8 na dahilan nang pananakit ng tiyan ng buntis

8 na dahilan nang pananakit ng tiyan ng buntis

Karaniwang nararamdaman ang pananakit ng tiyan ng buntis — kaya ‘panic mode’ na agad, dahil baka may problema ang baby. Bakit nga ba ito nangyayari?

Pananakit ng tiyan ng buntis, normal ba? Alamin rito.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Mga posibleng dahilan ng pananakit ng tiyan ng buntis
  • Mga sintomas ng pagbubuntis na nagdudulot ng pananakit ng tiyan
  • Kailan dapat ikabahala ang pananakit ng tiyan ng buntis?

Habang nagbubuntis, nakakaranas tayo ng mga pagbabago sa ating katawan. May iba na inaasahan at normal sa mga babaeng nagdadalangtao gaya ng madalas na pag-ihi at pagiging antukin. Mayroon din namang mga sintomas na dapat bantayan dahil maari itong senyales ng komplikasyon.

Isa sa mga sintomas  na nararanasan ng mga buntis ay ang pananakit ng tiyan. Pero paano mo malalaman kung ang sakit na iyong nararamdaman ay karaniwan lang o dapat nang mag-alala?

Dahilan ng pananakit ng tiyan ng buntis

Ayon sa Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy and Baby’s First Year, normal lang ang pananakit ng tiyan ng buntis. Dahil na rin sa patuloy na paglaki ng tiyan para magbigay ng lugar sa lumalaki ring bata sa loob ng 9 na buwan. 

Ilan sa maaaring maging sanhi ng pananakit ng tiyan ng buntis ay ang pagkakaroon ng ligament pain, gas o acid reflux at constipation.

Bagama’t hindi dapat ikabahala ang ilang sanhi ng pananakit ng tiyan. Dapat pa ring alalahanin na maaaring sintomas ito ng mas malubhang karamdaman o komplikasyon gaya ng pagbaba ng platelets, ectopic pregnancy or posibleng miscarriage.

Kuwento ni Menchu Masangkay, edad 23, sa ikatlong trimester niya, natakot siya dahil sumakit ang tiyan niya, na halos hindi na siya makagalaw.

Pero pagkatapos niyang tumigil at umupo ng ilang minuto, nawala rin umano ito. Hindi na ito naulit kaya’t hindi na siya kumonsulta sa doktor.

Kung ikaw ay buntis, o ‘di kaya ay asawa ng isang nagbubuntis, mas mabuting malaman ang ilang sintomas na magbibigay ng tanda ng kondisyon na dapat bigyan ng pansin.

pananakit-ng-tiyan-ng-buntis

Pananakit ng puson ng buntis normal ba? | Image from Freepik

Pananakit ng tiyan ng buntis – mga hindi dapat ikabahala

Ayon sa website ng NHS, hindi dapat mag-alala kung banayad lang ang sakit at mabilis na nagagawa kapag nagbago ng posisyon, nagpahinga, dumumi o umutot.

Huwag mag-alala kung ang pananakit ng iyong tiyan ay katulad ng mga sumusunod na sintomas: 

  • Pananakit na parang may tumutusok, mula sa bandang uterus papunta sa singit

Madalas nangyayari ito kapag nagpapalit ng posisyon sa pagkakaupo o pagkakahiga. Biglaan at minsan ay tumatagal lamang ito ng ilang segundo.

Paliwanag ni Cynthia Nuñez-Morton, RN, isang Pilipinang nurse sa Queen Alexandria Hospital, UK, sanhi ito ng pagkabatak ng dalawang malaking ligament o litid.

Sapagkat habang lumalaki na ang tiyan at nababanat ang balat at loob ng tiyan dahil sa paglaki ng bata. Karaniwan itong nararamdaman sa ikalawang trimester.

  • Braxton Hicks Contractions

Sa pagpasok ng ikatlong trimester, maaring makaramdam ang buntis ng pasundot-sundot na pananakit ng tiyan na tinatawag na Braxton Hicks contractions. Ito ay mga false contractions, na nagbibigay ng “patikim” sa kung ano ang dapat asahan sa oras ng panganganak.

Kapag naramdaman ang contractions (30 segundo hanggang isang minuto), naninigas ang tiyan. Pero hindi ito naghuhudyat ng panganganak na kung hindi bumubuka ang cervix. Nawawala rin ang mga contractions na ito, at hindi rin gaanong masakit ito. 

Para malaman kung ang pananakit at paninigas ng tiyan ay Braxton Hicks lamang at hindi pa totoong labor, basahin rito.

BASAHIN:

Pananakit ng puson habang buntis: Mga dapat mong malaman

5 gamot sa constipation para sa mga buntis

Bakit sumasakit ang balakang ng buntis?

  • Constipation at kabag

Dahil tumataas ang level ng progesterone sa pagbubuntis, madalas na nakakaranas ng kabag si mommy. Bumabagal ang panunaw at ang pagdaloy ng pagkain mula sa bibig papunta sa tiyan, na maaring maka-apekto sa kaniyang pagdumi.

Kailangan lang uminom ng maraming tubig, kumain ng pagkaing mayaman sa fiber, at mag-ehersisyo. Gawin ito para makatulong sa panunaw, payo ni Nuñez-Morton.

May mga stool softeners din na maaaring irekumenda ng OB GYN na ligtas para sa mga nagbubuntis. Dagdag pa dito ang pananakit ng tiyan dahil sa pagkain, na sanhi ng pangangasim at iba pang food sensitivities.

 

pananakit-ng-tiyan-ng-buntis

Sintomas ng buntis pananakit ng tiyan | Image from Freepik

Pananakit ng tiyan ng buntis – mga senyales ng komplikasyon

Ayon kay Nuñez-Morton at sa librong Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment Ninth Ed., ni Alan H. DeCherney, kapag naramdaman ang mga sumusunod na sintomas, kasama ng matinding pananakit ng tiyan, ay kailangan kaagad dalhin sa doktor ang buntis.

  • Matinding pananakit ng tiyan na may kasamang pagdurugo.

Spotting man o matindi ang pagdurugo, nakakabahala ito kapag sumasakit din ang tiyan, na karaniwang nangyayari sa ika-6 hanggang ika-10 linggo ng pagbubuntis.

Posibleng senyales ito ng ectopic pregnancy, o pagbubuntis na nasa fallopian tube ang fertilized egg. Kung ganito ang nararanasang pananakit ng tiyan, kailangang pumunta agad sa doktor.

  • May kasamang hapdi kapag umiihi, at nasa lower abdomen at likod ang sakit.

Posibleng urinary tract infection ito, na karaniwan sa pagbubuntis. Kung ang sakit ng likod at tiyan ay may kasamang lagnat, pagkahilo, labis na pagpapawis, at kombulsyon, maaaring kumalat na sa kidneys ang UTI. 

Kapag mayroong sintomas ng UTI, dapat ay kumonsulta na agad sa iyong OB-GYN. Sapagkat maaari itong magdulot ng high blood pressure at maagang panganganak ng mga buntis.

  • May paninigas ng tiyan at matinding sakit na tumatagal ng ilang oras o hindi nawawala.

Ito ay sintomas ng placental abruption, o kapag ang placenta ay humiwalay sa uterus bago ang due date o full term. Isang sintomas na kasama nito ay ang pagputok ng panubigan, paunti-unti man o isang malakas lang, at pananakit ng likod

Posible ring senyales ito ng appendicitis, lalo kung may kasamang pagsusuka at walang ganang kumain o hindi makakain.

Pero kahit na karaniwang sa ibaba ng abdomen ang sakit dahil sa appendicitis, kapag nababatak ang uterus, nahihila pataas ang appendix papunta sa pusod o atay. Kaya naman hindi kaaagad nalalaman ng doktor kung appendicitis nga dahil nasa may itaas ang sakit.

Kapag naranasan ang ganitong klase ng pananakit ng tiyan, kumonsulta agad sa iyong doktor.

pananakit-ng-tiyan-ng-buntis

Sintomas ng buntis pananakit ng tiyan | Image from Freepik

  • May kasamang high blood pressure at nasa upper abdomen ang sakit, sa ilalim at bandang kanan ng dibdib.

Kapag may kasamang pagkahilo, pagsusuka, paglabo ng paningin (blurred vision), sakit ng ulo, pamamaga ng binti o ng mukha at labis na pagbigat ng timbang, posibleng senyales ito ng hypertension sa buntis o preeclampsia.

Ang komplikasyong ito ay may kaugnayan sa mataas na presyon habang nagbubuntis, at karaniwang sa unang pagbubuntis nangyayari. Dulot nito ang edema o pamamaga, at pagkakaroon ng protina sa ihi.

Kapag may preeclampsia, hindi makakatanggap ng sapat na dugo ang placenta, at hindi makakatanggap ng sapat na oxygen at pagkain ang sanggol.

  • May kasamang labis na pananakit ng likod, at contractions na nasa pagitan ng 5 hanggang 20 minuto. May kasama ring malakas na pagdurugo na kulay brown o bright red.

Posibleng miscarriage o pagkalaglag ang dahilan at nangangailangan ng agarang medikal na atensyon. Karaniwang nangyayari ito sa unang 13 linggo ng pagbubuntis. Pero maaari ring mangyari sa pagtatapos ng ikalawang trimester at sa ika-pitong buwan.

Source:

Cynthia Nuñez-Morton, RN
American Pregnancy Association, AmericanPregnancy.org; Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy and Baby’s First Year ni William Morrow, et al.;
Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment Ninth Ed. ni Alan H. DeCherney, et al.; WebMD

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!