Paano malalaman kung buntis ka? Heto ang mga dapat mong tandaan!

lead image

Paano malalaman kung buntis ka? Anu-ano ba ang mga sintomas na dapat mong hanapin para makasigurado ka na ikaw ay nagdadalang-tao?

Bukod sa paggamit ng pregnancy test, paano malalaman kung buntis ka? Minsan, paiba iba ang mga nagiging sintomas para sa mga ina. Minsan naman, halos wala kang mapapansing pagbabago sa iyong sarili!

Pero kapag nalaman mo na ang mga iba’t-ibang sintomas at senyales ng pagbubuntis, siguradong kahit sa sarili mo, malalaman mo na kung ikaw ay nagdadalang-tao!

Paano malalaman kung buntis ka?

paano malalaman kung buntis

Source: flickr.com

Iba-iba ang nagiging sintomas ng pagbubuntis sa bawat babae. Minsan, may mga sintomas na nararanasan ang isang babae na hindi nararanasan ng iba. Minsan naman, may mga sintomas sa unang pagbubuntis na wala sa pangalawang pagbubuntis.

Mahalagang alamin ang mga senyales kung paano malalaman kung buntis ka. Bakit kamo? Dahil kapag alam mong ikaw ay buntis, mas maalagaan mo ang iyong sarili. Mas mapapadali rin ang paghahanda mo sa pagdadalang-tao.

Pero anu-ano nga ba ang sintomas ng pagbubuntis?

1. Spotting o cramping

Isang karaniwang sintomas ng pagdadalang-tao ay ang spotting o cramping kahit na matagal pa ang iyong regla. Ito ay tinatawag ring implantation bleeding.

Nangyayari ito kapag ang fetus ay kumabit na sa uterus. Madalas, hindi ito namamalayan ng mga babae dahil kaparehas nito ang mga menstrual cramps. Minsan, akala rin nila na ang spotting ay dahil sa nagsisimula na nilang period.

Bukod sa pagdurugo, makakakita ka rin ng maputing likido na manggagaling sa iyong vagina. Ibig sabihin nito, naghahanda na ang iyong katawan sa pagbubuntis.

2. Pagbabago sa iyong suso

Matapos mafertilize ang egg cell, madalas nakakaramdam ng tenderness at pananakit sa suso ang mga magiging ina. Dahil ito sa mga hormones na inihahanda ang katawan sa pagiging ina.

Madalas makakaramdam ka ng sakit sa iyong dibdib sa unang mga linggo ng pagbubuntis. Pero pagtagal ay masasanay na ang iyong katawan, at mawawala na ang sakit.

3. Matinding pagod

Isa rin ang fatigue o matinding pagod sa mga paraan kung paano malalaman kung buntis ka. Dahil ito sa maraming bagay, kasama na ang hormone na progesterone, pagbaba ng blood sugar sa katawan, pagbaba ng blood pressure, at pagdami ng dugo sa iyong katawan.

4. Hindi dumating na regla

Ito ang isa sa pinakamadaling malaman na sintomas ng pagbubuntis. Kapag hindi dumating ang iyong regla, malaki ang posibilidad na ikaw ay buntis.

Kapag hindi dumating ang iyong regla, mabuting kumuha ka na rin ng pregnancy test. Ito ay upang makasigurado ka na ikaw nga ay nagdadalang-tao, at hindi lang basta nadelay ang iyong buwanang dalaw.

5. Pagsusuka sa umaga

Ito rin ay tinatawag na morning sickness. Madalas itong makikitang sintomas ng mga nagbubuntis sa TV o kaya sa mga sine, pero sa totoo, hindi naman lahat ng babae ay nagkakaron nito.

Hindi pa rin alam kung bakit ito nangyayari, pero tingin ng mga eksperto na dahil ito sa pregnancy hormones. Minsan naman, nagiging mas sensitibo ang ilong ng mga ina sa matatapang na amoy. Kaya’t nagkakaroon sila ng pagkahilo at pagsusuka.

6. Iba pang sintomas

Bukod dito, mayroon pang ibang mga sintomas na kadalasang nararanasan ng mga nagdadalang-tao:

  • Madalas na pag-ihi
  • Constipation
  • Mood swings
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkahilo at pagkahimatay

Alin man sa mga sintomas na ito ay pwedeng maranasan ng isang nagbubuntis. Kaya’t mabuting alamin ang mga ito para malaman mo kung ikaw ba ay nagdadalang-tao.

Source: WebMD

 

Basahin: Senyales ng pagbubuntis 1 week hanggang 3 weeks