Pagbubuntis: Bawat linggong paglaki ni baby sa second trimester

Share this article with other moms

Patuloy ang paglaki ng iyong tiyan. Anong pagbabago ang dapat asahan?

Sa simula ng ikalawang trimester, o ika-apat na linggo ng pagbubuntis, makikita na ang tuluyang paglaki ng iyong tiyan dahil lagpas na ng 3 pulgada ang iyong sanggol sa sinapupunan.

Nasa 1 1/2 ounces na rin ang timbang nito. Ang kaniyang maliliit na daliri ay may fingerprints na, at ang kaniyang puso ay nag-pa-pump na ng 25 quarts ng dugo sa bawat araw. Ang kaniyang mga buto ay nabubuo na rin sa paglipas ng mga araw, at may kakayahan na siyang makarinig. Ito na ang panahon na mararamdaman ang pagsipa at paggalaw ni baby, lalo’t ito ay nakakarinig ng musika o anumang ingay.

Ano nga ba ang dapat gawin sa susunod na 12 linggo ng pagbubuntis, upang ang ina at ang kaniyang sanggol ay ligtas, malusog at masaya?

Ika-14 na linggo

Ihanda na ang mga damit pambuntis dahil ito na ang panahon ng pagsusuot ng mga ito. Mas magaan na rin ang pakiramdam sa panahong ito at hindi na masyadong mapaghihilo, ngunit may mga di-maiiwasang mood swings o pabago-bago ng mood: minsan ay ang taas ng energy mo at masaya, minsan nama’y masungit o malungkot.

Ang atay ng iyong sanggol ay naglalabas na ng bile at ang spleen niya ay nagbibigay na ng pulang blood cells. Naigagalaw na rin niya ang maliliit na muscles ng kanyang mukha kaya’t siya ay nakangingiti, nakakasimangot at iba pa.

Patuloy na alagaan ang sarili, kahit na ang pagka-delikado ng pagbubuntis ay nalagpasan na. Umidlip at maglibang, magpahinga kung nagtatrabaho, uminom ng maraming tubig.

photo: dreamstime

Ika-15 na linggo

Kailangan nang maghanap ng magandang pwesto sa pagtulog dahil tuluyang lumalaki ang tiyan. Subukan ang patagilid na pagtulog, dahil ang pagtulog ng nakadiretso ang likod o nakatihaya ay dumidiin sa iyong aorta at inferior vena cava, at makakaapekto sa pagdaloy ng dugo papunta sa iyong lower body at kay baby. Maglagay ng mas marami o malambot na unan sa iyong tagiliran at sa bandang tiyan sa pagtulog.

Nakakaaninag na ng ilaw ang iyong sanggol sa sinapupunan at mayroon na rin siyang taste buds. Halos 5 pounds na ang nadagdag sa iyong timbang ngayon. Ang sanggol naman ay 2 ounces na at halos 5 pulgada na rin. Maaaring sinusukat na rin ng iyong OB GYNE ang iyong fundus o fundal height sa iyong prenatal appointment. Ito ang distansiya mula sa iyong pubic bone hanggang uterus. Dito kasi malalaman ang posisyon ng sanggol. Kapag mataas ang fundal height, maaaring breech ang bata, o nakaturo sa ibaba ang paa, imbis na ang ulo. Makikita ito sa isang ultrasound o pelvic examination.

Ika-16 na linggo

Halos 2 1/2 ounces na ang timbang ng iyong nasa sinapupunan, at ang katawan mo ay mayroong halos 7 1/2 ounces ng amniotic fluid. Halos doble ang laki nito ngayon! Lumalaki ang volume o dami ng dugo ng ina na dahilan na din ng sinasabing “pregnancy glow”—mapula at may pagka-oily din. Ang mata at tainga ng iyong sanggol ay nasa lugar na din, kaya’t makikita na ang pisikal na itsura ng kaniyang mukha. Ang kaniyang unrinary at circulatory systems ay inaasahang gumagana nang maayos.

Sa pre-natal check-up sa panahong ito, siguraduhing magpa-ultrasound, at itanong sa OB GYNE kung kailangan ba ng test para sa Alpha-Feta Protein (AFP), Triple test, at Amniocentesis. Kailangan na ring maghanap at kilalanin ang magiging pediatrician ng iyong anak. Makakatulong din kung ngayon na magsisimulang magsimulang magparehistro sa isang Prenatal class at Childbirth class.

Ika-17 na linggo

Tumitibay na ang inyong umbilical cord, at lumalaki ang iyong abdomen dahil tuluyang lumalaki at bumibigat si baby. Ang iyong baby ay may habang 5 ¾ pulgada na at may timbang na 4 ounces. Ang pandinig ng sanggol ay buo na at mayron na siyang adipose o baby fats. Makakaramdam ng sakit sa binti paminsan-minsan: ang sciatic nerve pain. Ang sciatic nerve ay ang pinakamalaking nerve sa katawan, na nasa ilalim ng iyong uterus papunta sa binti. Dumidiin kasi ang bigat ng sanggol sa sciatic nerve kaya’t sumasakit.

Ika-18 na linggo

Kitang-kita na ang iyong baby bump dahil si baby ay halos anim na pulgada na ang laki. Makakaramdam na ng back pains o pananakit ng likod dahil nga sa bumibigat na tiyan. Magpahinga ng mas madalas at iangat ang mga paa at binti sa tuwing uupo.

Patuloy na kumain ng pagkaing may protina, calcium at iron, dahil mas madalas kang makakaramdam ng gutom sa panahong ito at maaaring maapektuhan ang dental health o ang tibay ng iyong mga ngipin. Ngumuya ng dahan dahan at iwasan ang pagmamadali sa tuwing kakain.

Subukang kumain ng mas madalas ngunit kaunti lamang. Maupo pagkatapos kumain at iwasang humiga agad. Matulog ng angat ang ulo para makatulong sa pagtulog at mabawasan ang paghilik ng malakas. Iwasan din ang mga maaanghang na pagkain.

Bumisita sa iyong OB GYNE, dahil handa nang magpakita ng kasarian ang iyong anak!

Ika-19 na linggo

May mararamdamang pananakit ng ligament sa bandang abdomen at balakang at pagkahilo paminsan-minsan. Maaari ding makadama ng leg cramps o paninigas ng muscles sa binti. Ikunsulta ito sa iyong doktor, at huwag basta-basta iinom ng gamot para dito. Makakatulong sa leg cramps ang pagtaas nito at nakapatong sa isang upuan ng diretso, pagkatapos ay igalaw-galaw ang paa para ma-relax.

Patuloy ang paglaki ng sanggol sa timbang na halos 7 ounces at habang 6 na pulgada. Nakakarinig na ng buo ang iyong sanggol kaya’t magandang magpatugtog ng mga classical music, masasayang kanta at minsan naman ay nakaka-relax, depende sa oras. Kantahan din at kausapin ito palagi. Nagkakaroon na rin siya ng buhok at ang bahagi ng utak niya na para sa 5 senses o pandama ay fully developed na din.

Next page: Alamin ang mga dapat asahan sa ika-20 hanggang ika-26 na linggo!

Second Trimester Pregnancy Week by Week