Bakit sumasakit ang balakang ng buntis?

Bakit sumasakit ang balakang ng buntis?

Isa lamang ang pananakit ng balakang sa maraming nararamdaman ng isang buntis. Ano ang sanhi nito? Dapat bang ikabahala ito?

Pagsapit ng ikatlong trimester ng pagbubuntis, mas napapadalas na ang daing ni mommy sa sakit sa iba’t ibang parte ng katawan. Ang pananakit ng balakang ng buntis ay isa sa mga karaniwang sintomas na madalas ay hindi alam ng nagbubuntis kung bakit nga ba nangyayari.

Ayon sa librong Your Pregnancy Week By Week ni Elizabeth Warner, nasa 20% ng mga nagbubuntis ang nakakaranas ng pananakit ng balakang. Karaniwang nagsisimula ang sakit sa likod, papunta sa tagiliran, at mas sumasakit kapag nakatayo at kapag nagbubuhat ng mabigat.

Hindi rin daw bihira ang makaranas nito kahit sa mga unang buwan ng pagbubuntis, pero mas madalas nga ay sa ikalawa at ikatlong trimester nararamdaman ang pananakit ng balakang ng buntis dahil malaki na ang bata sa sinapupunan.

stillbirth

Sanhi ng pananakit ng balakang ng buntis:

1. Ang pregnancy hormones na relaxin.

Ito ay nakakapagpa-relax ng mga ligaments o litid na sumusuporta sa mga joints ng katawan, at nakakatulong na bumuka ang pelvis o buto ng baywang para mas mapadali ang panganganak o paglabas ng sanggol. Ang nagiging problema lang, ang relaxin din ang dahilan kung bakit mas nagiging sensitibo sa trauma ang mga buto sa balakang, kaya nga sumasakit.

Kapag sumasakit ang baywang o balakang, o ang tinatawag na pelvic girdle pain, ikinababahala ito ng nagbubuntis, bagamat karaniwang uri ng pregnancy pain ito.

Ang litid kasi na nagdudugtong sa spine at pelvis ay lumuluwag sanhi na nga rin ng pregnancy hormones. Mas tumitindi ang sakit kapag gumagalaw ang bata at nag-iiba ng posisyon.

2. Ang sciatic nerves.

May dalawang sciatic nerves ang katawan, na nasa likuran at konektado din sa paa. Kapag nagsimulang lumaki ang uterus, nadidiin ito sa mga nerves na ito na sanhi ng pamamanhid at pananakit ng balakang at likuran. Tinatawag din itong sciatica ng mga medical experts, ayon sa Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy, na inilathala ng pregnancy experts ng Mayo Clinic.

3. Bumibigat ang timbang ni Mommy.

Kapag bumibigat si Mommy, nagkakaron ng pressure sa buto ng balakang o pelvis, kaya sumasakit. Hindi na rin kasi balanse ang katawan dahil sa lumalaking bata, kaya minsan ay hindi na tama o normal ang tindig ng nagbubuntis—kaya sumasakit, dahil nadidiin sa balakang. Lalo pa kung madalas matulog nang nakatagilid.

Sa madaling salita, ang sentro ng gravity o hila paibaba kapag nagbubuntis ay nasa balakang at pelvis, dahil sa bigat ng bata.

Ilang tips para maibsan ang pananakit ng balakang ng buntis

Madalas ay hindi naman kailangan ng kahit anong gamot sa pananakit ng balakang ng buntis, lalo’t kung ano man ang inumin ni mommy ay napupunta din kay baby. May nga ehersisyo at ilang mabisang paraan para maiwasan o mabawasan ang pregnancy pains na ito.

  • Maging aktibo. Magtanong sa iyong doktor o physiotherapist ng mga ligtas at mabisang ehersisyo, yoga, o pilates, na makakatulong na maibsan ang pananakit ng balakang. Bagamat dapat pa ring isipin na hindi pwede ang mabibigat na gawain at komplikadong paggalaw dahil sa kalagayan mo, hindi rin pwedeng palaging nakaupo o nakahiga dahil sumasakit.

    May mga posisyon na makakaalis ng bigat o pressure sa balakang tulad ng posisyong nakaluhod at nakatukod ang parehong kamay, o “all-fours”. Makakatulong ang masahe at acupuncture, at iba pang ehersisyo para mapalakas ang muscles at makatulong na mapanatilong malakas ang pelvis.

  • Magpahinga ng mas madalas sa buong maghapon. Umupo, kung nahihirapan ng nakatayo. Huwag ding palaging nakatayo, para hindi palaging pabigat ang dala ng tiyan. Umupo kapag nagsasapatos, namamalantsa, nagtutupi, atbp. Mapapansing mas may pananakit kapag pagod ka sa maghapon.
  • Matulog ng patagilid, at maglagay ng unan sa pagitan ng tuhod at binti. Nakakatulong ito sa pagsuporta at pagpahinga ng joints, ligaments, at pelvis at balakang. Maglagay din ng maliit na unan sa ilalim ng tiyan kapag nakatagilid. Makakatulong din ang paglalagay ng comforter o makapal na kumot sa bandang tagiliran o balakang.
  • Subukan ang warm bath o warm compress. Nakakarelax na, nakakaalis pa ng pananakit. Kapag tumitindi ang sakit, dampian ng warm compress sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Ang maligamgam na temperature ay nakakatulong sa pagdaloy ng dugo, at naiibsan ang paninigas ng joints.

    HUWAG dampian ang tiyan ng anumang mainit. Siguraduhin ding maligamgam at hindi mainit ang tubig kapag maliligo.

Kumunsulta kaagad sa iyong doktor kung…

Kung ang pananakit ng balakang ay may kasamang pressure o pamamanhid ng pelvic area at kumakalat sa balakang, nakakaramdam ng abdominal cramps, pananakit ng likod na umaabot sa harap o tiyan, contractions kada 10 minuto, at bleeding, bago ang ika-37 linggo ng pagbubuntis, magpatingin kaagad sa iyong OB GYN. Maaaring hudyat ito ng preterm labor.

Kung wala naman ang mga nabanggit na sintomas, pero nakakaapekto ang pananakit sa araw-araw na gawain, ikunsulta din ito sa iyong OB GYN o midwife para malaman ang nararapat na hakbang para maibsan ang sakit. May mga physiotherapist na makakatulong para sa tamang treatment plan para sa pananakit ng balakang, o di kaya ay maituro ang tamang ehersisyo para dito.

 

SOURCES:

Cynthia Nuñez-Morton, RN

Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy, Roger W. (Ed.),(New York, NY: HarperCollins Publishers Inc.)

Your Pregnancy Week By Week ni Elizabeth Warner

Basahin: Bakit sumasakit ang tiyan ng buntis?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner