#AskDok: Totoo ba na malalaglag ang baby kapag uminom ng cortal at coke?

#AskDok: Totoo ba na malalaglag ang baby kapag uminom ng cortal at coke?

Totoo ba na malalaglag ang baby kapag uminom ng Cortal at Coke? Alamin ang katotohanan tungkol sa hinuhang ito ng mga nagbubuntis.

Totoo ba na kapag uminom ng Cortal at Coke pampalaglag ito ng baby? Alamin ang katotohanan tungkol sa hinuhang ito ng mga nagbubuntis

Maraming posibleng sanhi ang pagkalaglag ng sanggol habang ipinagbubuntis. Sa Pilipinas, naging usap-usapan ang epekto ng gamot na Cortal at inuming Coke (Coca-Cola) bilang nakakapagpalaglag kapag nagbubuntis.

Ang mga ganitong paniniwala, na walang matibay na ebidensiya o medical at scientific study ay delikado sa kalusugan ng nagbubuntis na nagnanais ilaglag ang bata sa anumang personal na dahilan. Para naman sa mga gustong pangalagaan ang pagbubuntis nila, nakakadagdag ito sa stress at takot, na hindi naman kailangan.

Cortal at Coke pampalaglag nga ba?

Ang Cortal ay isang brand ng aspirin. Ang aspirin ay karaniwang ginagamit bilang analgesic para maibsan ang pananakit ng katawan, ngipin, ulo, at iba pang bahagi ng katawan. Ito rin ay antipyretic para sa lagnat, at anti-inflammatory medication para naman sa pamamaga.

Mayron din itong antiplatelet effect na nakakapagpalabnaw sa dugo at nakakatulong laban sa blood clots. Kaya naman ito ay nakakatulong sa pagpigil ng atake sa puso, stroke, at blood clot. Maaari ding makasama dahil pwedeng makaapekto sa maayos na pagdaloy ng dugo.

Ang Coke ay isang kilalang soft drink o carbonated drink na may sugar (sucrose o fructose), caffeinephosphoric acidcaramel colorcocaine-free coca leaf extract at natural flavorings.

Ayon kay Dr. Dr. Arsenio B. Meru Jr., MD, ang epekto ng Cortal at Coke sa pagkalaglag ng sanggol sa sinapupunan ay magkaiba.

“Matagal nang ‘urban legend’ ang pag-gamit ng Cortal bilang arbotifacient o pampalaglag, if you take in several more than usual (arbotifacient) pills,” kuwento ni Dr. Meru. Pero walang patunay na ito ay may katotohanan o scientific evidence.

Ang Aspirin o acetylsalycillic acid at Ibuprofen ay hindi nirerekumenda para sa mga nagbubuntis, kahit pa bilang pain killer. Paliwanag ni Dr. Meru, naaapektuhan ng acetylsalycillic acid ang cyclo-oxygenase pathway ng ina. Ang cyclo-oxygenase pathway ang tumutulong sa implantation ng fertilized egg sa uterine wall.

Kapag ito ang tinamaan dahil sa maraming dose ng Cortal, hindi kakapit ang fertilized egg, at hindi matutuloy ang pagbubuntis. Kaya hindi rin ito nirerekumenda sa mga nagpaplanong magbuntis.

Nakakapagpalabnaw din ng dugo ang aspirin kaya’t kapag ininom ito, lalo na sa ika-32 linggo ng pagbubuntis ay maaaring maging sanhi ng pagdurugo ng ina at ng fetus. Posibleng ding maging sanhi ng premature closure ng vessel sa puso ng fetus, at mapunta sa pulmonary hypertension (ng fetus).

May mga ilang medical condition na gumagamit ng low-does aspirin therapy, pero ito ay dapat na naikunsulta muna sa iyong doktor. Dapat iwasan ang pag-inom ng Cortal, o anumang gamot sa unang 6 na linggo ng pagbubuntis, para makasiguro na hindi makakaapekto sa bata at sa sariling kalusugan. Ito ang mariing payo ni Dr. Meru.

Ang OB GYNE lang ang makakapag-reseta o payo ng tamang medikasyon, kung kinakailangan.

Ang katotohanan tungkol sa "urban legend" na ito

Ang Coke ay hindi nakakapagpalaglag ng fetus habang nagbubuntis, basta’t ang pag-inom nito ay nasa limitasyon.

“Walang pag-aaral na nagsasabing ang Coke o anumang soda ay arbotifacient,” paliwanag ni Dr. Meru. Ang taglay nitong ingredients (lalo na caffeine at mataas na lebel ng sucrose o fructose), ang maaaring makasama sa pagbubuntis, lalo na kung marami o sobra. Isang komplikasyon na pwedeng maging resulta ng maraming asukal o Coke ay Gestational Diabetes.

Ang caffeine, na nasa kape, tsaa at anumang soda, at energy drink, ay may taglay ding painkillers. Kilala din itong stimulant na nakaka-apekto sa pagdaloy ng dugo ng ina at ng bata. Kaya ang kailangan lang ay iwasan ang labis na pag-inom nito o bawasan, tulad ng kape at Coke.

May mga pagsasaliksik na isinagawa ang American Journal of Obstetrics and Gynecology noong 2008 at Epidemiology ng World Health Organization tungkol dito, at may magkaibang kongklusyon ang dalawang organisasyong ito.

Sinasabing ang pag-konsumo ng caffeine na higit sa 200mg hanggang 350mg sa isang araw ang may panganib na magkaro'n ng miscarriage. Ang mga pag-aaral na ito ay hindi conclusive, bagamat nagbibigay ang American Pregnancy Association at Food Standards Agency - USA and hindi dapat hihigit sa 200mg kada araw ang pag-inom ng anumang inumin na may caffeine kapag nagbubuntis. Pero kung kayang tuluyang umiwas muna sa mga inuming may caffeine habang buntis at nagpapadede ng sanggol, mas makabubuti.

Ang isang bote ng Coca‑Cola Classic ay may 32mg ng caffeine, at isang lata ng Diet Coke ay may 42mg na caffeine. Mayron na ding caffeine-free softdrinks tulad ng Caffeine-Free Diet Coke, Fanta, Lilt, Sprite, at Iba pa.

Hindi dapat gamitin ang Cortal at Coke pampalaglag dahil walang buti na maidudulot ito sa katawan o kalusugan. Ang dapat na iwasan ay ang paniniwala sa mga tinatawag na “urban legend” at siguraduhing kumunsulta sa OB GYNE o doktor, lalo na kung may kinalaman sa kalusugan o kaligtasan ng katawan at ipinagbubuntis.

SOURCES: Dr. Arsenio B. Meru, Jr., MD, Doktor ng internal medicine at clinical assistant,  Royal Alexandra Hospital, Alberta, Canada

MayoClinic, American Pregnancy Association,
Maternal caffeine consumption during pregnancy and the risk of miscarriage: A prospective cohort study. American Journal of Obstetrics and Gynecology, 198, e1-8.. Weng, X., Odouli, R. & Li, D.K. (2008).

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Photo: Istockphoto

Basahin: 13 na pagkain na maaaring makapagpalaglag sa sanggol

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner