Ang rason kung bakit hindi dapat cotton buds ang pinapanlinis ng tenga

lead image

Alamin kung ano ang mga kadahilanan kung bakit hindi maaaring gamiting panlinis ng tenga ang cotton buds at ano ang maaaring mangyari pag-ito ang ginamit.

Ang pag-gamit ng cotton buds bilang panlinis ng tenga ay may dalang mga panganib. Ang National Health Service (NHS) ng UK, mga general practitioner (GP), at maging ang mga gumagawa ng cotton bud ay hindi ito nire-recommend bilang panlinis ng tenga.

Sa kabila nito, umaabot parin sa milyon ang bilang ng gumagawa nito.

Ang necrotising otitis externa

Sa edad na 31 na taong gulang, isang lalaki ang biglang inatake ng seizures at matinding pananakit ng ulo. Siya rin daw ay nakakalimot ng mga pangalan ng tao hanggang biglang hinimatay.

Hindi masabi ng mga paramedics na dumating kung ano ang sanhi nito.

Matapos ang brain scan, nakitaan siya ng dalawang nana sa may lining ng utak. Nakuha ito ng lalaki dahil sa cotton bud na ginamit panlinis ng tenga.

Ang cotton bud ay naging sanhi ng necrotising otitis externa. Kilala rin ito sa tawag na malignant otitis externa.

Ito ay isang impeksiyon na nakukuha dahil sa bacteria. Nagsisimula ito sa ear canal bago kumalat sa bungo at kumain sa buto nito. Naaapektuhan nito ang mga ugat sa mukha kung saan nanghihina ang muscle parang may stroke.

Kadalasan itong nakikita sa mga matatanda at sa mga may problema ang immune system. Bihira ang impeksiyon na ito ngunit nakamamatay.

Gamot sa luga

Image from Freepik

Dapat bang linisin ang tutuli

Marami ang nagiisip na madumi ang mga tutuli. Ngunit ayon sa mga eksperto, natural lamang ito at importante sa kalusugan.

Ang mga tutuli ay nagsasala sa mga alikabok at dumi. Itinataboy nito ang tubig, pinoprotektahan ang lining ng tenga, at pumapatay ng mga bacteria.

Kadalasan, naitutulak lamang ng cotton buds ang tutuli palubog ng tenga. Naiipon nito ang tutuli kung saan tumitigas ito at bumabara sa tenga.

Ang panlinis ng tenga ay maaaring maka-butas sa ear drums na nagiging dahilan ng pagka-bingi. Katulad ng nangyari sa 31 na taong gulang na pasyente, maaari rin itong maging sanhi ng impeksiyon.

Sa mga pinaka-malalang sitwasyon, ang impeksiyon sa tenga ay maaaring maging malignant otitis externa.

Ano ang dapat panlinis sa tenga

Ayon sa mga eksperto, wala. Hindi dapat at hindi kailangan linisin ang tenga.

Ang lining ng tenga ay tuloy-tuloy na tumutubo palabas mula sa ear drum. Nadadala nito ang mga tutuli palabas ng tenga sa pagtubo nito. Dahil dito, kusang nahuhulog at natatanggal ang mga tutuli.

Ang pag-gamit ng cotton bud bilang panlinis ng tenga ay maaaring makasira sa maselan na lining ng tenga na magiging dahilan ng pag-ipon ng tutuli.

Sa mga ganitong pangyayari, maaaring gumamit ng sodium bicarbonate drops para tunawin ang mga matitigas na tutuli. Ginagamit ito ng isa hanggang dalawang beses sa isang araw, hanggang isang beses sa isang linggo habang pinapa-galing ang lining ng tenga.

Ang paggamit ng olive oil drops naman ay nagpapalambot lamang ng mga tutuli. Maganda itong gamitin bago kumuha ng propesyonal para mag-linis ng tenga.

Pagkakaroon ng bara sa tenga

Habang tumatanda ang tao, lalong tumitigas ang tutuli na nagpapahirap sa kusang paglabas nito. Maaari itong maging dahilan ng pagbara ng tutuli.

Ang mga sintomas ng pagbara ng tutuli ay panandaliang pagka-bingi, pakiramdam na puno ang tenga at nagri-ring o makalog na tunog sa tenga.

Kapag may bara sa tenga, inirerekomenda ng mga eksperto ang paglapit sa duktort. Ang microsuction na ipapayo nila ay dapat isagawa ng nurse.

Ang home syringing ay hindi iminumungkahi. Ito ay dahil maaaring ma-butas ang ear drum kapag mali ang pagkaka-gawa.

Mahigpit din na pinagbabawalan ng mga duktor ang ear candling. Ito ang proseso nang pag-lagay ng nakasinding kandila sa tenga sa paniniwala na hinihigop nito ang tutuli palabas. Bukod sa panganib ng pagka-paso, maaari rin pasukan ng wax ng kandila ang tenga.

Ayon sa mga eksperto isa lamang ang dapat gawin sa paglilinis ng tenga, gayahin lamang ang mga sina-unang tao: hayaan lamang ito.

 

Source: Daily Mail
Photo by Olga Guryanova on Unsplash

Basahin: Luga sa tenga: Sanhi, sintomas, at lunas

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!