Paano magpalaki ng isang athlete?
Sanayin ang mga bata sa murang edad, para malinang ang talino sa sports. Narito ang ilang pwedeng gawin para maging mahilig sa athletics ang anak.
Ang sports para sa mga batang 1 hanggang 4 na taong gulang ay umiikot sa pagdiskubre ng kung ano ang gusto nilang gawin at ano ang kaya nilang gawin ayon sa kakayahan nila. Ito ang edad ng pagpapatibay ng foundation para sa paglaki nila at para na rin magpalaki ng batang athletic.
Simulan ang pagsasanay sa kanila habang bata pa, ayon kina April Magdayao at Fatima Tatel, mga guro ng Kidville UAE, na nagtuturo ng iba’t ibang Gym classes sa mga babies at toddlers.
Ang mahalaga sa age at stage na ito ay ang mapagalaw sila at mag-ehersisyo nang masaya, at hindi napipililtan. Sabi ng mga Early childhood experts, ang general movement, exploration, at mga simpleng motor activities kasama na ang laro, ang dapat na maging key focus kapag nagtuturo ng sports sa mga bata.
Ang spesyalisasyon sa anumang partikular na sports ay saka na tututukan, kapag marunong nang magdesisyon at pumili ng gustong sports ang bata.
Paano ba magpalaki ng batang athletic?
Si Erik Erikson (1902-1994), isang developmental psychologist at psychoanalyst, ang nagsabing ang mga batang nasa 2 hanggang 4 na taong gulang ay nagsisimula nang magkaron ng increased muscular coordination at mobility. Dagdag pa dito ang kakayahan nilang maging assertive at gawin ang mga bagay nang walang tulong mula sa matatanda.
Ang pangunahing goal ngayon ay mahikayat silang maging independent, autonomous at self-sufficient para harapin ang mga problema sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkakataon na gawin ito. Ito rin ang unang hakbang na bitawan ang kamay ng anak at hayaan siyang gawin ang kaya niya.
Talinong Pisikal o Body smarts
Ang sports na pambata ay tungkol sa paglinang ng motor at critical thinking skills, habang tinuturuan silang masanay sa social interaction. Narito ang ilang pwedeng gawin:
-
Bigyan ang bata ng gawaing magagamit ang basic movements
tulad ng pagtutulak at paghila ng laruan, pagbato at pagsalo, climbing o pag-akyat, pagpapagulong ng bola, at pagkuha ng mga bagay na gumugulong o gumagalaw sa sahig. Gustung gusto ng mga bata ang pagbato at pagsalo, kahit na hindi pa nila talaga nasasalo at hindi pa pulido ang pag-asinta nila. Pati ang pagtakbo sa unahan o running race at paglalaro ng “tag” ay kinagigiliwan ng mga bata, kahit na 10 hanggang 15 minutes lamang.
-
Sabihin sa bata kung ano at paano gagawin ang isang bagay.
Bigyan ng one-step directions o instructions, kagaya ng “Tumakbo ka kay Daddy” o “I-shoot mo ang bola duon sa hoop.” Tumakbo, tumalon, mag-tumbling kasama ang iyong anak para ipakita sa kaniya kung paano gawin at kung gaano kasaya ang paggalaw. Kapag nararanasan at ginagawa, mas nagiging interesado ang bata sa paggalaw, kaysa kung sasabihin lang sa kaniya na “Gawin mo ‘yan” o “Maglaro ka ng sports.”
-
Manuod ng mga laro kasama siya.
Kahit wala pa siya sa edad para maintindihan ang isang laro tulad ng basketball o baseball, hindi ito dahilan para hindi na niya kagiliwan ang panonood nito. Manuod sa TV o dalhin siya sa mga laro, habang kumakain ng popcorn o hotdog, o anumang paborito niyang meryenda. Ang ganitong “ritwal” o gawain bilang mag-ama o mag-ina o buong pamilya ay matatandaan ng isang bata at magtatanim ng positibong pagkilala sa sports.
-
Iwasan muna ang pagtuturo ng salitang “kompetisyon” sa bokabularyo ng bata.
