Paternity leave: Isang gabay para sa mga tatay

lead image

Hindi lang si mommy ang may pagkakataong magpahinga mula sa trabaho para alagaan ang bagong baby. Pati si daddy ay may pagkakataon na ring mag-aruga sa kaniyang mag-ina.

Isang tatak Pilipino ang pagpapahalaga sa pamilya, Nanay ka man o Tatay. Kaya nga may Maternity Leave ang mga babae kapagkapanganak, para lubusang maalagaan ng mga nanay ang sanggol sa unang 2 hanggang 3 buwan ng buhay nito. Ngunit paano naman ang mga ama? Tanong ng karamihan, may benepisyo ba ng paternity leave ng SSS na makukuha ang mga tatay kagaya ng mga nanay?

Nasa batas ang pagkakaroon ng Paternity Leave, na nakasaad sa Republic Act No. 8187, o ang “Paternity Leave Act of 1996”. Ano ang mga nakapaloob dito?

Mga Benepisyo ng Paternity Leave

Ang parental leave na tinatawag ay magkaagapay. Para pagtibayin ang bigkis ng isang pamilya, binibigyan ng pagkakataon ang parehong magulang na makasama at maaruga ang isang bagong sanggol. At ayon sa batas, hindi lang mga babae ang dapat na makasama ng isang sanggol, kundi pati ang mga tatay.

Ang Paternity Leave ay isang benepisyong binibigay sa mga lalaking empleyado ng pribado o pampublikong sektor. Nagbibigay ito ng 7 calendar days na leave o bakasyon mula sa trabaho, nang may buong bayad, para sa unang 4 na panganganak (buhay man o hindi ang sanggol) ng isang lehitimong o legal na asawa na kinakasama sa isang tahanan.

Partikular o specific ang batas, at mga kondisyon sa ilalim nito.

Sa madaling salita, maaari lang makuha ang benepisyong ito kapag legal na kasal ang mag-asawa at nagsasama sila sa isang tahanan. At katulad ng nabanggit na, buhay man o pumanaw ang sanggol, buo mang ipinagbuntis ng 9 na buwan, o nakunan bago ang full-term pregnancy, puwede pa ring makakuha ang tatay ng paternity leave, ayon sa batas. Dagdag pa dito, hanggang 4 na panganganak lang ni misis ang maaaring mabilang sa benepisyo, at hindi na hihigit pa sa apat.

Pagpapaalam sa employer

Dapat ding ipaalam ni Daddy sa kaniyang empoloyer ang pagbubuntis ng asawa, sa unang dalawang trimester pa lang, at hindi puwedeng agad-agad lang, maliban na lang kung nakunan o nagkaro'n ng kinakailangang aborsiyon. May mga kompaniyang may policy o rules ukol dito, at ito ay dapat alamin ni mister sa oras na nalamang buntis si misis.

Sa Human Resources Personnel ng kumpanya, may makukuhang Paternity Notification Form na dapat sagutan at ipasa kaagad ni mister. Kalakip dapat ang kopya ng marriage contract, kung saan nakasaad na kasal na ang mag-asawa bago ang due date ni misis.

Pagkapanganak, kailangang magpasa ng birth certificate ng sanggol. Sa kaso ng miscarriage, kailangan naman ng legal na death o medical certificate.

Kaakibat nito ang benepisyong paternity leave ng SSS (Social Security System), pero hindi ang SSS ang magbabayad ng pera sa mga tatay, hindi katulad ng Maternity Benefit. Ang employer o kumpaniya ang magbabayad kay mister, na makukuha niya sa susunod na sweldo niya. Ang ibig sabihin lang nito ay maaaring lumiban si mister, at hindi siya mababawasan ng sweldo at annual leave o sick leave.

Kailan pwedeng makuha ang benepisyong ito?

Maaaring makuha ang paternity benefit bago, habang, o pagkatapos ng delivery ng sanggol, basta’t hindi lalagpas sa 7 working days. Halimbawa, puwedeng kunin ng tatay ang 1 hanggang 2 araw bago manganak si misis, 1 araw ulit sa araw ng panganganak, at 3 hanggang 4 na araw pagkatapos ng panganganak. Puwede ring sunud-sunod na 7 araw, mula sa araw ng panganganak, at mga sumunod na araw pagkatapos.

Basta’t hindi lalagpas sa 60 araw pagkapanganak ng sanggol.

Kung sa anumang kadahilanan ay hindi kinuha ng tatay ang 7 araw na paternity leave benefit niya, hindi ito maaaring ipalit sa cash. Sa madaling salita, forfeited na ito.

At dahil nasa batas ito, sinumang employer o anumang kumpaniya ang hindi magbigay ng benepisyong ito ay maaaring idulog ang reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE). Basta’t lahat ng papeles ay kumpleto, walang dahilan para hindi ito ibigay ng employer ni mister.

Ayon pa din sa batas, ang kumpaniya o employer na lumabag sa Paternity Leave Act ay maaaring magmulta ng hanggang P25,000 o pagkakulong ng hindi bababa sa 30 araw  at hindi hihigit sa 6 na buwan.

Mga Panukalang Batas para sa Pamilya—tunay na Good News!

May mga nagsasabing hindi sapat ang 7 araw para lubusang maalagaan ng isang lalaki ang kaniyang mag-ina. Pero dahil ito lang ang isinasaad ng batas, ang ginagawa ng ibang tatay ay idinadagdag pa ang kanilang annual leave (buo man o ilang araw lang) para tuluy-tuloy pa rin kahit papaano ang pagliban sa trabaho. Depende pa rin ito sa usapan ng empleyado at employer.

Nitong Setyembre 2018, inaprubahan na ng House of Representatives ang ikatlo at final na pagbasa ng House Bill 4113, o 100-Day Extended Maternity Leave Law na nagdadagdag ng Maternity Leave days ng mga nanay mula sa kasalukuyang 60 days (para sa normal delivery) at 78 days (para sa Ceasarian delivery), na ngayon ay 100 days, normal man o CS.

Inaapila pa ng mga mambabatas at ng Gabriela Women’s Party sa bicameral conference committee, ang Expanded Maternity Law o Senate Bill 1305, and 105 days na Maternity Leave Benefits, na may dagdag na 15 days para sa mga solo parents. Kasama pa dito ay maaaring ibigay ni misis ang hanggang 7 araw mula sa kaniyang Maternity Leave, sa kaniyang mister. Maaari din itong ilipat sa mga kaanak na tumutulong mag-alaga sa isang nanay, may asawa man o wala.

Sa parehong bersiyon ng panukala, aalisin na ang limit na 4 na panganganak lang, kaya’t maaaring matamasa ng mga nanay at tatay ang benepisyong ito, kahit ilang beses pang manganak.

Sa Canada, halimbawa, ang Parental Leave, o leave para sa parehong magulang ay mula 32 hanggang 52 weeks. Ibig sabihin ay puwedeng makibahagi o hatiin ng mag-asawa ang parental leave, para parehong makasama at makapag-alaga ng bata ang nanay at tatay, at hindi 7 araw lang ang para sa mga tatay. Mas mahaba pa rin ang panahon na ibinibigay sa mga mommies, pero hindi lang din isang linggo ang para sa mga daddies.

Marami pang mga progresibong bansa ang nagpapahalaga sa papel ng mga tatay sa pag-aalaga sa kaniyang pamilya, at hindi puro trabaho lang ang iniaasa sa kanila.

Source: Paternity Leave Act of 1996, Republic Act No. 8187

Basahin: 105 days ng maternity leave, aprubado na!