan din it has to be inserted before the sexual contact.”

Ito ang mga paalala ni Dr. Quillamor sa tamang paggamit ng condom bilang paraan kung paano hindi mabuntis.

Pills

Isa pang modern family planning method na ginagamit ng maraming babae sa ngayon ay ang oral contraceptive pills. Ayon kay Dr. Quillamor, ito ay 99% effective kung tama ang paggamit at pare-parehong oras ang pag-inom. Isa ito sa pinakamabisang paraan ng family planning at ang ginagamit ng karamihang kababaihan.

May dalawang uri birth control pills. Una, ang progestin only pill at ang pangalawa ay ang combined oral contraceptive pill. Paliwanag ni Dr. Quillamor, ang progestin only pill ay ang ipinapayong inumin o gamitin ng mga inang nagpapasuso. Sapagkat ito’y hindi nakakaapekto sa kaniyang breastmilk supply. Hindi tulad ng combined oral contraceptive pill na maaaring makapagpahina o makapagpatigil ng supply ng gatas ng ina.

“Hindi lahat ng contraceptive methods lalo na ang mga oral contraceptive pills ay puwede sa kaniya. Kung gusto niyang ituloy ang breastfeeding may appropriate na contraceptive method para sa kaniya. Gaya ng pagbibigay ng progesterone only pill or progesterone only injectable. Ito ay binibigay sa mga nanay na nag-brebreastfeed para hindi tumigil ang produksyon ng kanilang breastmilk.”

“Kapag binigyan sila ng combination pill, titigil bigla ‘yung breastmilk production nila whether na-CS ang nanay o nag-normal delivery siya.”

Ito ang paliwanag pa ni Dr. Quillamor.

Ang progestin only pill rin ang inirerekumendang gamitin ng mga babaeng may hypertension. Sapagkat ang oral combination pills ay mas nagpapataas pa umano ng blood pressure ng isang babae na nakakapagpalala pa ng kaniyang kondisyon.

Implant

Isa pa sa modern family planning method na inirerekumenda ni Dr. Quillamor, ang paggamit ng implant. Ito’y isang maliit na tube na nilalagay sa braso ng isang babae. Nagre-release ito ng etonogestrel isang uri ng progesterone na nakakatulong para makaiwas sa pagbubuntis. Ang isang implant ay maaaring tumagal ang effectivity ng hanggang tatlong-taon na maaaring mag-dugo kung hindi maiingatan.

Sa oras naman daw na lumagpas sa tatlong taon at hindi naalis ang implant ay maaaring magkaroon ito ng tissue na magpapakapal rito na maaaring maging dahilan upang ito’y mahirap ng matanggal.

IUD o Intra-uterine device

Samantala ang isa sa uri ng birth control na may 99% at pinakamatagal na effectivity sa isang babae, ang IUD. Isa itong maliit na T-shaped metal na nilalagay sa uterus ng isang babae. Nilalagay ito upang hindi makapasok ang sperm sa loob ng vagina ng babae at maabot ang mga egg cells. Iniiwasan din nito na makabuo ang uterus ng lining na pagdidikitan ng isang fertilized egg.

Paliwanag ni Dr. Quillamor, may dalawang uri ng IUD. Ito’y ang ang progestin coated IUD na maaaring magtagal ng 3-5 taon. Habang ang copper coated IUD naman ay maaring magtagal ng 5 taon o higit pa. Puwede itong ilagay agad matapos ang panganganak basta may go signal ng isang duktor.

Injectable

Isa pang uri ng birth control method na ginagamit sa Pilipinas, ang injectable o Depo-Provera. Ang injectable ay nagtataglay ng progestin na itinuturok sa braso ng isang babae isang beses kada tatlong buwan.

Ipinapayo ring itong gamitin ng mga babaeng may hypertension. Sapagkat tulad ng progestin only pill ay hindi ito nakakaapekto sa kaniyang blood pressure.

Paglilinaw ni Dr. Quillamor, isa sa sinabing epekto ng mga babaeng gumagamit ng injectibles ay ang pagnipis ng lining ng kaniyang matris. Dahilan kung bakit sa katagalan ay hindi na nireregla ang mga babaeng gumagamit nito.

“Habang tumatagal ‘yung pagpa-inject mo ng progesterone ninipis ‘yung lining ng matris ng babae. So, kapag manipis ‘yung lining wala ka ng i-blebleed. Ito ‘yung isa sa beneficial effect ng injectable nawawala ‘yung regla na nagiging dahilan para maiwasan ng babae ang anemia, So, wala dapat ipag-alala at hindi rin totoo na ‘pag hindi nireregla ang babae ay lason sa katawan.”

Ito ang paliwanag ni Dr. Quillamor.

Emergency contraceptive pills

Isa pa sa mga modern family planning method na ginagamit sa ngayon ay ang emergency contraceptive pills o ecp. Ito ang pills na iniinom matapos ang pagtatalik. Sinasabing pinipigilan nito ang sperm na ma-fertilize ang egg ng isang babae upang hindi magsimula ang pagbubuntis. Pero paliwanag ni Dr. Quillamor ay dini-discourage niya ang paggamit nito. Dahil sa ito ay maraming side effects at hindi rin 100 percent na epektibo.

“May certain period of time lang na puwede mong inumin. Ang problema pa high dose estrogen ang emergency contraceptive pills. Masakit sa tiyan, masakit sa ulo. Kung hypertensive ka mas tataas pa ang blood pressure mo. Maraming side effects ito kaya naman dini-discourage namin ang ecp.”

Ito ang pahayag pa ni Dr. Quillamor.

Si Dr. Raul Quillamor ay isang OB-Gynecologist na presidente sa ngayon ng Academy of Medicine of the Philippines. Siya rin ay co -host sa programang Pinoy MD sa GMA.

Para sa iba pa niyang pahayag tungkol sa family planning ay narito ang aming buong panayam sa kaniya.

Source:

WHO

Photo:

People photo created by jcomp – www.freepik.com

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!