Mga magulang, narito ang ilang senyales na kulang ang pagdidisiplina sa bata. Alamin kung ipinapakita ito ng iyong anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga senyales na kulang sa pangaral ang iyong anak
- Tamang pagdidisiplina sa bata para hindi sila lumaking pasaway
Bilang magulang, tungkulin natin na pangaralan at disiplinahin ang ating mga anak kapag nagiging mayroon silang nagagawang mali. Pero sa totoo lang, madaling sabihin, mahirap gawin.
Minsan nagagawa pa nating mag-compromise at ibigay ang mga bagay na gusto nila para lang sumunod sila. Subalit hindi ito ang kailangan ng mga bata. Kailangan nila ng disiplina. Hindi tayo pwedeng sumuko dahil pagod o naiinis na tayo.
Hindi pwedeng masanay ang bata na siya ang nasusunod. Maaring maliit na bagay lang ang mga hinihingi niya sa umpisa. Pero kapag nakasanayan niya ito, maaring mawala sa’yo ang control at maging mahirap na disiplinahin ang bata.
Normal lang na mapagod o ma-frustrate kapag hindi agad sumusunod ang iyong anak. Ayon sa parent educator na si Nancy Samalin,
“All parents want the best for their children and are concerned with fostering their self-esteem. But when children tune us out, refuse to do what we want, defy or ignore us, it’s normal to become annoyed and frustrated.”
Si Samalin ang sumulat ng librong Loving Without Spoiling and 100 Other Timeless Tips for Raising Terrific Kids. Aniya, hindi man natin gusto, minsan ay hindi natin namamalayan na sumosobra na pala ang pagbibigay natin sa ating anak at hindi na tayo nakakapag-set ng limits.
Pero paano mo nga ba malalaman kung lumalaki nang spoiled ang iyong anak? At anong dapat mong gawin kapag napansin mo ito? Ayon kay Samalin, narito ang ilang palatandaan:
7 Senyales na kulang ang pagdidisiplina sa bata
1. Mayroon siyang sense of entitlement
Isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng pagiging magulang ay ang pagbabalanse ng oras sa pagitan ng trabaho, paninigurong maayos ang bahay at pagdidisiplina sa mga anak.
Minsan, para magawa ang mga bagay na ito, hindi natin namamalayan na nagiging entitled na pala ang ating anak. Paano mo malalaman?
Kapag binibigyan mo ba ng isang bagay ang iyong anak, nagpapasalamat ba siya sa’yo? Lagi ba siyang umaasa na kapag pumunta kayo sa mall ay bibili siya ng laruan?
Wala namang masama kung gusto nating pagsilbihan at pasayahin ang ating anak. Pero ang problema ay kung madalas mong ibinibigay ang gusto nila, maaring isipin ng iyong anak na tungkulin mo ito sa kaniya.
Maari rin siyang lumaki nang hindi natututong magpasalamat sa mga bagay na natatanggap niya at makalimutan na niyang magsikap para ang mga ito.
Anong dapat gawin?
Ipakita at sabihin sa mga bata na hindi ito tungkol sa kanila, sa iyo, o kahit kanino man. Hindi umiikot ang lahat sa kanila. Kapag kailangan ng pagdidisiplina sa bata, ito ay dapat makatuwiran at may katotohanan.
Sabihan sila na magpasalamat. Bilang ensayo, tulungan silang gumawa ng listahan ng mga bagay na pinagpapasalamat nila.
Sa aking mga anak, binigyan ko sila ng gratitude journal na susulatan nila gabi-gabi para maalala ung ano ba ang mga bagay na dapat nilang ipagpasalamat.
Maaari mo rin tulungan ang iyong anak na magsulat ng thank-you notes sa mga taong pinapasalamatan nila.
Ang pagtulong sa kanilang magkaroon ng sense of appreciation at gratitude sa mga tao at bagay ay makakatulong na maintindihan nilang hindi sila ang sentro ng mundo. Mas malaki ang mundo sa kanila.
Kung mayroon silang gustong matanggap, pwede mo silang bigyan ng karagdagang gawaing-bahay para mapakita sa kanila na dapat pinaghihirapan ang mga bagay. Gayundin, magpasalamat sa kanila kapag natapos nilang gawin ang mga chores.
2. Hindi siya makatanggap ng “no” bilang sagot.
Naglulupasay ba sa sahig ang iyong anak kapag hindi ka pumayag na bilhin ang gusto niyang laruan? O kaya kung hindi mo ipinahiram sa kaniya ang iyong gadget?
