Unang Trimester ng Pagbubuntis: Bawat linggong paglaki ni baby sa sinapupunan

Ang bawat linggo (at araw) ay may dalang pagbabago sa ina at sa sanggol. Alamin ang mga ito at kung ano ang dapat asahan at gawin sa unang trimester ng pagbubuntis

Ano nga ba ang nangyayari sa iyong sinapupunan sa mula sa umpisa ng pagbubuntis? Sa unang beses ng pagdadalantao, sadyang kamangha-mangha ang pangyayari at pagbabago sa sarili, bagamat hindi ito lubusang napapansin ng lahat ng nakapaligid sa iyo.

Ito na siguro ang pinakamaligayang karanasan ng isang ina, at ang pinakamagandang bonding ng mag-ina—ang maranasan ang bawat pagbabagong pisikal na nagaganap sa kanilang dalawa.

Basahin ang linggo-linggong pamumuo ng supling bago iluwal at ang mga pagbabagong maaaring asahan habang lumalaki si baby sa loob ng tiyan ni nanay.

Unang Trimester

Pagkatapos mabuo ang embryo, ang dalawang layer ng cells kung saan ang mga organ at bahagi ng katawan ay mabubuo na rin. Hindi pa gaanong mapapansin ang pagbabago sa katawan ng ina, lalo kung unang pagbubuntis ito. Pero ang bawat linggo ay sadyang nagdadala ng maliit man, ngunit napakahalagang development.

1 - 2 Linggo

Dito pa lang nagkita ang itlog at sperm. Ang katawan ng ina ay naghahanda na sa pagbubuntis. Maaari pang magkaroon ng pagdugo na parang menstrual period, ngunit ito ay hudyat lang ng pagkakabuo ng sanggol o conception.

Kahit hindi pa sigurado kung buntis o hindi, basta’t mayron nang hinala o senyales na maaaring buntis nga, kailangang mag-ingat na ang ina para sa kalusugan ng bata. Kumain ng masustansiyang pagkain at iwasang mag-kape, manigarilyo o uminom ng alak. So oras na sigurado na ang pagbubuntis, kumunsulta sa OB GYNE at huningi ng bitamina para sa pagbubuntis.

Kung may iniinom na prescription drugs, alamin sa doktor kung ligtas para sa buntis ang gamot.

Ika-3 na Linggo

Ang ikatlong linggo ay buo na ang sanggol sa sinapupunan. Dito na unti-unting lumalaki ang fetus, kasama na ang brain at spinal cord. Tila isang munting bola ang sanggol, na ang tawag ay blastocyst. Ito ay gawa ng daan-daang cells na napakabilis na dumadami. Dito na nagkakaroon ng kasarian, kulay ng mata, kulay ng buhok at iba pang pisikal na katangian ang nabubuo.

Lalong dapat paigtingin ang atensiyon sa kalusugan at nutrisyon ng ina at ng sanggol. Kailangan ng ina ng folic acid at iba pang nutrients at bitamina, tulad ng protina at calcium.

Ika-4 na Linggo

Karaniwang nalalaman ng isang ina na siya ay buntis sa ika-apat na linggo pa lamang. Dito na kasi nararamdaman ang pisikal na pagbabago tulad ng pagkahilo, sakit ng ulo, pananakit ng likod at pagsusuka. Ang fetus ay isang embryo na may dalawang layers, at ang placenta ng ina ay tuloy ang development.

Pinapayuhang magsimula ng ehersisyo ang ina sa panahon na ito. Magtanong sa doktor tungkol sa mga ehersisyong para sa nagbubuntis.

Ika-5 na Linggo

Siguraduhing mayroon nang buwanang iskedyul ng prenatal check-up sa iyong OB GYNE. Dito na tumitindi ang pagsusuka at pagkahilo lalo sa umaga. Natural lang ang pakiramdam na parang pagod palagi at gutom o may gustong kainin.

photo: Pinterest

Ika-6 na Linggo

Mapapansin nang palaging pagod, hapo at hilo, at sumasakit ang dibdib at suso, at minsan ay namamaga din. Malaking pagbabago ang nangyayari sa sanggol tulad ng pag-develop ng mga vital organs. Makikita na ang ilong, bibig, at tenga ng sanggol. Dito na unti-unting bumibigat ang timbang ng ina.

