Bakit sumasakit ang tiyan ng buntis?

lead image

Karaniwang nararamdaman ng preggo moms ang pananakit ng tiyan—kaya ‘panic mode’ na agad, dahil baka may problema ang baby. Ano nga ba ang ibig sabihin ng stomach pains na ito?

Ano ang mga dahilan ng pananakit ng tiyan ng buntis?

Hindi maiiwasan ang ilang cramps at pain kapag nagbubuntis, na kasama na daw sa pagdadaanan ng isang magiging ina. Pero hindi kasi maiwasan na mag-alala, lalo na kung hindi mo alam kung ano ang dapat asahan, at kung ano ang gagawin.

Isa sa pinaka-karaniwang hinaing ng mga nagbubuntis ay ang abdominal pain, o pananakit ng tiyan ng buntis. Aba e, nasa tiyan ang sanggol, kaya naman iisipin ni mommy e, baka may masama nang nangyayari sa kaniya.

Dahilan ng pananakit ng tiyan ng buntis

Ayon sa Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy and Baby’s First Year, normal lang ang pananakit ng tiyan ng buntis dahil na rin sa patuloy na paglaki ng tiyan para magbigay ng lugar sa lumalaki ding bata sa loob ng 9 na buwan. Bagamat hindi dapat ikabahala ang ilang sanhi ng pananakit ng tiyan, dapat pa ding alalahanin na maaaring sintomas ito ng mas malubhang karamdaman.

Kuwento ni Menchu Masangkay, edad 23, sa ikatlong trimester niya, natakot siya dahil sumakit ang tiyan niya, na halos hindi na siya makagalaw. Pero pagkatapos niyang tumigil at umupo ng ilang minuto, nawala rin daw. Hindi na ito naulit kaya’t hindi na niya ikinunsulta sa doktor.

Kung ikaw ay buntis, o di kaya ay asawa ng isang nagbubuntis, mas mabuting malaman ang ilang sintomas na magbibigay ng tanda ng kondisyon na dapat bigyan ng pansin.

Hind dapat ikabahala ang pananakit ng tiyan ng buntis kung:

May ilang pananakit ng tiyan ng buntis na hindi dapat ikabahala, katulad ng mga sumusunod:

  • Pananakit na parang may tumutusok, mula sa bandang uterus papunta sa singit. Madalas nangyayari ito kapag nagpapalit ng posisyon sa pagkakaupo o pagkakahiga. Biglaan at minsan ay tumatagal ng ilang segundo.

    Paliwanag ni Cynthia Nuñez-Morton, RN, isang Pilipinang nurse sa Queen Alexandria Hospital, UK, sanhi ito ng pagkabatak ng dalawang malaking ligament o litid dahil lumalaki na ang tiyan at nababanat ang balat at loob ng tiyan dahil sa paglaki ng bata. Karaniwan itong nararamdaman sa ikalawang trimester.
  • Braxton Hicks Contractions. Sa pagpasok ng ikatlong trimester, makakaramdam ng tinatawag na Braxton Hicks contractions. Ito ay mga false contractions, na nagbibigay ng “patikim” sa kung ano ang dapat asahan sa oras ng panganganak.

    Kapag naramdaman ang contractions (30 segundo hanggang isang minuto), naninigas ang tiyan, pero hindi ito naghuhudyat ng panganganak na kung hindi bumubuka ang cervix. Nawawala din ang mga contractions na ito, at hindi rin gaanong masakit ito.
  • Constipation at kabag. Dahil tumataas ang lebel ng progesterone sa pagbubuntis, madalas kinakabag si mommy. Bumabagal ang panunaw at ang pagdaloy ng pagkain mula sa bibig papunta sa tiyan, na nakaaapekto naman sa pagdumi.