Ito ay mapanganib na kaugalian na maaring makuha ng isang bata. Kung mapabayaan ay lalaki siyang abusado at hindi kayang tumanggap ng “hindi” bilang sagot.
Anong dapat gawin?
Dapat maintindihan ng bata ang ibig sabihin ng salitang “No.” Kung sasabihin mo ito sa iyong anak, dapat ay panindigan mo ang iyong salita. Ipaintindi sa kanila kung bakit ka tumatanggi at kung bakit ito mahalaga.
Gayundin, huwag abusuhin ang pagsasabi ng “No.” Maari namang hayaan mo ang bata sa kaniyang gusto paminsan-minsan, pero hindi sa lahat ng oras. Kapag sinabi mong “no” at sinuway niya ito, dapat magkaroon ng consequences ang kaniyang ginawa.
3. Hindi siya marunong makisama sa iba.
Isa sa pinaka-importanteng bagay sa pagiging tao ay ang pagkakaroon ng empathy at pakikiramay. Social beings tayo, at mahalaga ang pakikisama at pakikipagtulungan. Kapag ang bata ay hindi marunong makiramay, nawawalan sila ng pagkakataon na magkaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan sa iba.
Anong dapat gawin?
Ayon kay Samalin, kapag ang bata ay may ginawang bagay na nakakatulong, nagmamalasakit, nagtutulungan, o nagpapakita ng magandang pakikitungo, ipaalam sa kanilang napansin mo ito at bigyan sila ng papuri.
Maaaring sabihin, “Salamat, Joey. Nagustuhan ko kung paano mo tinulungan si Amy iligpit ang kanyang mga laruan.” O “Jesse, humanga ako sa kung paano mo sinagutan ang iyong homework.” Malayo ang nararating ng kaunting positibong pagkilala.
4. Hindi siya marunong tumanggap ng responsibilidad at pagkakamali
Kapag mayroon siyang nagawang mali, aakuin ba ng iyong anak ang kaniyang kasalanan? O itatanggi niya ito at sa halip ay sisisihin ang ibang tao? Marunong ba siyang humingi ng tawad at paumanhin?
May mga bata na may mas mataas na sense of guilt habang ang iba ay ang kabaliktaran. Kapag hindi nakakaramdam ng guilt ang bata, senyales ito ng hindi nila pagtanggap ng responsibilidad sa kanilang nagagawa.
Hindi sila nakokonsensya at hindi nakakaramdam ng guilt o remorse dahil tingin nila ay wala silang nagawang mali. Kapag ganito ang pag-uugali ng iyong anak, maaring magkaroon ng mas malalang problema sa hinaharap dahil senyales ito ng narcissistic behavior.
Ang maaaring gawin:
Mahalagang maturuan ang bata na magkaroon ng healthy dose ng guilt. Ipakita sa kanila ang kahihinatnan ng kanilang mga ginagawa sa ibang tao.
Ipaliwanag sa kanila ang nararamdaman ng iba at tulungan silang makita ang pananaw ng ibang tao. Subalit, hindi dapat iparamdam sa kanila na may mali sa kanila. Tandaan ang kasabihang, “Hate the sin, not the sinner.”
“Talk about your feelings,” ani Samalin. “But do not attack your child or tell her all the things that are wrong with him or her.”
Kung hindi pa rin nakokonsensya ang iyong anak, subukang bigyan ng consequences ang mali niyang ginawa. Dapat maranasan niyang mawala ang isang bagay o pribilehiyo dahil sa paggawa niya ng mali.
Hindi ito para gawing miserable ang bata ngunit para ituro ang pinagkaiba ng tama at mali habang binibigyan sila ng pananagutan sa kanilang mga choices.
BASAHIN:
Uri ng disiplina sa batang umiiyak kapag natatalo sa isang bagay
“Mamaya Na!”: 3 parenting mistakes kung bakit nasasanay ang bata na sabihin ito
WARNING: Ito ang epekto kapag tinatakot ang bata bilang paraan ng pagdidisiplina
5. Walang paki-alam ang bata sa nararamdaman ng iba.
Wala bang pakialam ang iyong anak kahit umiyak ang kalaro niya, basta makuha niya ang gusto niya? Hindi ba niya napapansin kapag pagod ka na sa gawaing-bahay, bagkus tuloy pa rin ang pagkakalat niya?