Ika-7 na Linggo

Lahat ng vital organs ay may mahalagang pagbabago na. Unti-unti nang nagkakaroon ng kamay at paa ang sanggol sa sinapupunan. Doble na ang laki ng uterus. May buhok, pilik-mata, at dila na ang sanggol at ang kaniyang siko at mga daliri sa paa ay may proma na rin. Ang blood volume din ng ina ay tumaas na ng hanggang 50%.

Ika-8 na Linggo

Karaniwang mararamdaman ang maliliit na paggalaw ng sanggol sa tiyan. Si nanay naman ay nakakaramdam na rin ng tuluyang pagbabago sa suso, dahil naghahanda na ito para sa paggagatas. Bagama’t may kasarian na ang sanggol, hindi pa tuluyang nabubuo o makikita ang pamalisupling o genitalia nito.

Ika-9 na Linggo

Ngayon ay kasinlaki na ng isang ubas ang sanggol at halos isang pulgada (1 inch). Nagsisimula na rin niyang isubo ang kanyang hinlalaki. Ang ina naman ay nahihirapan nang matulog sa gabi dahil sa lumalaking tiyan at balakang.

Ika-10 na Linggo

Patuloy na lumalaki ang sanggol at nakukumpleto lahat ng vital organs niya. Siya ay halos lagpas na ng 2 pulgada at kasukat ng isang lime. Nalagpasan na rin ng ina ang kritikal na panahon ng pagbubuntis. Ang tanging kailangang isipin ay ang kalusugan at nutrisyon ng sarili at ng sanggol sa sinapupunan. Maaari na ring kunan ng ultrasound ang sinapupunan upang makita ng doktor ang sanggol, at masiguradong walang pisikal na problema.

how to remove body odor photo: dreamstime

Ika-11 na Linggo

Ilang linggo na lang ay tapos na ang unang trimester. May papitik-pitik lang na galaw sa loob ng tiyan, na hindi pa gaanong mararamdaman. Marunong na kasing magbukas-sara ng kamay ang sanggol. Buo na rin ang gums ng sanggol. Subukang maglakad-lakad o lumangoy sa pool bilang ehersisyo, pero huwag magpagod.

Ika-12 na Linggo

Patuloy na lumalaki si baby kaya’t kailangang siguraduhing kumakain ng mabuti at nasa oras si nanay. Kailangang ng mag-ina ng sapat na nutrisyon. Ang utak ng sanggol ay patuloy ding lumalaki, at ang kidney ay naglalabas na ng ihi (urine).

Makakapa na ng OB GYNE ang sanggol sa lower abdomen ng ina. Dito na kailangang mamili o manghiram ng mga damit na pambuntis. Magsuot ng maluwag at komportable para sa iyo; ang ibang buntis ay gusto naman ng hapit. Wala rin namang masama, basta’t hindi naiipit ang bata.

Ika-13 na Linggo

Mapapansing may mga stretch marks na sa tiyan at tagiliran, pati sa hita, ang ina. Huwag mag-alala. Lahat ito ay natural at para naman sa dinadalang sanggol. Maglagay ng cream o langis para matulungang hindi magbiyak ang balat.

Mayroon nang fingerprints ang sanggol at halos 3 pulgada na o lagpas pa. Mapapansin ding nangingitim ang kili-kili, areola, mga singit, leeg, at maski sa mukha. Gumamit din ng langis, o ang mas epektibong Rose oil at Vitamin E oil para sa balat.

Sa panahong ito ng pagbubuntis, iwasan na ang junk food, pagkain ng higit sa nararapat, pagkain sa gabi (lagpas ng 10 ng gabi), at pagkain ng masyadong matatamis.

Ito na ang pagtatapos ng unang trimester! Kung nalagpasan mo ito, handang handa ka na nga sa ikalawa at ikatlong yugto ng iyong masayang pagdadalantao.

BASAHIN: 4 Na yugto ng labor at panganganak – at mga payo para kay mommy