Pag-amin ng isang misis: Nang mahiwalay ako sa asawa, naging kabit ako.

lead image

Matapos mahiwalay sa kaniyang asawa, isang misis ang nagkaroon ng relasyon sa isang lalaking may asawa. Alam niyang mali ang ginagawa nila pero hindi niya ito mahiwalayan. | Photo by Anthony Tran on Unsplash

Sa isang liham, ikinuwento ng isang misis ang kaniyang istorya kung paano siya nagkaroon ng relasyon sa isang lalaking may asawa. Basahin ang pag-amin ng isang kabit.

Matapos kaming maghiwalay ng mister ko, nakaramdam ako ng lungkot. Naging masakit ang paghihiwalay naming mag-asawa. Sa madaling salita, ako ang iniwan.

Nang lumipas ang anim na buwan, sinubukan kong mag-move-on. Sumali ako sa isang social networking site upang makakilala ng taong pareho ang mga interes katulad ko.

Nahanap ko siya dito. Nag-chat kami at nagpalitan ng email bago kami nagdesisyon na magkita para mag-kape. Nagustuhan namin agad ang isa't isa. Matalino siya. Magaling siyang makinig at tinatanong ang mga opinyon ko tungkol sa mga bagay.

Nang lumaon, napunta ang mga pag-uusap namin sa paksa ng sex. Nagtanungan kami kung ano na ang mga nagawa namin, kung ano ang mga gusto namin sa kama.

Nabanggit niya na may asawa na siya. Hindi ko kailan man ginusto na maging kabit... Pero gusto ko siya.

Kahit dati pa, na-e-enjoy ko ang sex. Ngunit hindi ko pa nasubukan na maging adventurous sa kama. Nang magsimula ang aming relasyon, doon ako nakahanap ng katapat ko pagdating sa pagtatalik. Pinag-uusapan namin kung ano ang mga gusto naming subukan at pag nagkita na kami, tinutupad namin ang aming mga pantasya. Naging higit sa sex ang ginagawa namin, kundi pag-explore sa isa't isa.

Sa ngayon, inaamin kong nag-e-enjoy ako sa relasyon namin. Alam kong kabit ako at ayoko na mapunta sa sitwasyong ito. Ngunit nakatagpo ako ng lalaking nagpapaligaya sa akin. Sa tingin ko, hindi pa namin kayang tumigil.

Paano itigil ang relasyon

Walang ano mang rason na makakapagpatama sa pakiki-apid sa taong may asawa. Ngunit kung ikaw ang nasa sitwasyong ito, minsan hindi mo nakikita na walang magandang maidudulot ang ganitong relasyon.

Narito ang ilan sa mga dapat mong pag-isipan, kung ikaw ang nasa ganitong posisyon:

1. Tignan ang kanilang ginagawa imbis na pakinggan ang kanilang sinasabi

Kadalasan, sasabihin ng lalaki na binabalak nilang iwan ang asawa nila o di kaya'y naghahanap pa sila ng tamang panahon para iwanan ang kanilang misis. Gusto mo man siyang paniwalaan, ang katotohanan ay malamang, ikaw ang iiwanan niya sa huli.

Madali na sabihin na iiwanan nila ang asawa nila, ngunit tignan ang kanilang mga ginagawa. Makikita mo na pinapaasa ka lang niya at tinutuloy lang ang relasyon habang madali pang kumawala.

2. Hindi mo nakikita ang kaniyang buong pagkatao

Kung sa tingin mo na kilala mo ang pagkatao niya, nagkakamali ka. Nakikita mo lang ang isang bahagi ng kaniyang personalidad—ang bahagi na gusto niyang makita mo. Hindi mo alam kung paano siya pag kasama niya ang pamilya niya o ang ibang tao.

Kinakasama ka lang niya dahil madali ito para sa kaniya. Nagkakaroon ng kerida ang mga lalaki dahil pakiramdam nila na nakakalaya sila sa kanilang mga obligasyon sa asawa at anak.

3. You deserve better

Hindi ka dapat nakukuntento na maging kabit na itinatago sa publiko. Kailangan mo ng isang taong bibigyan ka ng tamang pagmamahal at alaga. Deserve mo na magkaroon ng isang relasyon na hindi nakapaloob sa mga kasinungalingan.

4. Makipaghiwalay ng harapan

Huwag makipaghiwalay gamit ang text o chat. Kausapin siya ng harapan para hindi mo maramdaman na walang closure sa inyong paghihiwalay. Kapag kaharap mo siya mas magiging maayos ang pagtatapos ng inyong relasyon. Hindi ito magiging madali pero kailangan mo itong gawin.

5. Huwag magpaligoy-ligoy

Kung makikipaghiwalay na sa kaniya, sabihin mo ang gusto mong sabihin at huwag magpa-ligoy-ligoy. Huwag din magbigay ng pag-asa sa kaniya na maaari pa kayong magkabalikan. Iwasan na sabihin ang mga linyang, "Sana maging magkaibigan pa rin tayo" o di kaya'y "Mahal pa rin kita." Mas magiging mahirap mag let go kapag alam niyong may relasyon pang puwedeng balikan.

Huwag siyang paasahin. Kapag sinabi mong hiwalay, iparating mong wala nang balikan.

6. Maging matatag

Ang pinakamahirap sa paghihiwalay ay ang pagkakaroon ng disiplina na huwag nang umulit pa. Maaaring subukan niyang sabihin na iiwanan niya ang pamilya niya para sa 'yo o yayain kang lumabas ulit bilang "magkaibigan" lamang. Pigilan mo ang sarili mo at maging matatag na huwag makipag-usap. Kalimutan mo na lang siya.

Importanteng isipin mo kung anong makakabuti sa iyo at kung anong makakapagpasaya sa 'yo—at siguradong hindi ito ang pakikipagrelasyon sa lalaking may asawa.