Parents' Guide: Tamang pagtimpla ng gatas ng sanggol

lead image

Paano magtimpla ng gatas ng baby? Importanteng malinis at tama ang pagka-prepare nito. Narito ang tips sa tamang paraan ng pagtimpla ng gatas ni baby.

Paano magtimpla ng gatas ng baby? Kung iisipin, parang napakadali lamang ang sagot dito. Lagyan ng tubig ang formula at i-shake para mahalo—tapos na, di ba?

Bukod sa pagpili ng tamang gatas o formula para sa iyong baby, mahalaga ring malaman kung paano ito dapat timplahin. Hinahaluan ba ng tubig ang ready-to-use formula? Kailangan bang i-sterilize ang bote sa bawat gamit? Paano itatago ang natirang gatas?

Dahil gatas ng sanggol ang ating pinag-uusapan, may mga safety tips para sa tamang pagtimpla ng gatas upang masiguro na malinis at sapat ang pinapa-inom natin sa baby. Kapag hindi kasi malinis at safe ang milk ni baby, maaari siyang magkasakit dahil dito.

Kaya naman hindi dapat binabasta-basta ang tanong ng ilang magulang kung paano magtimpla ng gatas ng baby. Narito ang mga dapat gawin upang masiguradong tama ang paraan ng pagpapainom ng gatas sa iyong anak.

Mga tips kung paano magtimpla ng gatas ng baby

1. Laging i-check ang expiration date.

Sa pagbili pa lamang ng gatas, suriin na nang mabuti ang expiration o sell-by date na nakalagay sa lata o kahon. Kung lumampas na ito sa expiration date, huwag nang bilhin o gamitin.

2. Maghugas ng kamay.

Bago ihanda ang titimplahing gatas, ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Dapat ay tuyuin ding maigi ang mga kamay.

3. Linisin ang mga bote.

Napakahalaga na ma-sterilize ang feeding bottles, nipples, takip, at rings bago ito gamitin sa unang pagkakataon. Ang pinakamadaling paraan ay magpakulo muna ng tubig, saka idagdag ang mga bote at accessories at pakuluan sa loob ng limang minuto.

Maaari ring gumamit ng microwave steam sterilizer bag, o mga electric steam sterilizer na available na ngayon.

Siguraduhin lamang na laging mahugasang mabuti ang mga ito gamit ang sabon at tubig at patuyuin. Mas mainam kung magtatalaga ng hiwalay na sponge na para lamang sa mga bote at accessories ni baby.

Gumamit din ng bottle at nipple brushes upang malinis ang iba’t ibang sulok ng bote at nipples. Maaari ring gumamit ng dishwasher, kung dishwasher-safe ang mga bote at accessories.

4. Suriin ang gagamiting tubig.

Kung gagamit ng liquid-concentrate o powdered formula para kay baby, kinakailangan itong dagdagan ng tubig. Sundin ang directions sa lata o kahon kung gaano karaming tubig ang kailangan.

*Tandaan: huwag lalagyan ng mas madaming tubig kaysa sa recommended na sukat. Lubos itong nakakasama sa sanggol.

Tiyaking malinis ang tubig na gagamitin para sa gatas, galing man ito sa gripo o biniling nakabote. Kung tap water o galing sa gripo ang gagamitin, pakuluan itong mabuti sa loob ng isang minuto, at palamigin bago ihalo sa gatas.

Suriin din ang fluoride content ng tubig, mula man sa gripo o bottled water. Habang nakakatulong ang fluoride sa pag-iwas sa tooth decay, ang palagiang paggamit ng tubig na may fluoride sa tinitimplang gatas ay maaaring mag-increase ng tsansya ni baby na magkaroon ng fluorosis, kung saan lumalabas ang puting linya o streaks sa ipin ng bata.

Kausapin din ang pediatrician ni baby ukol sa fluoride na nasa tubig.

5. Alamin ang tamang sukat ng gatas o formula.

Kung gagamit ng powder formula, sundin ang instructions sa lata o kahon kung gaano karaming gatas ang kailangan. Gumamit ng measuring cup sa pagbuhos ng tubig sa bote ni baby. Gamit ang measuring spoon na kasama sa lata o kahon, isalin ang gatas sa bote. Ilagay ang nipple at cap sa bote, saka i-shake nang maigi.

Makakatulong kung magkaroon ng containers kung saan maaari nang ilagay ang pre-measured powder formula, upang kung oras na ng pagtitimpla ay madali na lamang isalin ito sa bote ni baby.

Para sa liquid-concentrate formula naman, i-shake munang mabuti ang liquid concentrate bago ito ihalo sa tubig. Lagyan ng tamang sukat ng tubig at bote, saka isalin ang nararapat na sukat ng gatas. Ilagay ang nipple at cap, saka i-shake nang maigi.

Kung ready-to-use formula ang ititimpla, i-shake muna ito nang mabuti. Isalin ang tamang sukat ng formula sa bote, at wag daragdagan ng tubig o iba pang uri ng liquid. Ilagay ang nipple at cap, saka i-shake muli nang maigi.

6. Maaaring painitin ang gatas kung kinakailangan.

Kadalasan ay ipinaiinom na kay baby ang gatas na nasa room temperature, samantalang ang iba ay nagpapainom din ng malamig na formula. Kung mas gusto ni baby na warm formula ang inumin, ilagay ang boteng may gatas sa bowl na may warm water sa loob ng ilang minuto.

*Tandaan na dapat ay maligamgam ang bote kapag hinawakan, hindi mainit.

Huwag initin ang bote gamit ang microwave oven, maaaring hindi pantay ang pagkainit ng gatas, at mapaso si baby kapag ininom ito.

7. Tamang storage para sa gatas.

Itapon na ang natirang formula sa bote kung lampas na ito ng isang oras matapos ang pagpapadede. Huwag nang ilagay sa ref ang bote na nagamit na ni baby, dahil ang bacteria mula sa bunganga ng iyong anak ay maaari pang kumalat sa ref.

Kung maghahanda ng liquid-concentrate o powdered formula in advance, ugaliing lagyan ng label ang bawat bote ng date kung kailan ito ginawa. Ilagay sa ref ang mga bote at ilabas kung kinakailangan. Itapon na ang formula na nasa loob ng ref nang higit sa 24 oras.

Kung gumagamit ng ready-to-use formula, takpan at ilagay sa ref ang natirang formula. Huwag nang gamitin ang natirang formula kung lampas 48 oras na ito sa ref.

Kung hindi naka-label ang bote o container ng formula at hindi sigurado kung kailan ito pinrepare, huwag na itong gamitin. Huwag ding ilagay sa freezer ang formula.

 

Source: Mayo Clinic

Basahin: Tips and tricks para mapahaba ang buhay ng gatas ni Nanay

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Written by

Romy Peña Cruz