Bakit nagkakaroon ng paboritong anak ang mga magulang?

May paboritong anak ka ba? Ikaw ba ang paborito ng magulang mo? Alamin kung ano ang nagiging epekto ng favoritism sa relasyon ng magkakapamilya. | PHOTO: Shutterstock

Tuwing tatanungin ang mga magulang kung sino ang kanilang paboritong anak, karamihan ay sasagot na pantay-pantay ang pagmamahal sa mga ito. Wala namang duda na mahal ng mga magulang ang mga anak nila. Ngunit hindi rin maikakaila na may mga magulang na iba-iba ang turing sa kanilang mga anak.

Hindi naman ito mala-telenovela na may isa na laging naaapi. Hindi kasing madarama ang realidad. Sa pananaw lamang ng mga anak, mayroon lang talaga sa magkakapatid na nagiging paborito ng mga magulang—maging totoo man ito o pananaw lamang nila. May mga magulang lang talaga na tila mas pinapaboran ang isa kaysa sa iba.

Sa isang artikulo mula sa Psychology Today, ipinapaliwanag na hindi talaga maiiwasan ang favoritism. Ayon sa mga pag-aaral, mayroong tatlong kadahilanan para dito: ang posisyon sa pamilya, kasarian, at katangian na kapareha sa magulang.

 

Posisyon sa pamilya

Ipinapalagay na ang pagiging paborito sa isang anak dahil sa posisyon nito sa pamilya ay dahil sa likas na survival instinct ng magulang. Sa ebolusyon ng sangkatauhan, ang panganay ang nagiging "puhunan" ng pamilya. Siya ang inaasahan mag-padami ng lahi at mag-alaga sa mga magulang pagtanda ng mga ito.

Ang karaniwan na nangyayari, sa panganay napupunta ang mas maraming suporta upang magtagumpay ito. Sa kaniya rin napupunta ang atensyon dahil siya ang nauna. Nang ipanganak siya, wala pang kasiguruhan na masusundan siya kaya wala pa siyang kakumpetensya.

Sa kabilang banda naman, ang bunso ay maaari ring maging paborito mas lalo na kung may edad na ang mga magulang nito. Ang mga bunso raw kasi ang karaniwang natitira sa bahay matapos magkaroon na ng sariling buhay ang mga nakatatandang mga anak. Kaya naso-solo rin niya ang atensyon ng magulang.

Hindi naman maiiwasan na sa ganitong sitwasyon, nagiging dehado ang gitnang anak. Siya ang hindi gaanong nakakatanggap ng suporta at atensyon. Hindi rin siya masyadong interasado sa pakikitungo sa ibang miyembro ng pamilya.

Kasarian

Maraming natuklasan ang mga researchers sa relasyon ng kasarian at nang pagiging paboritong anak.

Kadalasan, nagiging paborito daw ng mga nanay ang panganay na anak na lalaki, habang ang mga tatay naman ay pinapaboran ang bunsong anak na babae.

Bagaman may pananaw ng pagkakaroon ng paboritong anak, sa huli't huli, mas nagiging close ang nanay sa mga anak niyang babae kaysa sa mga anak niyang lalaki. Ang simpleng paliwanag rito ay dahil pareho ng kasarian ang nanay at mga anak niyang babae. Pareho rin sila ng emotional sensitivity.

 

Katangian na minana sa magulang

Hindi lang ang pagkakapareho ng kasarian ang nakaka-impluwensiya sa pagkakaroon ng paboritong anak. Nagiging factor din ang pagkakapareha ng mga values at ng mga gusto sa buhay.

Sa Pilipinas, naging kasabihan na kung sino ang kamukha ng magulang, siya ang nagiging paborito.

 

Ibang dahilan

May mga ibang kaso naman na nagiging paboritong anak ang mga may kailangan ng extra tulong dahil sa sakit o karamdaman; o di kaya'y kung naging biktima ang bata ng krimen. Napupunta sa kanila ang atensyon hindi dahil pinili ng magulang ang mga ito kaysa sa ibang anak, kundi bunsod ng pangangailangan. Nakikita ng magulang na mas kinakailangan sila nito kaysa sa mga anak na may normal na pamumuhay.

 

Epekto sa mga anak

Maraming positibong epekto ang pagiging paboritong anak. Mas may kumpiyansa sila sa sarili at mas nakakakuha ng suporta (emosyonal at materyal) kaysa sa kaniyang mga kapatid. Mas nagiging malaya rin sila—na nagiging sanhi upang mas mabilis silang mag-mature at maging responsable.

Ang mga anak naman na nakakaramdam na hindi sila ang paboritong anak ay nagkakaroon ng mga negatibong epekto katulad ng depresyon, mababang self-esteem at hindi magandang relasyon sa kaniyang mga kapatid.

Nagkakaron din ng negatibong epekto sa relasyon ng magkakapamilya ang pagkakaroon ng "paboritong anak." Ito ang mga sumusunod:

  • Habang bata pa, nagtatanim ng poot sa isa't isa ang magkakapatid—paborito man o hindi.
  • Habang tumatanda, lumalayo ang loob ng magkakapatid sa isa't isa. Habang tumatagal, nagiging sanhi ito ng mas malaking problema sa relasyon ng magkakapatid.
  • Kapag matanda na sila, maaaring maiwasan ang mga pag-aaway ngunit mayroon pa ring epekto sa kanilang relasyon ang mga pinagdaanan nila nung sila'y bata pa.

Sibling Rivalry

Hindi lamang ang mga magulang ang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng paboritong anak. May mga sitwasyon rin na nagkakaroon ng pagkukompetensiya sa mga magkakapatid. Ito ang tinatawag na "sibling rivalry," kung saan nakikipagtagisan ang magkakapatid para sila ang maging paborito.

Ipinapalagay na nangyayari ito dahil sa natural na instinct ng survival of the fittest. Ang premyo para sa magkakapatid ay ang suporta ng mga magulang. Minsan nangyayari rin ito kung naghahanap ang mga anak ng atensyon sa kanilang nanay at tatay.

Paano maiiwasan

May mga magulang na sinusubukang maging pantay ang trato nila sa kanilang mga anak. Ngunit kahit ganito, meron at meron pa rin na mag-iisip na may paboritong anak. Ang pagkakaroon ng mabuti at mapagmahal na pamilya ay hindi nangangahulugan na walang magiging pag-aaway, walang kumpetisyon, o magiging patas ang atensyon.

Ang katotohan ay lahat tayo ay may kanya-kanyang pangangailangan, kakayahan, mga gusto at ayaw. Kinakailangan lang ng mga anak na maiparamdam sa kanila na sila ay espesyal at mahal ng kanilang magulang kahit ano pa man sila.

 

SOURCE: Psychology Today

 

May sibling rivalry ba sa inyong pamilya? Basahin ang mga puwede mong gawin upang mahinto ito.