WHO: Panukala na magkaroon ng mandatory swimming lessons sa mga paaralan
Nais ng World Health Organization (WHO) na maging mandatory at bahagi ng curriculum ng K-12 ang pagtuturo sa bata kung paano lumangoy.
Nais ng World Health Organization (WHO) na magkaroon ng mandatory swimming lessons sa mga paaralan sa Pilipinas. Kasama narin dito ang lessons ng pagsagip sa nalulunod. Ayon sa WHO, mahalagang matutunan ng bata kung paano lumangoy bilang bahagi ng kanilang survival skills.
Pagkalunod
Ayon sa WHO, ang pagkalunod ang ikatlong pinaka malaking sanhi ng hindi inaasahang pagkamatay sa buong mundo. Pumapangalawa ito sa mga pamilya sa low-income hanggang middle-income na bansa.
Sa katunayan, makikita sa datos na nasa 322,000 sa buong mundo ang namatay dahil sa pagkakalunod. Hindi pa napapabilang dito ang nasa 66 bansa. Ibig nitong sabihin ay isa ang namamatay dahil dito kada 90 segundo.
Sa Pilipinas naman noong 2016, 3,202 ang naitalang namatay mula sa pagkakalunod.
Ayon kay Dr. Caroline Lukaszyk, consultant mula sa WHO, kanyang sinusuportahan ang pagkakaroon ng swimming lessons sa mga paaralan. Nais niyang matutunan ng mga kabataan kung paano lumangoy upang malabanan ang problema sa pagkalunod.
Ibang bansa
Sa Norway, ipinatutupad na ang ganitong sistema nuon pang 2015. Sa ilalim ng kanilang batas, bawat bata ay dapat makatanggap ng swimming lessons bago sila mag-grade 5. Pagtuntong ng grade 5 hanggang grade 10, mag-iiba na ito. Sila na ay tuturuan kung paano magligtas. Dito sila matututo ng mga life-saving techniques.
Sa Durban, South Africa, iba naman ang kanilang pamamalakad. Dito ay dapat laging may mga nagpa-patrol na lifeguard sa kanilang mga beach. Umaga man o gabi, hindi maaaring walang lifeguard na nagbabantay kung mayroong mga nalulunod. Gumagamit pa sila ng mga drones para mabantayan ang kinalalagyan ng mga tao sa mga beach.
Sa Bangladesh, tinuturuan na ang mga bata kung paano lumangoy. Ito ay matapos maitala na mayroon silang insidente ng 9 na nalulunod araw-araw. Ang mga bata ngayon ay tinuturuan nang lumangoy sa mga improvised na swimming pools.
Kakulangan ng swimming pools
Ayon ka Education Secretary Leonor Briones, napapabilang ang swimming sa sports na maaaring pag-enrollan ng mga estudyante. May ilang paaralan na nag-ooffer nito subalit, hindi lahat ay kailangan nito. Hindi lahat ng local government unit (LGU) ay mayroong pool dala narin ng kakulangan sa pondo ng DepEd para dito.
Ayon kay Briones, may ilang lugar din sa bansa ang hindi kailangan nito dahil ang paglangoy ang kasanayan sa lugar. Dapat ay pagpilian ang mga magkakaroon nito dahil narin sa kakulangan sa pasilidad.
May mungkahi naman si Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee sa basic education. Ayon sa kanya, maaaring makipag-collaborate ang mga LGU sa mga ahensya ng gobyerno, organisasyon at maging mga negosyante. Kanyang idinagdag na ang mga ganitong aktibidad ay maaaring isagawa tulad ng pagtuturo ng pagiging handa sa mga sakuna.
Source: ABS-CBN News
Photo by mutzii ii on Unsplash
Basahin: May panukala na isama ang pagbabasa ng Bible sa mga asignatura sa paaralan