Ang “sports” para sa mga bata ay dapat lamang naka-focus sa paglalaro at masayang paggalaw at oras na kasama ang pamilya, at hindi binibigyang pansin ang pagkapanalo o pagkatalo. Importanteng matutong gumalaw at matutong sumunod sa mga panuntunan ng laro, hindi sa kung sino ang pinakamagaling o hindi marunong. Nakaka-turn off sa bata ang pagbibidahan kung sino ang mas magaling o pinakamarunong sumipa o tumakbo, o kung anu ano pang paggalaw. Huwag bigyan ng hindi kinakailangang pressure ang bata. Ayon kay Fakhera Aqeel, isang early childhood expert sa Abu Dhabi at UK, dapat iwasan ng mga magulang ang paglalagay sa mga batang paslit sa mga sitwasyon na mahigpit ang kompetisyon, sa simpleng dahilan na masyado pa silang bata para pukpukin na maging napakahusay sa isang sports o motor skill. Hindi ito ang edad at panahon ng mastery, at lalong hindi pa sila handa sa pagkapanalo at pagkatalo, kung titingnan ang aspetong emosyonal at intelektuwal ng edad na ito.
-
Hayaang sumubok ng iba’t ibang sports o laro ang bata.
Ayon kay Jean Côté, professor ng sports psychology sa Queen’s University, US, at may akda ng ilang libro tungkol dito, ito ang tinatawag na “Sampling Approach”. Ayon sa kanyang theory, ang mga bata ay dapat lang na sumubok maglaro ng iba’t ibang sports o gawaing pisikal, para matuto silang gamitin ang kanilang buong katawan, sa isang masaya at relaxed na sitwasyon. Ang tinatawag niyang “deliberate play” ay ang pagsasagawa ng larong pisikal, na sumusunod sa mga panuntunan ng paglalaro, nang hindi iniisip ang pagiging mahusay o pagiging “expert” dito. May skill development, at nililinang ang bata, ngunit hindi muna iniisip na maging susunod na Stephen Curry, Chris Tiu o Phil Younghusband, ang anak. Pagdating ng tamang edad, saka pa lamang aasahan na mag-focus sa mastery skills sa isang sport.
-
Hayaang pumili ang bata ng gusto niyang sports.
Sa ganitong paraan, magiging mas invested at motivated ang bata, dahil gusto niya ang ginagawa niya. Siya mismo ang magsasabing magpa-praktis siya o maglalaro, nang hindi pinipilit dahil nga may inner drive siya. Titibay din ang tiwala at tingin niya sa sarili dahil hinahayaan siyang mag-desisyon, kahit bata pa siya.
-
Maging cheerleader ng iyong anak.
Sino ba ang hindi gaganahan kung ang buong pamilya mo, lalo na si Nanay at Tatay ay buo ang suporta at walang sawang humihiyaw ng “Kaya mo yan, anak!” “Galingan mo!” at “Anak ko yan!” Huwag magtipid sa suporta at positive reinforcement dahil lahat ng batang nagtatangkang gumawa ng isang bagay na bago sa kaniya, o gustung gusto niyang gawin ay deserving naman talagang palakpakan. Ang mga batang atleta ay lalong lumalakas ang loob kapag may suporta ng kaniyang pamilya. Gugustuhin niyang gumaling at gawin ang isang bagay ng buong puso at kusa.
-
Hindi kailangang ipasok siya sa isang a sports clinic buong taon.
Huwag kalimutang pagpahingahin ang batang paslit. Walang kabutihang maidudulot ang pagod ng katawan. Free play pa rin ang magiging paborito at ang hahanap-hanapin. Basta’t may mga laruan sa paligid na pwede niyang malayang diskubrehin ang gamit—bola, kahon, hula hoop, monkey bars—sapat nang hayaan din siya paminsan-minsan na maglaro ng gusto niyang laro.
Tandaan na sa edad na 1 hanggang 4 na taon, ang goal ay makapili ng ligtas, age-appropriate at positibong sports activities para malinang ang motor skills at interes ng bata, na magagamit niya sa paglalaro ng seryosong sports paglaki niya.