Paano malalalaman kung buntis ang babaeng may irregular period?

lead image

Paano malalaman kung buntis ang babae na may irregular period? Paano malalaman kung missed period na ba o parte lamang ng irregular menstrual cycle? | Photo by Estée Janssens on Unsplash

Isa sa mga pangunahing pangarap ng mga mag-asawa ay ang magkaroon ng anak. Sa iba, madali lamang itong matupad kung walang problema ang parehong babae at lalaki para makabuo ng isang sanggol. Ngunit paano kung ang isa sa kanila ay may problema?

Halimbawa, ang isang babae ay may irregular na period. Dahil normal sa isang may irregular na regla ay hindi magkaroon nito sa loob ng isang buwan o mahigit pa, madalas ay nagiging isang maling pala-isipan ang pagbubuntis. Nagiging sanhi tuloy ito minsan ng pagkadismaya sa isang babaeng umaasa na hindi naman pala siya buntis. Paano malalaman kung delay ka o buntis na talaga? Narito ang isang gabay.

Sintomas ng irregular na regla

Karaniwang tumatagal ng 25 to 45 days ang kabuuan ng isang regular cycle. Sa loob ng menstrual period, makararanas ang babae ng 3 to 7 na araw ng pagdurugo.

Isa sa mga sa sintomas ng irregular na regla ang hindi pagkakatugma ng schedule cycle, minsan masyadong maaga nag-uumpisa ang menstrual period o masyado namang delayed. Maaari ring maging basehan ng pagkakaroon ng irregular na pagreregla ang dami ng dugo sa panahon ng pagreregla—may pagkakataon na sobrang dami ang daloy ng dugo, mayroon din naming kakaunti na parang spotting lang.

Madalas din sa mga babaeng may irregular na regla ang paglalaktaw ng panahon ng pagregla o skipped period. May pagkakataong umaabot sa halos tatlong buwan ang paglaktaw ng panahon ng pagregla. Minsan kasi ay naaapektuhan ng lifestyle, trabaho, at kahit ng panahon ang hormones ng isang babae kaya nag-iiba-iba ang menstrual period.

Gayunpaman, hindi dahil irregular ang pagreregla ay hindi na posibleng mabuntis ang isang babae.

Sintomas ng pagbubuntis

Kapag regular ang menstrual cycle ng isang babae, ang unang senyales ng pagbubuntis ay ang missed period o ang paglaktaw sa dapat sanang araw na magkakaroon ng regla. Ngunit paano nga kung irregular ang period at sadyang lumalaktaw ng araw bago magkaroon ng regla? Paano malalaman ang kaibahan ng normal na delay bunsod ng irregular period sa delay dahil buntis?

Narito ang ilang maagang senyales na buntis ang isang babaeng may irregular na regla:

1. Maaaring makaramdam ng breast tenderness o pagsakit ng suso kapag buntis ang babaeng may irregular na regla. May pagkakataon din na tila bumibigat o lumalaki ang dibdib. Kadalasan nagsisimula ito isa hanggang dalawang linggo matapos magtalik. Maaari rin mapansin na nagiging mas maitim ang areola.

2. Pagkaramdam ng matinding pagod at laging inaantok o tinatawag na fatigue. Puwedeng maranasan ito isang linggo matapos ang conception kaya iwasan ang pag-inom ng caffeine, na maaaring maging sanhi ng problema sa pagbubuntis.

3. Pagduduwal kadalasan sa umaga, maaari ring maramdaman ito sa kahit anong oras. Nagsisimula ito ng dalawang linggo matapos makabuo.

4. Matinding pagkatakam sa pagkain o ang kabaligtaran nito, ang pagkaumay sa mga pagkain dati namang kinakain.

5. Madalas na pag-ihi.

6. Maaaring magkaroon ng spotting o kaunting dugo ilang araw matapos magtalik. Ito ang tinatawag na implantation bleeding.

Tandaan na may mga ibang babae na nagkakaroon pa din ng bleeding kahit buntis kaya napagkakamalan itong regla, kaya importante na pakiramdaman ang sinasabi ng katawan. Obersabahan kung nakakaramdam ng mga sintomas na nabanggit sa itaas.

Sa oras na maramdaman ang mga sintomas na ito, gumamit ng at-home pregnancy test para alamin kung positibo ang pagbubuntis. Kapag negatibo ang resulta, subukan ulit mag-test matapos ang ilang araw.

Kung may pag-aalangan, kumonsulta sa doktor para sa mas tiyak na resulta.

 

Sources: ABS-CBN News, Buntis, WebMD, Menopause Symptoms, Very Well Family, WikiHow

Basahin:

Mga maagang palatandaan ng pagbubuntis

Senyales ng pagbubuntis 1 week hanggang 3 weeks