7 Tips sa pagpapaligo kay baby

Share this article with other moms

Hindi kailangang ma-stress tuwing papaliguan ang iyong munting sanggol. Gawing bonding time ang bath time at makakalimutan mo ang kahit anong takot o kaba.

Bagong ina, unang anak. Nakakatakot naman talaga kung iisipin, dahil lahat ng gagawin mo sa puntong ito ay unang beses at marahil ay hindi mo pa nagagawa sa tanang buhay mo. O kung nagawa mo na, nakakatakot isipin na sariling anak mo ngayon ang aalagaan mo. Paano kung magkamali ka?

Huwag nang matakot o kabahan. Anak mo ang iyong aalagaan, kaya’t panigurado ay gagawin mo ang lahat ng kaya mo para hindi siya mapahamak, hindi ba?

Ito ang 7 na bagay na pwede mong gawin para maging masaya at hindi stressful ang pagpapaligo sa iyong sanggol.

1. Hindi ka kailangang mag-isa

Maaaring gusto mong gawin ito ng ikaw lang dahil gusto mong patunayan na kaya mo. Huwag mo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao. Ang isipin mo ay maraming kamag-anak at kaibigan na handang tumulong sa iyo, kahit man lang sa mga unang araw o unang linggo. Gawin ito kasama si Tatay, Lolo o Lola, o kahit sinong maaaring makasama mo.

2. Pumili ng oras, at gawin itong regular na oras ng paliligo

Karaniwan sa umaga pinapaliguan ang isang bagong panganak na sanggol. May iba naman na sa gabi ito ginagawa. Lahat ito ay depende sa routine na ikaw ang magbubuo para sa inyo ni baby. Basta’t nakapahinga ang sanggol at hindi gutom at hindi rin pagkakasuso pa lamang dahil baka naman magsuka ito.

Kung ano man ang iyong mapiling oras, ito na ang gawing oras ng paliligo ni baby araw-araw. Ito na ang bahagi ng routine o schedule ninyo ng anak kaya’t bawas stress dahil alam mo at alam niya na ito ang mangyayari sa tuwing darating ang ganitong oras.

3. Gumamit ng gamit pampaligo na sadyang para sa mga sanggol—at mag-imbak ng marami nito

Ilista kung ano ang mga gamit na kailangan sa pagpapaligo kay baby at pumili ng mga produktong baby-friendly. Bago simulan ang bath ritual ninyo, siguraduhing kumpleto lahat ng gagamitin mo at nakalagay na sa isang basket o lalagyan.

Tandaan na mabilisan ang pagpapaligo kay baby dahil ayaw mong malamigan siya at sipunin. Lahat ng gamit ay dapat abot-kamay mo, at hindi iyong pabalik-balik ka pa dahil may nakalimutan ka.

Ano ang pangunahing kailangan? Baby lotion, sabon, shampoo, pulbos, baby oil at cream. Gumamit din ng sponge, bimpo, tuwalyang pang-sanggol, at paglagpas ng isang buwan, baby cologne na hindi matapang. Hindi naman kailangang organic pero maganda ring opsiyon ito.

Ihanda na rin ang lampin o disposable diaper at damit na isusuot pagkaligo para mabihisan agad ang anak, at hindi ginawin. Huwag kalimutan ang mga simpleng laruan para aliwin ang anak. Maganda ring magpatugtog ng musikang makakapag-relaks sa inyong mag-ina.

4. Punas-punas muna…

…at konting basa sa ulo at katawan. Kung ang sanggol ay may umbilical cord stump pa, o ilang araw pa lang pagkapanganak, hindi pa ito nilulublob sa bath tub o pinapaliguan ng lubos. Gumamit lang ng maliit na plastic basin at bimpo o sponge.

Ang pangunahing atensiyon mo ay nasa ulo, leeg, kili-kili at lahat ng singit singit na pinapawisan. Nakabalot ang buong katawan ni baby ng tuwalya, at nakalabas lamang ang ulo dahil iyon ang unang huhugasan at pupunasan ng mabilis.

Sa unang linggo, huwag munang gumamit ng shampoo. Sabon lang ay tama na. Pagkatapos ng ulo, balutin ito at dampian naman ang katawan.

Maligamgam na tubig ang kailangan at huwag gagamit ng malamig na tubig.

5. Ihanda ang “bathtime gear”

Kapag lagpas na ng ilang linggo at malaki-laki na si baby, maaari nang gumamit ng portable bath tub na sadyang pang-baby. May mga bath mats na mabibili para sa sanggol na hindi pa nakakaupo ng mag-isa. May mga naglalagay din ng tuwalya para mapigil ang pagkadulas.

6. Siguraduhin ang tamang temperatura

Hindi kailangang maghanda ng maraming tubig dahil maliit pa lamang ang iyong sanggol. Sensitibo ang pakiramdam ni baby kaya’t siguraduhing hindi malamig ang room temperature at maligamgam ang tubig. Maaari din kasing maligamgam ang tubig bago kayo magsimula, pero dahil sa malamig ang kuwarto (lalo kung may air-conditioning), ay mabilis na lumamig ang tubig na inihanda.

Maaari ding ang katamtaman sa iyo ay masyadong malamig o mainit sa iyong baby. Pakiramdaman ang tubig bago gamitin. Kung gumagamit ng baby-bath thermometer, dapat ay 90 degrees (Farenheit) o mas mababa ang tubig.

7. Asahan ang pag-iyak ng anak

Lalo na sa unang ligo, asahan mo nang iiyak ang iyong sanggol dahil hindi pa niya nararanasan ito, kaya’t maaaring magulat siya. Ang mga unang paliligo ni baby ay dapat mabilis at hindi magtagal. Kaya nga’t handa na lahat sa iyong tabi, pati ang damit na isusuot niya.

Gamitin ang laruan na inihanda rin sa iyong tabi para aliwin si baby. Kantahan at isayaw ng malumanay, at siguraduhing mararamdaman niya ang mainit na haplos ni Nanay upang makatulong na pakalmahin siya. Tandaan na sa umpisa lang ang pag-iyak na ito. Kapag nasanay na siya sa routine ninyong dalawa, ma-eenjoy na rin niya ang karanasang ito hanggang sa paglaki. Lahat ng iyak ay mapapalitan ng tawa at hagikgik ng sanggol.

Ayon sa pagsasaliksik sa Estados Unidos, ang pagpapaligo sa iyong sanggol ay dapat pahalagahan dahil maraming benepisyong makukuha dito, lalo sa development ni baby. Sa kanilang pagsasaliksik, 84% ng mga magulang na kanilang tinanong ay nagsasabing ito ay isa sa mga pinakamahalagang pagkakataon na nagpapaigting sa relasyon ng ina at ama sa kanilang anak, lalo sa unang 3 taon ng buhay ng bata.

Hindi lang ito para sa kalinisan ng katawan, kundi para din sa emotional at cognitive development niya. Bawat gawain ng isang magulang kasama ang kaniyang anak o mga anak ay isang learning moment, lalo na kung ito ay karanasang gumgamit ng senses o pandama. Kahit ang paglalaro ng bula ng sabon ay isang science experiment na para sa iyong sanggol.

Di ba nga’t ang haplos ng ina (at ng ama na rin) ay ang pinakamahalagang karanasan para sa isang anak? At sa pagpapaligo sa iyong anak, nahahaplos mo siya sa buong katawan, kaya’t ito na marahil ang pagkakataon na pinakamatagal mo siyang mahahaplos ng ganito. Lalo pa’t bibigyan mo siya ng masahe gamit ang baby oil pagkatapos ng paliligo. Mapapawi na ang ginaw sa katawan, matutulungan mo pa ang sirkulasyon ng kaniyang dugo.

BASAHIN: 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby

Newborn Ages + Stages Newborn Care