    Kailangan lang uminom ng maraming tubig at kumain ng pagkaing mayaman sa fiber, at mag-ehersisyo para makatulong sa panunaw, payo ni Nuñez-Morton. May mga stool softeners din na maaaring irekumenda ng OB GYN na ligtas para sa mga nagbubuntis.

    Dagdag pa dito ang pananakit ng tiyan dahil sa pagkain, na sanhi ng pangangasim at iba pang food sensitivities.

Dapat kumunsulta kaagad sa doktor kung ganito ang pananakit ng tiyan ng buntis

Ayon kay Nuñez-Morton at sa librong Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment Ninth Ed., ni Alan H. DeCherney, kapag naramdaman ang mga sumusunod na sintomas, kasama ng matinding pananakit ng tiyan, ay kailangan kaagad dalhin sa doktor.

  • Matinding pananakit ng tiyan na may kasamang pagdurugo. Spotting man o may kalakasang dugo, nakakabahala ito kapag sumasakit din ang tiyan, na karaniwang nangyayari sa ika-6 hanggang ika-10 linggo ng pagbubuntis.

    Senyales ito ng ectopic pregnancy, o pagbubuntis na nasa fallopian tube ang fertilized egg. Hindi ito maaaring magtuloy at dapat alisin kaagad.

  • May kasamang paghapdi kapag umiihi, at nasa lower abdomen at likod ang sakit. Posibleng urinary tract infection ito, na karaniwan sa pagbubuntis. Kung ang sakit ng likod at tiyan ay may kasamang lagnat, pagkahilo, labis na pagpapawis, at kombulsyon, maaaring kumalat na sa kidneys ang UTI.

  • May paninigas ng tiyan, at matinding sakit, na tumatagal ng ilang oras, o hindi nawawala. Ito ay sintomas ng placental abruption, o kapag ang placenta ay humiwalay sa uterus bago ang due date o full term. Isang sintomas na kasama nito ay ang pagputok ng panubigan, paunti-unti man o isang malakas lang, at back pain.

    Posibleng appendicitis din ang kondisyon, lalo kung may kasamang pagsusuka at walang ganang kumain o hindi makakain. Pero kahit na karaniwang sa ibaba ng abdomen ang pain dahil sa appendicitis, kapag nababatak ang uterus, nahihila pataas ang appendix papunta sa pusod o atay, kaya hindi kaaagad nalalaman ng doktor kung appendicitis nga dahil nasa may itaas ang sakit.
  • May kasamang high blood pressure at nasa upper abdomen ang sakit, sa ilalim at bandang kanan ng dibdib. Kapag may kasamang pagkahilo, pagsusuka ang mataas na presyon, pagkalabo ng paningin (blurred vision), sakit ng ulo, pamamaga ng binti o ng mukha at labis na pagbigat ng timbang, posibleng preeclampsia ito.

    Ang komplikasyong ito ay may kaugnayan sa mataas na presyon habang nagbubuntis, at karaniwang sa unang pagbubuntis nangyayari. Dulot nito ang edema o pamamaga, at pagkakaroon ng protina sa ihi. Kapag may preeclampsia, hindi makakatanggap ng sapat na dugo ang placenta, at hindi makakatanggap ng sapat na oxygen at pagkain ang sanggol.

  • May kasamang labis na pananakit ng likod, at contractions na nasa pagitan ng 5 hanggang 20 minuto, at malakas na pagdurugo na kulay brown o bright red. Posibleng miscarriage o pagkalaglag ang dahilan, kaya’t dapat magpatingin kaagad sa doktor. Karaniwang nangyayari ito sa unang 13 linggo ng pagbubuntis, pero maaari ding mangyari sa pagtatapos ng ikalawang trimester at sa ika-pitong buwan.

 

SOURCES:

Cynthia Nuñez-Morton, RN
American Pregnancy Association, AmericanPregnancy.org
Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy and Baby’s First Year ni William Morrow, et al.

Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment Ninth Ed. ni Alan H. DeCherney, et al.

Basahin: Puwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!