#AskDok: Bakit sumasakit ang balakang ng buntis?
Isa lamang ang pananakit ng balakang sa maraming nararamdaman ng isang buntis. Ano ang sanhi nito? Dapat bang ikabahala ito?
Pagsapit ng ikatlong trimester ng pagbubuntis, mas napapadalas na ang daing ni mommy sa sakit sa iba’t ibang parte ng katawan. Ang pananakit ng balakang ng buntis ay isa sa mga karaniwang sintomas na madalas ay hindi alam ng nagbubuntis kung bakit nga ba nangyayari.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit sumasakit ang tagiliran ng buntis?
- Sanhi ng pananakit ng balakang ng buntis
- Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Bakit sumasakit ang tagiliran ng buntis?
Ayon sa librong Your Pregnancy Week By Week ni Elizabeth Warner, nasa 20% ng mga nagbubuntis ang nakakaranas ng pananakit ng balakang. Karaniwang nagsisimula ang sakit sa likod, papunta sa tagiliran, at mas sumasakit kapag nakatayo at kapag nagbubuhat ng mabigat.
Hindi rin umano bihira ang makaranas nito kahit sa mga unang buwan ng pagbubuntis. Pero mas madalas nga ay sa ikalawa at ikatlong trimester nararamdaman ang pananakit ng balakang ng buntis dahil malaki na ang bata sa sinapupunan.
Pero bakit nga ba ito nangyayari at ano ang mga maaaring gawin ng isang buntis upang maibsan at mawala ang pananakit ng kanilang balakang?
Ayon kay Dr. Rebecca B. Singson, isang OB-Gyne mula sa Makati Medical Center, kapag buntis umano ang babae maglalabas ito ng relaxin, isa itong uri ng hormone, pagpapaliwanag niya patungkol rito,
“When you get pregnant, you start to release a hormone called relaxin. Yung relaxin ang purpose niyan is nirerelax niya yung mga joint lalong-lalo na sa pelvic area natin.
Kasi kailangan lumuwag yan ng konti para to make way for the birth of the baby. Ang nangyayari tuloy para kang engkang-engka kang lumakad, minsan nagduduck waddle, so it causes that pain.
Also habang lumalaki ‘yong tiyan mo, mag-strain yung back mo kasi magtse-change na ‘yong axis of gravity mo so maiiba na, magiging lordotic ‘yong spine mo to support that growing abdomen. Talagang it takes a toll in your back.”
Dagdag pa rito ang pananakit ng likod ng buntis, paliwanag ni Dr. Singson patungkol rito,
“Usually, it’s the lower back because of the axis of gravity. Kasi kailangan kang mag-hyperextend kasi yung tiyan mo lumabas.
Para makalakad ka ng hindi ka mahuhulog, makatayo ng diretso o ng balansyado, you have to hyperextend your spine and that results to back problems”
Dagdag pa niya,
“Ako na experience ko to kasi kambal ‘yong anak ko na ‘yong tinatawag na sciatica. Ayun ‘yong naiipit ‘yong ugat dito sa likod mo.
Dito sa bandang upper part ng butt either on the left or on the right. I have to go to a chiropractor for the realignment of spine.
Kasi maraming misalignment ang nangyayari kapag bumabaling ka sa kaliwa, kapag bumabaling ka sa kanan kapag dala-dala mo yung weight na ‘yon.
In one session with the chiropractor tanggal ‘yong back pain. Meron silang special table para sa mga buntis at sanay sila mag-realign ng mga buntis. Kaya I always refer.”
Sanhi ng pananakit ng balakang ng buntis:
Bakit sumasakit ang tagiliran ng buntis? Ano ang sanhi nito? Narito ang mga kailangan mong malaman patungkol sa sanhi ng pananakit ng balakang ng buntis. Ilan sa mga sanhi nito ay ang mga sumusunod:
1. Ang pregnancy hormones na relaxin.
Ito ay nakakapagpa-relax ng mga ligaments o litid na sumusuporta sa mga joints ng katawan, at nakakatulong na bumuka ang pelvis o buto ng baywang para mas mapadali ang panganganak o paglabas ng sanggol. Ang nagiging problema lang, ang relaxin din ang dahilan kung bakit mas nagiging sensitibo sa trauma ang mga buto sa balakang, kaya nga sumasakit.
Kapag sumasakit ang baywang o balakang, o ang tinatawag na pelvic girdle pain, ikinababahala ito ng nagbubuntis, bagamat karaniwang uri ng pregnancy pain ito.
Ang litid kasi na nagdudugtong sa spine at pelvis ay lumuluwag sanhi na nga rin ng pregnancy hormones. Mas tumitindi ang sakit kapag gumagalaw ang bata at nag-iiba ng posisyon.
2. Ang sciatic nerves.
May dalawang sciatic nerves ang katawan, na nasa likuran at konektado din sa paa. Kapag nagsimulang lumaki ang uterus, nadidiin ito sa mga nerves na ito na sanhi ng pamamanhid at pananakit ng balakang at likuran. Tinatawag din itong sciatica ng mga medical experts, ayon sa Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy, na inilathala ng pregnancy experts ng Mayo Clinic.
3. Bumibigat ang timbang ni Mommy.
Kapag bumibigat si Mommy, nagkakaron ng pressure sa buto ng balakang o pelvis, kaya nararamdaman ang pananakit ng balakang ng buntis. Hindi na rin kasi balanse ang katawan dahil sa lumalaking bata, kaya minsan ay hindi na tama o normal ang tindig ng nagbubuntis—kaya sumasakit, dahil nadidiin sa balakang. Lalo pa kung madalas matulog nang nakatagilid.
Sa madaling salita, ang sentro ng gravity o hila paibaba kapag nagbubuntis ay nasa balakang at pelvis, dahil sa bigat ng bata.
Ilang tips para maibsan ang pananakit ng balakang ng buntis
Bakit sumasakit ang tagiliran ng buntis? May lunas ba dito?
Madalas ay hindi naman kailangan ng kahit anong gamot sa pananakit ng balakang ng buntis. Lalo’t kung ano man ang inumin ni mommy ay napupunta din kay baby. May nga ehersisyo at ilang mabisang paraan para maiwasan o mabawasan ang pregnancy pains na ito.
Narito ang ilang tips para maibsan ang pananakit ng balakang ng buntis:
-
Maging aktibo.
Kung madalas ang pananakit ng balakang ng buntis, magtanong sa iyong doktor o physiotherapist ng mga ligtas at mabisang ehersisyo, yoga, o pilates, na makakatulong na maibsan ang pananakit ng balakang.
Bagama’t dapat pa ring isipin na hindi pwede ang mabibigat na gawain at komplikadong paggalaw dahil sa kalagayan mo. Hindi rin pwedeng palaging nakaupo o nakahiga dahil sumasakit.
May mga posisyon na makakaalis ng bigat o pressure sa balakang tulad ng posisyong nakaluhod at nakatukod ang parehong kamay, o “all-fours”.
Makakatulong ang masahe at acupuncture, at iba pang ehersisyo para mapalakas ang muscles at makatulong na mapanatilong malakas ang pelvis.
Subalit lagi munang ikonsulta ito sa iyong doktor, sapagkat may mga aktibidad na maaaring hindi mo maaaring gawin.
-
Magpahinga ng mas madalas sa buong maghapon.
Umupo, kung nahihirapan ng nakatayo. Huwag ding palaging nakatayo, para hindi palaging pabigat ang dala ng tiyan. Umupo kapag nagsasapatos, namamalantsa, nagtutupi, atbp.
Mapapansing mas may pananakit kapag pagod ka sa maghapon. Isa ito sa mga importanteng tip para maibsan ang pananakit ng balakang ng buntis.
Kaya naman magkaroon ng oras sa pagpapahinga upang hindi rin sumakit ang iyong balakang.
-
Matulog ng patagilid, at maglagay ng unan sa pagitan ng tuhod at binti.
Nakakatulong ito sa pagsuporta at pagpahinga ng joints, ligaments, at pelvis at balakang. Maglagay din ng maliit na unan sa ilalim ng tiyan kapag nakatagilid. Makakatulong din ang paglalagay ng comforter o makapal na kumot sa bandang tagiliran o balakang.
Mayroon mga unan na available online na makakatulong sa iyong pagtulog. Sa ganitong paraan maiiwasan ang pananakit ng iyong balakang.
-
Subukan ang warm bath o warm compress.
Nakaka-relax na, nakakaalis pa ng pananakit. Kapag tumitindi ang sakit, dampian ng warm compress sa loob ng 10 hanggang 15 minuto.
Ang maligamgam na temperature ay nakakatulong sa pagdaloy ng dugo, at naiibsan ang paninigas ng joints. HUWAG dampian ang tiyan ng anumang mainit. Siguraduhin ding maligamgam at hindi mainit ang tubig kapag maliligo.
-
Paggamit ng prenatal belt
Maaari ring gumamit ng mga prenatal belt na maaari mong mabili online, upang maiwasan ang pananakit ng iyong balakang. Makakatulong ito para ma-stabilize ang iyong balakang.
Hingin pa rin ang payo ng iyong doktor kung gagamit ka nito o nagpaplanong gumamit at bumili ng prenatal belt.
Kumonsulta kaagad sa iyong doktor kung…
Kung ang pananakit ng balakang ng buntis ay may kasamang pressure o pamamanhid ng pelvic area at kumakalat sa balakang, nakakaramdam ng abdominal cramps, pananakit ng likod na umaabot sa harap o tiyan, contractions kada 10 minuto, at bleeding, bago ang ika-37 linggo ng pagbubuntis, magpatingin kaagad sa iyong OB GYN. Maaaring hudyat ito ng preterm labor.
Kung wala naman ang mga nabanggit na sintomas, pero nakakaapekto ang pananakit sa araw-araw na gawain, ikunsulta rin ito sa iyong OB GYN o midwife.
Ito ay para malaman ang nararapat na hakbang para maibsan ang sakit. May mga physiotherapist na makakatulong para sa tamang treatment plan para sa pananakit ng balakang.
Mabuting malaman ang mga maaaring mangyari sa ‘yo kapag buntis ka upang makapaghanda kung sakaling makaranas man nito.
Katulad nga ng nabanggit kanina kung sumasakit ang iyong balakang maaaring gawin ang mga tips na aming binigay subalit lagi pa ring hingin ang payo ng mga eksperto kagaya ng iyong doktor upang masiguro ang kaligtasan mo at ni baby.
Source:
Cynthia Nuñez-Morton, RN
Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy, Roger W. (Ed.),(New York, NY: HarperCollins Publishers Inc.)
Your Pregnancy Week By Week ni Elizabeth Warner
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.