Pagkain ng papaya, nakakapigil nga ba ng pagbubuntis?
Narito ang mga halaman na sinasabing paraan para hindi mabuntis, pero ayon sa mga eksperto ito raw ay hindi totoo.
Paraan para hindi mabuntis tulad ng pagkain ng papaya at iba pang halamang gamot, epektibo nga ba?
Mga halaman bilang paraan para hindi mabuntis
Kamakailan lang ay may isang tweet tungkol sa natural na paraan para hindi mabuntis ang nag-viral. Ngunit, agad naman itong kinontra ng mga doktor na sinabing ang mga paraan ay hindi ligtas at sadyang mapanganib.
Ayon sa tweet na ngayon ay nabura na, kaysa gumamit ng mga traditional contraceptives gaya ng pills at IUD ay may mga halamang maaring gamitin para hindi mabuntis ang isang babae o magdulot ng “self-abortion.”
Ang ilan sa mga halamang tinutukoy sa viral tweet ay figs, ginger at papaya.
Pero ayon sa mga doktor, bagamat ang mga tinutukoy na paraan para hindi mabuntis ay ang pag-gamit ng mga halaman, ang mga ito daw ay hindi epektibo at maari pang maging dahilan ng pagkamatay.
Reaksyon ng mga eksperto
Ayon sa viral tweet na umani ng 14,000 likes sa Twitter, ang mga halaman na maaring gamitin para hindi mabuntis ay ang sumusunod: papaya, neem, asafetida, figs, ginger, smartweed, wild yam, pennyroyal, black cohosh at angelica.
Base parin sa tweet, ang papaya daw ay nakakapagpababa ng sperm count ng mga lalaki. Habang ang ginger o luya naman ay nagpopromote ng menstrual flow at ang pennyroyal ay nag-iinitiate ng self-abortion.
Ayon naman kay Dr Tarun Jain, medical director ng Northwestern Medicine Fertility and Reproductive Medicine sa Oakbrook Terrace, ang ilan sa mga halamang nabanggit ay hindi naman harmful o makakasama sa kalusugan ngunit hindi rin naman daw ito epektibong paraan para hindi mabuntis.
Ang mga halamang tinutukoy ni Dr. Jain ay ang papaya, figs, ginger at wild yams. Samantalang, ang iba pang halaman daw na nabanggit ay delikado at nakakalason.
Epekto sa katawan
Tulad nalang ng pennyroyal, na ginagamit sa mga pesticides at maaring mag-dulot ng multi-organ failure at death. Ito ay base sa pahayag ng Memorial Sloan Kettering Cancer Center sa New York City.
Bagamat pinaniniwalaang maari itong magdulot ng miscarriage, ang sobrang dose ng pennyroyal ay maaring ring magdulot ng injury sa ina at sa kaniyang fetus na maari rin nilang ikamatay.
Ang asafetida naman ay isang halaman na nagtataglay ng compound na kung tawagin ay coumarins. Ayon sa research ang compound na ito kapag napasobra ang intake ng katawan ay maaring magdulot ng liver toxicity at magpataas ng tiyansa ng pagkakaroon ng cancer.
Base naman sa pahayag ng National Institutes of Health, ang black cohosh ay naitalang nagdulot ng liver damage sa mga taong gumamit ng produktong may taglay nito.
Kaya naman paalala ng mga eksperto mas mabuti pang gumamit ng traditional na paraan para hindi mabuntis. Kaysa isugal ang inyong buhay at tiyansa sa mga halamang maari pang makasama sa inyong kalusugan.
“These are not based on science, and these are dangerous recommendations. Such information should not be propagated. There are many other great alternatives based on science that are very effective,” dagdag pa ni Dr. Jain.
Source: DailyMail UK
Basahin: 7 tips para mas maging mabisa ang withdrawal method