Ang kawalan ng pakialam sa ibang tao o nararamdaman ng iba ay senyales ng pagiging makasarili. Dapat nilang matutunan na bawat lahat ng tao ay importante.
Anong dapat gawin?
Muli, dapat matutunan ng bata na hindi lahat ng bagay ay tungkol sa kanila.
Payo ni Samalin, kapag pinagsasabihan ang bata, gamitin ang salitang “I” o ako at hindi “You.” “It’s much better to say, ‘I’m mad’ than ‘You’re bad.’ aniya.
Kung may nagawa ang anak mo na nagpasama ng loob mo ngunit wala siyang pakialam, maaari mong sabihin: “Nagagalit ako dahil hindi ka nagpaalam na lalabas ka,” o “Hindi ko gusto ang maruming paligid.”
Pwede mo rin ipakita sa kanila kung paano makiramay sa pinagdaraanan ng iba. Kung gagawa ng donasyon, isama sila para makita nila kung gaano naghihirap ang ibang tao at hayaan siyang mag-isip ng paraan kung paano makakatulong.
6. Sinisisi ng iyong anak ang iba sa kanilang pagkakamali.
Kaugnay ng hindi niya pagtanggap ng kaniyang responsibilidad o kasalanan sa nagawang mali, minsan ay ipapasa pa niya ang sisi sa ibang tao.
Kapag napabayaan ang ganitong pag-uugali, maaring lumala pa ito. Maaari silang magsimulang magsinungaling at magmanipula ng tao para lang mapawalang-sala. Maari itong magpatuloy nang hindi mo napapansin.
Anong dapat gawin?
Hindi mo kailangang ipahiya ang bata at pilitin siyang akuin ang kaniyang pagkakamali sa lahat ng oras. Sa halip na makatulong ay maari pang makasama ang paraang ito.
Pwede mong subukan na paalalahanan sila ng mga bagay na responsibilidad nila. Turuan sila ng accountability sa murang edad. Halimbawa, “Kung laruan mo ito, ikaw dapat ang nag-aalaga rito.” O kaya, “Kung ang aso ay iyong alaga, ikaw dapat ang magpakain sa kaniya.”
7. Masyado siyang demanding at mahilig mag-utos
Madalas bang magreklamo ang iyong anak? Gusto ba niyang nasusunod lagat ng gusto niya? Mahilig ba siyang mag-utos at kapag hindi nagawa nang tama ay siya pa ang galit?
Maaring sobrang demanding ang iyong anak, na senyales na kulang ang pagdidisiplina ang bata.
Ang maaaring gawin:
Walang masama kung gusto mong pagsilbihan at pasayahin ang iyong anak. Pero kung nasasanay siyang mag-utos, ibig sabihin ay sobrang entitled na ang bata at kailangan nang disiplinahin.
Tandaan na ikaw pa rin ang may karapatan na magdesisyon kung ano ang nakakabuti at nakakasama sa kaniya.
“For kids who struggle with who’s in control, giving them the opportunity to make a choice helps them to feel some control – although not too much,” ani Samalin.
Hayaan siyang mamili sa mga bagay na gusto niya. Sa halip na hayaan siyang magdikta kung anong kakainin niya sa umaga, papiliin siya kung gusto ba niya ng scrambled eggs o sunny side up. Tanungin siya kung gusto ba niyang magbasa ng libro o maglaro ng kaniyang mga laruan sa kaniyang free time.
Mahalaga na maunawaan ng bata kung sino ang may kontrol sa inyong schedule at kung ano ang inaasahan mo sa kaniya. Mayroon siyang say sa mga bagay na may kinalaman sa kaniya, pero dapat ay isaalang-alang rin niya ang oras at pangangailangan ng ibang tao.
Ipaalam sa iyong anak na nandiyan ka para disiplinahin at patnubayan siya
Walang masama na ibigay sa iyong anak ang mga kailangan at gusto niya. Pero kailangan pa ring tugunan ang kanilang psychological needs.
Hindi ito tungkol sa kung ano ang kailangan at gusto nila sa ngayon kundi kung ano ang kailangan nila pagdating ng panahon para magkaroon ng mabuting asal sa kaniyang paglaki.
Kapag kailangan ng pagdidisiplina ng bata, mahalagang magpakita ng pagmamahal, para hindi rin sumobra. Hindi mo ginagawa ito para malaman ng iyong anak kung sino ang dapat na masunod, kundi para matulungan silang maging mabuting tao sa hinaharap.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianParent Singapore.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio