Mga pamahiin tungkol sa pagbubuntis at mga paliwanag nito

Share this article with other moms

“Sabi ng mga matatanda…” Narito ang mga pamahiin tungkol sa pagbubuntis, at ang paliwanag para sa bawat isa, ayon sa mga siyentipiko.

Napakaraming pamahiin ng mga nakatatanda sa mga nagbubuntis. Simula’t sapul, marami tayong naririnig na sabi-sabi at dapat iwasan o ipinagbabawal sa mga nagdadalantao, ngunit wala naman talagang nagtatanong o nagsisikap na alamin kung ano nga ba ang basehan ng mga ito. Minsan natatawa na lang tayo, pero alam kong madalas, napapaisip ka din—at natatakot kasi baka nga magkatotoo.

Karamihan sa mga Pilipino, sumusunod o umiiwas sa mga ito dahil, wala namang mawawala kung susundin mo.

Ano nga ba ang mga pinakakaraniwan na pamahiin? Ano ang paliwanag ayon sa agham o logic?

Tingnan natin isa-isa.

1. Bawal uminom ng malamig na tubig pag buntis

Kuwento ni Editha Buluran, guro at nanay ni Simon at Carmela, magkakaroon daw ng diabetes ang bata kapag uminom ka ng tubig na malamig habang buntis. Sa init ba naman ng panahon, di ba talagang mauuhaw ka at gusto mo ng malamig? Ayon sa mga doktor sa HealthTap Inc. US, isang online network ng mga espesiyalistang doktor, ito ay perspektibo ng  Traditional Chinese Medicine (TCM).

Naniniwala ang mga doktor ng  TCM na ang pag-inom ng maligamgam na tubig ay mas makabubuti hindi lamang sa mga buntis kundi pati na rin sa lahat ng tao. Ang madalas na pag-inom ng malamig na tubig ay nakakaapekto sa spleen at nagdudulot ng Qi deficiency at stomach cold. Ang Qi (Chi) ay ang tawag ng mga espesiyalista ng TCM sa life energy ng isang tao. Ito ay mahalaga sa organ function, sirkulasyon ng dugo, at metabolism ng body fluid.

Kung iinom ng malamig na tubig, maaaring mawalan ng gana kumain, hindi maayos ang digestion at maaari pang magkaron ng cramps o diarrhea. Kaya pinapayuhan ang mga nagbubuntis na iwasan ang pag-inom ng malamig na tubig. Wala nga namang masama kung susundin ito, wika ni Daisy Pingol, ina ni Jacob. Hindi ito direktang nakakasama, lalo kung hindi naman madalas. Ang kailangan lang isipin ay mahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig kapag nagdadalantao, dagdag ni Daisy.

2. Bawal  magalit  o bigyan ng sama ng loob ang mga nagbubuntis. Magiging pangit o malungkutin ang bata paglabas

Kasi daw, nararamdaman ito ng sanggol sa sinapupunan, kaya’t papangit o di kaya’y sadyang magiging depressed ang sanggol. Kaya nga may sinasabing pinaglihi sa sama ng loob, biro ni Editha.

Walang kinalaman ang nararamdaman mo o ng sanggol, sa magiging pisikal na katangian o itsura ng iyong anak. Para sa akin, walang bata o nilalang na pangit. Iba-iba tayo, kaya’t masyado namang malupit kung sasabihing pangit ang iyong anak. At mas malala, na kasalanan mo ito dahil hindi ka tumawa o nagpakasaya nung nagbubuntis ka.

Ngunit may bahid ng katotohanan ang sinasabing epekto ng pagiging malungkot o problemado habang ikaw ay nagdadalantao. Sabi ni Christine Mesina, nurse at ina ni Colin at Connor, ang emosiyonal at sikolohikal na nararamdaman ng inang buntis ay nakakaapekto sa bata.

"Kaya nga pinapayuhan na maging kalmado at iwasang ma-stress kapag buntis," dagdag ni Christine. Kung ano ang nararamdaman ng ina, ay nararamdaman din ni baby.

3. Bawal kunan ng litrato kapag buntis. Mahihirapan ka sa panganganak.

Isang katulad nito ay iwasan daw ng babaeng buntis ang umupo sa may pintuan o hagdanan dahil mahihirapan daw ito sa panganganak. Kapag binasa mo ito ng binasa at inulit-ulit sa sarili, ikaw na mismo ang magsasabing, walang kinalaman ang una sa huli.

Natural lang na tinatawanan ito ng mga ina, dahil walang kinalaman ang litrato sa magiging kalusugan ng mag-ina. Maraming ibang dahilan na nakakaapekto sa kalagayan ng mag-ina, at sa panganganak. Tanging ang doktor at mga espesiyalista lamang ang makakapagpaliwanag ng bawat isang kaso. Ang sigurado ako, walang kinalaman ang Polaroid o selfie, o DSLR sa mga ito.

4. Bawal paglihian ang mga pangit na tao, kakaibang bagay, pagkain, o hayop

Ang magiging resulta daw nito ay ang pagkakatulad ng iyong anak sa mga ito. Magkakaroon ng depekto. Usong-uso lalo sa probinsiya yung mga pinaglihi sa palaka, sa isda, sa manok na pansabong, at kung anu-ano pa. Pati yung mga pinaglihi sa champorado kaya maitim, sa singkamas kaya maputi, sa rambutan kaya kulot. Hindi na siguro kailangan pang ipaliwanag na walang kinalaman ang nakita, kinain, tiningnan o kinahiligang tao, bagay o hayop nung nagbubuntis, sa magiging itsura o kapansanan man ng magiging anak.

Nakagisnan na ng mga Pilipino ang paniniwalang ito, pero walang kahit sino mang nakapagbigay ng siyentipikong dahilan para dito. Tandaan na ang pisikal na anyo, katangian, o kalagayan ng isang sanggol—o tao, ay dahil sa genetics o nasa genes o/at dugo ng mga magulang at ng lahi nito, o marahil ay kakulangan sa sustansiya nung nagbubuntis ang ina. Kaya nga ba’t palaging pinapayuhan na kumain ng mayaman sa nutrisyon at bitamina, at huwag pababayaan ang sarili.

5. Huwag hahakbangan ang asawa kapag naglilihi dahil malilipat sa kanila ang paglilihi

Sa ibang bersiyon, kung gusto mo daw maranasan ng asawa mo ang hirap ng paglilihi, hakbangan mo ng tatlong beses ang asawa habang siya ay natutulog. Ingatan lang na hindi siya makakahalata para gumana ang bisa.

Ang paghahanap ng isang uri ng pagkain na hindi karaniwan, hindi napapanahon, o isang ordinaryong pagkain pero kakaiba ang luto o hugis, ay karaniwan sa isang buntis o naglilihi. “Bizaare” ang deskripsiyon ng iba, dahil minsan ay imposible. Ito ay hindi masasabing biro o gawa gawa, dahil talagang kapag ikaw ay buntis, may mga gusto kang kainin na hindi mo naman karaniwang kinakain o hinahanap-hanap.

Ayon sa mga eksperto, ang mga “cravings” o paglilihi na ito ay hormone-based, o gawa ng mga pagbabago sa katawan ng nagbubuntis. Mayroong iba’t ibang hormone na iba-iba din ang ginagawa.

Tulad ng Leptin na nakakapagpawala ng gana, o Neuropeptide Y (NPY) na nakakapagpagana naman. Sinasabing ang NPY ang isang maaaring dahilan ng mga pagkagusto sa isang pagkain habang buntis. Ang iba naman daw ay nagkakaroon ng gestational diabetes na dahilan din ng paghahanap ng mga matatamis na pagkain.

Mayroon din daw kakaibang pang-amoy at panlasa kapag buntis kaya’t kakaiba ang hinahanap na pagkain, na minsan hindi rin naman inuubos ng naglilihi. Base din sa kultura ang mga “cravings”. Halimbawa, ang mga Pilipino ay naghahanap ng maasim at maalat (manggang hilaw at bagoong), at ang mga Amerikano naman daw ay avocado. Kung bakit, ay hindi pa alam ng mga eksperto. Bagama’t may mga pananaliksik na tungkol dito, dahil ito nga ay balidong punto.

6. Huwag kakainin ang tirang pagkain ng buntis dahil aantukin ka

Bakit nga ba? Katuwa-tuwa dahil hindi naman siguro isinubo ng nagbubuntis ang pagkain na natira. Paano maipapasa sa kakain ng tira ang kung anumang nakakaantok? Muli, walang basehan at walang lohikal na paliwanag. Hindi dapat kumain ng tira dahil lang baka may nakakahawang sakit. Pero hindi ito dahilan ng antok.

7. Kung ang babaeng nagbubuntis ay kumain ng magkadikit na saging, siya daw ay manganganak ng kambal

Dapat daw niyang paghiwalayin muna ang magkadikit na saging sa kaniyang likuran bago niya ito kainin. Pareho din sa number 4, walang basehan ang pamahiin na ito. Ang kambal o magkadikit na bungang saging ay nangyari ng natural.

Minsan ay dahil din sa patabang ginamit sa tanim na saging. Ngunit hindi ito naipapasa sa taong kumain nito. Ang pagkakaroon ng kambal ay nasa genes din ng pamilya. Karamihan na rin ngayon ng mga nagbubuntis sa pamamagitan ng In vitro Fertilization ay nagdadala ng multiples tulad ng kambal at triplets. Pero hindi kailanman dahil sa pagkain ng kambal na saging.

Napakarami pang ganitong pamahiin na galing sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Sa panahon ngayon, natatawa na lang din ang mga nanay na buntis dahil alam naman nila ang kawalan ng “logic” o siyentipikong paliwanag. Ngunit ang iba ay napipilitan na lang, lalo’t sinabi ng kanilang mga biyenan na "Wala namang mawawala sa ‘yo kung susundin mo," ang palaging saad ng mga nakatatanda.

Ito pa ang ibang pamahiin. Kayo ang humusga kung may koneksiyon nga ba sa pagbubuntis o sa bagong panganak na sanggol.

  • Bawal kumain ng talong o kaya puso ng saging dahil paglabas daw ng bata, sa tuwing ito’y umiiyak mahihirapan siyang huminga at magkukulay talong.
  • Bawal pumunta ang buntis sa lamay or libing. Makakasama raw kay baby.
  • Huwag daw paliliguan ang baby tuwing Martes at Biyernes kasi baka raw magkasakit.
  • Bawal magkwintas o ipulupot ang twalya sa leeg o ulo. Baka ang pusod o umbilical cord ng bata ay pumalupot sa leeg niya habang nasa tiyan.
  • Bawal pumunta ang buntis sa sementeryo. Maninigas daw ung tiyan. At pwedeng mahirapan manganak.
  • Pwedeng makipaglamay pero huwag sisilip sa patay.
  • Kapag ililibing na ang patay, dapat nauuna ang buntis papunta sa sementeryo.
  • Magkuwintas palagi ng bawang kapag matutulog sa gabi. Mainam na pangontra daw ito sa mga aswang (lalo na sa kapitbahay na mahilig mang-aswang).

sources: Psychology Today, Editha Buluran, guro sa GaRTENS Learning Center Blk 37, lot 8 , Phase 3A , Grand Royale Subdv, Bulihan, Malolos  City

BASAHIN: Mga maling akala tungkol sa mga pamahiing Pinoy

Sign up for the

Your weekly Pregnancy guide

Receive weekly personalized updates on your pregnancy! More details on the Plus One here

Pregnancy Health Pregnancy Exercise Pregnancy Pregnancy Nutrition Pregnancy Concerns