11 na palabas na pambata na maaaring makapagpataas ng IQ at EQ

lead image

Kinalap namin ang mga magagandang palabas na pambata na maaaring makatulong sa kanilang IQ (intelligence quotient) at EQ (emotional quotient). | PHOTO: Shutterstock

Hindi lamang sa loob ng classroom natututo ang mga bata. May nakukuha rin silang mga impormasyon sa mga pinapanood nilang mga videos o programa sa telebisyon. Kaya naman napaka-importante na may mga aral na napupulot o di kaya’y may mga paksa na natatalakay na tutulungan silang matuto sa mga palabas na pambata na sinusubaybayan nila. Hindi lang dapat entertaining kundi educational na rin.

Kinalap namin ang mga magagandang palabas na pambata na maaaring makatulong sa kanilang IQ (intelligence quotient) at EQ (emotional quotient) kapag nasa 5 hanggang 7 taong gulang na sila—o sa madaling sabi, kapag nag-aaral na ang mga chikiting. Sa ganitong edad, inaaral na ng mga bata ang math, reading, at writing skills. Ginagamit nila ang mga skills na ito para sa problem solving.

Narito ang aming listahan ng 11 na educational na palabas na pambata:

1. Sesame Street

palabas na pambata

Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Big Bird, Bert, Ernie, at Elmo? Ilang henerasyon na ng mga kabataan ang kumakanta ng, “Sunny day, sweeping the clouds away!” Karamihan dito ay mga magulang na rin ngayon. Bukod sa hindi malilimutang mga karakter at kanta, ito ang isa sa mga pinaka-educational na palabas sa history ng telebisyon. Hindi ba’t na-memorize mo rin ang pag pagbilang dahil sa, “1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12!”

Sa isang pag-aaral, napag-alaman na ang mga batang nanonood ng palabas na nasa edad na tatlo hanggang limang taong gulang ay naging mas matatas magsalita pagtanda nila. Naging mas matataas din ang mga grado ng mga ito sa science, mas naging palabasa, at mas naging creative.

2. Tayo: the Little Bus

palabas na pambata

Hindi lamang Koreanovelas ang sikat dito sa atin ngayon, pati na rin ang cartoon na ito. Hindi naman kataka-taka dahil tinuturuan ng show na ito ang mga bata ng mabubuting asal katulad ng pagiging mabait at pagiging mabuting kaibigan. Tinuturuan din ang mga bata ng mga lessons na puwedeng gawin sa tunay na buhay katulad ng pagsunod sa batas trapiko at pagpapahalaga sa seguridad.

“While it focuses more on life skills and less on 123 and ABC basics, my two-year-old boy and I both like it. My son fell in love with the wheels on the bus song and of course loved Tayo,” pahayag ng isang ina at guro sa isang review of Tayo sa Common Sense media.

3. Mister Roger’s Neighborhood

palabas na pambata

Matagal nang wala ang palabas na ito sa telebisyon pero hindi pa rin ito nakakalimutan ng mga batang kinalakihan ito. Sa programang ito, tinuturuan ang mga mata na gamitin ang kanilang imahinasyon. Mayroon ding mga paksa na nagtatalakay sa iba’t ibang mga emosyon na pinagdaraanan ng mga bata katulad ng pagharap sa kinakatakutan, pagkawala ng minamahal, at paghihiwalay ng mga magulang. Mayroon ding mga aral tungkol sa pagbibigay halaga sa pagkakaibigan at pagsasabi ng totoo.

Mapapanood pa rin ito sa iba’t ibang Youtube channels.

4. Daniel Tiger’s Neighborhood

palabas na pambata

Ang mga karakter ng palabas na ito ay base sa palabas na Mister Roger’s Neighborhood. Katulad ng naunang show ni Mister Rogers, tinuturuan ang mga bata ng mga solusyon sa mga pang araw-araw nilang problema katulad ng pagkabagot dahil naghihintay sa pila o di kaya’y pagsisintas ng sapatos. Ang layunin ng programa ay maging mas maalam ang mga bata kung paano i-handle ang mga emosyon nila base sa edad nila.

5. Word Girl

palabas na pambata

Ang layunin naman ng palabas na ito ay palawakin ang bokabularyo ng mga bata. Ang bida ng show ay isang bibong babae na nilalabanan ang mga villains gamit ang kaniyang talino.

Bukod sa pagtuturo ng mga bagong salita, tinuturuan din ni Word Girl ang mga manonood na chikiting na i-pronounce ang mahihirap na mga salita.

Babala: may mga scenes na nagpapakita ng cartoon violence bilang hero nga ang bida at nilalabanan ang mga villains kaya may mga ibang magulang na hindi sang-ayon na ipapanood ito sa mga anak nila. Ngunit marami pa rin itong good reviews dahil sa pagtulong nito sa pagpapalawak ng bokabularyo at pagsasaayos ng pananalita.

6. Sid the Science Kid

palabas na pambata

Bagaman nirerekomenda na pang apat na taong gulang ang palabas na ito, madali pa rin itong magustuhan ng mas matatandang bata dahil ine-encourage silang maging excited sa pagdiskubre ng mga bagay sa mundong ginagalawan nila.

Gamit ang musika at komedya, hinihikayat ng palabas na pambata na ito na maging interesado ang mga chikiting sa science sa murang edad.

7. Nutri Ventures

palabas na pambata

Unique ang palabas na ito dahil tinuturuan ang mga manonood tungkol sa nutrisyon at tamang pagkain. Hinihikayat din ng programa na maging mas conscious ang mga bata sa kalusugan nila.Mapili ba ang anak mo pagdating sa mga ulam? Subukan na papanoorin siya nito.

8. Arthur

palabas na pambata

Kagaya ng mga ibang palabas na nabanggit sa itaas, matagal na rin itong palabas na ito at marahil naabutan mo rin, mommy, noong bata ka pa.

Para sa mga batang 5-taon pataas, ang programang ito ay tumatalakay sa iba’t ibang sitwasyon at relasyon ng mga bata katulad ng pakikipag-away sa mga kapatid at pakikipagkaibigan.

9. Elena of Avalor

palabas na pambata

Isa ito sa mga bagong palabas ng Disney Channel na pinagbibidahan ng isang Latina princess na si Elena. Tinuturuan nito ang mga bata ng pagpapahalaga sa pagkakaibigan, mabuting asal, honesty, at pagiging mabait. Maaari ring matuto ang bata ng konsepto ng ibang kultura dahil gumagamit ito ng Spanish songs, dances, at lenguahe.

10. Dora and Friends: Into the City

palabas na pambata

Maniwala ka man o hindi, lumaki na si Dora! Kung dati-rati’y mga misteryo lamang ang sino-solve ni Dora the Explorer, ngayong lumaki na siya, iba-ibang problema na ngayon ang kinakaharap niya. Kasama ng kaniyang mga kaibigan, pinapakita nila kung paano maging mabait, matulungin, at masipag—lahat ng katangian na kailangan upang matulungan nila ang komunidad nila.

11. Cyber Chase

palabas na pambata

Image source: Velhos Tempos Facebook page

Ang palabas na ito ay para sa mga batang 5-taong gulang pataas. Layunin ng programa na turuan ang mga manonood ng math skills at problem solving. Pinapakita rin nito na kapag nagtulong-tulong at kapag ginamit ang mga nalalaman, maaaring masolusyunan ang mga problema.

 

Sources: Common Sense Media, Scientific American, Scholastic, PBS Kids
Republished with permission from: theAsianParent Singapore

May mga palabas na pambata ka ba na gusto para sa iyong anak? Ibahagi sa ibang TAP mommies at daddies sa comments section sa ibaba!