Pwede ba ang hinog na papaya sa buntis? Ito ang isa sa laging tanong ng mga buntis. Dahil ang papaya maliban sa napakasarap na prutas ay alam naman nating good source ng vitamins at nutrients na mabuti para sa ating katawan. Pero, ang papaya pwede ba sa buntis? Alamin natin ang sagot dito.
Hinog na papaya sa buntis
Ang mga buntis ay pinapayuhan na kumain ng masusustansiyang pagkain para maging healthy ang development ng kaniyang dinadalang sanggol.
Nangunguna na nga rito ang pagkain ng prutas at gulay na good source ng iba’t-ibang vitamins at minerals. Ang papaya isa sa paborito ng marami sa atin.
Dahil maliban sa maaaring mapitas ito sa ating bakuran ay masarap at saktong-saktong sa sensitive na panlasa ng buntis ang prutas na ito.
Isa sa nutrients na tinataglay ng papaya na mahalaga sa pagbubuntis ay ang vitamin C. Dahil ang vitamin C maliban sa pinalalakas ang immune system ng katawan ng buntis laban sa mga sakit ay may mahalagang papel rin sa development ni baby.
Ang vitamin C ang tumutulong sa buntis na gumawa ng collagen ang kaniyang katawan. Ito ay mahalaga sa pagbuo ng mga bahagi ng katawan ng sanggol partikular na ang kaniyang tendons, buto at balat.
Base nga sa mga pag-aaral, ang kakulangan ng vitamin C ng buntis ay iniuugnay sa pagkakaroon ng komplikasyon sa pagdadalang-tao. Kabilang na dito ang high blood pressure at pamamanas sa kamay o paa ng babaeng buntis.
Papaya pwede ba sa buntis?
Papayang hinog para sa buntis, safe nga ba? / Image by Freepik
Mula sa naunang pahayag ay masasabing nasagot na natin ang tanong na kung puwede ba ang papaya sa buntis? Ito ay oo. Dahil sa ang isang maliiit na papaya kayang mag-provide ng 95 mg ng vitamin C.
Ito ay bahagyang malaki sa 85 mg ng vitamin C na kailangan ng isang buntis araw-araw. Kaya naman dapat paring hindi sumobra sa pagkain nito.
Pero ang plus, maliban sa benefits na taglay ng vitamin C, ang papaya ay puno ng fiber. Ito ay maganda naman para makaiwas o maibsan ang constipation ng babaeng nagdadalang-tao.
Ang iba pang vitamins at minerals na taglay nito ay beta-carotene, choline, folate, potassium at vitamin A and B.
Nakakatulong rin ang papaya para maibsan ang morning sickness ng buntis. Dahil sa masarap na lasa nito ay na-iimprove rin ang panlasa at mood ng babaeng nagdadalang-tao.
Ang pagkain din nito ay nakakaapekto sa pagpapataas ng platelet count ng babaeng nagdadalang-tao at nakakatulong para mapataas din ang milk production ng kaniyang katawan.
Ang papaya ay nagtataglay rin ng folic acid na mahalaga sa neurological development ni baby. Pino-promote rin nito ang heart health at nakakatulong para makaiwas ang katawan ng babaeng buntis sa colon cancer.
Dahil sa itinataas ng papaya ang hemoglobin levels ng katawan, ipinapayong kainin rin ito ng mga babaeng buntis na nakakaranas ng anemia. Sapagkat ang papaya makakatulong sa formation ng red blood cells sa kanilang katawan.
Hilaw na papaya para sa buntis
Ang mga nabanggit na benefits sa papaya ay makukuha ng buntis kung hinog ang kakainin niya. Kung hilaw na papaya na ang usapan ay saka muling umuusbong ang tanong na – bakit bawal ang papaya sa buntis?
Ito naman ang paliwanag ng iba’t ibang pag-aaral.
Ayon sa mga pag-aaral, pagdating sa kaligtasan ng buntis, ipinapayong hinog na papaya ang kainin niya. Dahil ito sa mga nabanggit na vitamins at minerals na tinataglay nito.
Pero ang hilaw na papaya sa buntis, bagamat healthy pa rin ay may taglay na enzymes na maaaring makasama sa pagdadalang-tao. Ito ang latex na sinasabing maaaring magdulot ng peligro sa pagbubuntis.
Bakit hindi ligtas ang hilaw na papaya na kainin ng mga buntis?/Photo by Hiram Alvarez from Pexels
Bakit bawal ang papaya sa buntis?
Paliwanag ng mga eksperto, ang enzymes na ito na taglay ng papaya ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na reactions sa katawan ng buntis.
- Maaari itong mag-trigger ng uterine contractions na maaring mauwi sa maagang paglelabor.
- Nagtataglay ng papain ang enzyme na latex na maaring mapagkamalan ng katawan na prostaglandins na ginagamit para ma-induce ang labor. Ang papain ay maaring magpahina rin ng mga vital membranes na sumusuporta sa lumalaking fetus sa tiyan ng buntis. Ito ay maaring magdulot ng miscarriage o premature birth sa kaniyang sanggol.
- Maliban sa papain, ang hilaw na papaya ay nagtataglay rin ng pepsin na pumipigil sa healthy development ng fetus.
- Kung sumusubok palang magbuntis o nagsisimula palang ang pagbubuntis, ang papain at pepsin ay maaring pigilan ang implantation at magdulot ng peligro sa lumalaking embryo.
- Ang latex ay common allergen rin na maaring mag-trigger ng allergic reaction sa babaeng nagdadalang-tao na maaring maging delikado.
- Tumataas rin ang vascular pressure sa katawan ng buntis sa tuwing siya ay kakain ng hilaw na papaya. Ito ay maaring mauwi sa internal hemorrhage o pagdurugo sa placenta na maaring maka-infect rin sa sanggol na kaniyang dinadala.
- Ang pagkain rin ng labis na hinog na papaya ay maaring mag-promote ng formation ng kidney stones sa buntis. Ang stones na ito maaring magdulot ng sakit sa tiyan ng buntis na parang kabag.
- Pinapataas rin ng papaya ang body temperature ng buntis at pinopromote ang estrogen production na nagdudulot ng menstrual bleeding. Ang menstrual bleeding ay palatandaan ng abortion o ectopic pregnancy na dapat mabigyan ng atensyong medikal. Dahil ang mga komplikasyon na ito sa pagdadalang-tao ay maaring maglagay sa peligro sa buhay ng babaeng nakakaranas nito.
Papaya na hinog para sa buntis
Mula sa mga nabanggit na pahayag, ay may ilang bagay tayong dapat isaisip. Una na dito ang pagkain ng papaya na hinog para sa buntis ay ligtas kumpara sa hilaw na papaya. Pero ang pagkain ng hinog na papaya ay hindi dapat sumobra dahil may kaakibat rin itong negatibong epekto sa katawan ng buntis.
Siguraduhin ring dapat na malinis at fresh ang papaya o kahit anumang prutas na kakainin ng buntis. Hindi rin dapat kinakain ang buto o balat ng papaya. Tanging ang laman lang nito ang dapat kainin na muli ay dapat in moderation lang.
Para makasiguradong makaiwas sa mga nabanggit na side effects sa pagkain ng papaya na hilaw sa buntis ay mabuting kumain nalang ng ibang prutas. Tulad nalang ng ubas, oranges, mansanas at bayabas na mayaman rin sa vitamins at minerals.
Kailan ligtas kumain ng hilaw na papaya?
Hilaw na papaya, kailan dapat kainin ng buntis? / Photo by Son Tung Tran from Pexels
Samantala, ang pagkain ng hilaw na papaya ay maari namang gawin ulit sa oras na nalalapit na ang panganganak ng babaeng buntis. Dahil ang hilaw na papaya ay napatunayang nakakatulong para mapalakas ang milk supply ng mga babaeng nagpapasuso.
Dito sa Pilipinas, ang hilaw na papaya ay madalas na inilalagay sa tinolang manok na mabuti ring ibinibigay sa mga babaeng bagong panganak. Pinaniniwalaan ring ang papaya ay nakakatulong sa mabilis na panganganak ng babaeng buntis. Kaya naman madalas na ipinapayo itong kainin kapag nalalapit na ang due ng babaeng nagdadalang-tao.
Pero tandaan, pagdating sa kalusugan mo at sanggol na iyong dinadala, mabuting sa bawat bagong pagkain o activity ng iyong gagawin ay hingin muna ang payo ng iyong doktor. Ito ay para makasiguradong ang mga hakbang na gagawin mo ay hindi makakasama sa iyong pagdadalang-tao. Isaisip na mas mabuti na ang makasigurado kaysa magsisi sa huli. Dahil sa isang maling hakbang mo maaring agad na mawala ang isang bagay na matagal mo ng hinihintay at matagal mo ng pinapangarap.
Muli, tandaan, ligtas para sa mga buntis ang hinog na papaya pero dapat ay in moderation lang. Para naman sa hilaw na papaya mas mabuting iwasan na muna ito sa mga unang buwan ng pagdadalang-tao.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!