9 home remedies para sa tibi o constipation

lead image

Nahihirapan makadumi dahil sa tibi o constipation? Narito ang mga home remedies para pampalambot ng dumi at lunas sa mga nahihirapan sa pagdumi.

Narito ang mga home remedies para pampalambot ng dumi.

Pahirap talaga ang constipation, o ang matigas na dumi na hindi mo mailabas. Ang dapat na araw-araw na pagdumi ay naging tatlong beses o mas kaunti pa sa loob ng isang linggo.

Ito ay hindi biro, sa bata man o matanda, dahil ibig sabihin nito ay may problema sa panunaw at digestive system.

Ang karamdamang ito ay maaaring iba-iba para sa iba’t ibang tao. May mga dumadaing ng matigas na dumi at hindi mailabas, may mga umaangal naman ng madalang na pagdumi, at mayron ding nagsasabing parang hindi lahat ay nailabas kahit na nakadumi na.

Alinman dito ang nararamdaman, kailangang alamin para mabigyan ng wastong solusyon at paggamot.

Ang bilang ng pagdumi ng isang tao ay nagiging mas kaunti habang tumatanda. Sa karamihan ng adults, ang pinaka-karaniwang dalas ay isang beses na pagdumi kada araw. May mga hindi regular, at minsan ay higit sa dalawa sa isang araw, at mayron ding iba-iba ang bilang ng pagdumi sa araw-araw.

Mga sintomas ng tibi o constipation

Alam mong constipation ang nararanasan kung:

  • Masakit ang lower abdomen
  • May pakiramdam na nadudumi pa din, kahit kakadumi lang
  • Maliliit at matitigas na dumi, at hirap na hirap mailabas
  • May rectal bleeding o pagdurugo kapag dumudumi

Mga posibleng sanhi

Ang constipation ay karaniwang sanhi ng mabagal na paggalaw ng tinutunaw na pagkain sa colon (malaking bituka). Maraming mga posibleng sanhi ng constipation, tulad ng gamot na iniinom, low fiber diets, maling paggamt ng laxatives, hormonal disorders, at mga sakit o karamdaman ng ibang bahagi ng katawan na nakakaapekto sa colon, at mataas na lebel ng estrogen at progesterone kapag nagbubuntis.

Kailangang kumunsulta kaagad sa doktor para malaman kung bakit nga ba nangyayari ito, lalo na kung nagbubuntis. Dapat alamin ang medical history, sumailalim sa physical examination, blood tests, abdominal X-rays, barium enema, at iba pang mga tests para malaman ang kalagayan at malaman din ang tamang paggamot.

Mahalagang malaman kung ito ba ay acute constipation o chronic constipation, at kung sintomas ito ng mas malalang karamdaman.

9 pampalambot ng dumi

May mga natural na paraan para maibsan ang perwisyong dulot ng constipation.

1. Hydrate!

Uminom ng maraming tubig, dahil ito ang kailangan ng katawan para hindi matuyo at lumala ang karamdaman. Kapag dehydrated ka, mas malaki ang posibilidad ng constipation.

Kung hirap na sa pagdumi, uminom din ng carbonated (sparkling) water para ma-rehydrate at umayos ang sistema. May mga pag-aaral na nagsasabing mas epektibo daw ang sparkling water kaysa sa karaniwang tubig na iniinom natin.

Iwasan lang ang carbonated drinks na mataas ang sugar content tulad ng mga softdrinks dahil mas makakapagpalala ito ng kondisyon.

2. Mga pagkaing mayaman sa fiber

Malaki ang natutulong ng fiber sa panunaw ng pagkain natin. Fiber ang nakakatulong na makadumi ng regular at sapat lang ang consistency (hindi masyadong malambot at hindi rin matigas).

Narito ang listahan ng mga pagkaing mayaman sa fiber:

  • kamote (sweet potato)
  • popcorn (basta’t walang matamis na flavor tulad ng caramel, at hindi rin nakababad sa butter, dahil ang mga ito ay mataas ang calorie content)
  • nuts, tulad ng almonds, pecans, at walnuts
  • seeds tulad ng sesame seeds at pumpkin seeds, pati na rin flaxseed
  • prutas tulad ng peras, plums, at mansanas, at kiwi (2 piraso ng kiwi kada araw, para sa mga adults na constipated).
  • berries: raspberries, blackberries, blueberries, at strawberries
  • broccoli (kalahating tasa lang ng lutong broccoli ay sagana na sa fiber at vitamin C).

Makakatulong ang insoluble fibers, na makikita sa wheat bran, gulay at whole grains dahil ito ang nakakatulong na mailabas ang dumi nang mas madali.

Kapag soluble fibers naman, piliin ang oat bran, barley, nuts, seeds, beans, lentils, peas, at ilang gulay at prutas. Mas mabillis ang pag-absorb ng tubig kapag kumain ng mga ito, kaya’t napapalambot ang dumi.

Para maging epektibo sa pagpapalambot ng dumi, kailangan ng balanseng soluble at insoluble fibers.

3. Beans

May higit sa 10 gramo ng fiber ang isang tasa ng beans, higit sa anumang fiber source. Binubuo kasi ito ng soluble at insoluble fiber, na nakakatulong na magtulak sa pagkain sa kahabaan ng bituka, at mapalambot ang matigas na dumi.

Nariyan ang baked beans, black-eyed peas, garbanzo beans, lima beans, pinto beans, at kidney beans, na alinman dito ay masarap na isahog sa salad, sopas, at pasta.

4. Mag-kape muna

Mabisa ang caffeine para sa constipation dahil nakakatulong ang kape na ma-stimulate ang muscles ng digestive system. May taglay ding kaunting soluble fibers ang kape na tumutulong na magbigay ng balanse sa bituka.

5. Kumain ng probiotic foods

Epektibo din ang anumang pagkain na mayaman sa probiotic, pati na probiotic supplements. Mayron kasing hindi balanseng bacteria sa tiyan, kaya tumitigas ang dumi. Nakakatulong ang pagkaing may probiotic para mabalanse ito at malabanan ang constipation, at tumutulong sa dalas ng pagdumi at sa lambot o tigas nito.

Kumain ng yogurt, sauerkraut at kimchi, na may taglay na live at mabuting bacteria.

6. Mayron ding prebiotic foods

Makukuha ito sa mga pagkain tulad ng bawang, sibuyas at saging. Ang prebiotic fibers ay nakakatulong sa digestive health sa pamamagitan ng pagsustena sa mabuting bacteria sa tiyan, at makakatulong na maibsan ang constipation.

7. Kumain ng pasas at prunes

Ang prunes, prune juice pati pasas ay kilalang  natural na remedyo at nakatutulong na labanan ang constipation. May taglay itong natural laxative sorbitol, isang sugar alcohol na may laxative effect.

May mga pag-aaral na nagsasabing mas mabisa pa ito kaysa fiber, lalo kung kakainin ng hanggang 2 beses kada araw. Subukan din ang tinuyong figs at apricots, na pareho din ang epekto sa panunaw.

8. Umiwas sa dairy products

May mga pagkakataon na mas nakakapagpalala ang pag-inom o pagkain ng produktong dairy tulad ng gatas at itlog.

May mga batang hindi kayang tunawin ang cow's milk protein, at may mga adults na may lactose intolerance, na nakakaranas ng constipation. Kung alam nang lactose intolerant, umiwas na sa pagkain o produktong dairy, kahit pansamantala lang. Palitan ito ng mga pagkaing mayaman sa calcium, para hindi manghina ang sistema.

9. Sumubok ng laxatives

Magtanong sa doktor kung makakatulong ba ang laxatives, at humingi ng reseta para dito. Maraming uri ng laxatives, na maipapaliwanag ng doktor.

 

SOURCES: MedicalNewsToday.com, MayoClinic

Basahin: 5 gamot sa constipation para sa mga buntis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!